
12/06/2025
Ika-12 ng Hunyo, 1898— hindi ito marka ng kasarinlan mula sa kolonyalismo at imperyalismong sumikil sa bawat karapatang pantao ng mga Pilipino, kundi sagisag ng kagitingan ng ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay upang ipaglaban ang ating kalayaan mula sa pananakop ng Espanya. Pagkalipas ng 333 taon, hindi tayo ganap na pinalaya—sa halip, tayo'y ipinagbili sa Amerika.
Sa Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na isinulat ni Ambrosio Bautista, nakasaad na ang Amerika ang magbibigay ng proteksyon na walang pansariling interes. Ngunit kalaunan, hindi ito ganap na nasunod—ang Pilipinas ay sinakop at kinontrol pa rin ng parehong bansang nagsabing tayo'y kanilang poprotektahan.
Ito'y nananatiling isang mahalagang katanungan hanggang sa kasalukuyan: May tunay na kalayaan ba ang Pilipinas? May ganap ba itong awtonomiya sa mga desisyong pampamahalaan?
Mula sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), kung saan may mga military sites ang Amerika sa piling lugar sa bansa upang mas paigtingin ang seguridad sa sakuna, hanggang sa mga Maritime Cooperative Activity (MCA) na isinasagawa kasama ang Pilipinas upang protektahan ang West Philippine Sea (WPS)—ang tanong ay hindi kung ano ang intensyon ng Amerika, bagkus kung may ganap bang kontrol ang Pilipinas sa kanyang mga desisyon?
Ngayong Araw ng Kalayaan, ginugunita natin hindi lamang ang ating demokrasya, kundi ang ating karapatan na bumoses sa mga isyung panlipunan—mga isyung dapat bigyang pansin at ipaglaban. Ipinagdiriwang natin ang ating pangako na patuloy nating pahahalagahan at mamahalin ang ating karapatan bilang mga mamamayan—anuman ang ating estado sa buhay.
Huwag nating sayangin ang ating demokrasya. Ipaglaban natin lagi ang kapakanan ng bawat Pilipino hanggang sa mga susunod pang dekada.
Ito ay ating kolektibong responsibilidad bilang kasapi ng bayan. Pag-alabin ang pusong makabansa. Payabungin ang diwa ng pagkakaisa. Sapagkat ang kalayaan sa kasalukuyan—hindi na kailangan pang dumanak pa ang dugo, ito'y libre, hindi na ipagbibili. Yakapin, mahalin, at pahalagahan.
Mapagpalayang araw, Marians!
—
Isinulat ni Wilmar Sevilla
Pubmat ni Arrheya Venish