20/12/2024
USAPANG AGRIKULTURA | Ayon kay Salvador Bulda, OIC ng Department of Agriculture-Quirino Experiment Station, naging matagumpay ang kanilang pananaliksik upang tugunan ang problema ng masyadong mababang kita tuwing anihan ng sibuyas at mataas na presyo tuwing off-season. Noong 2010 hanggang 2015, napakababa ng presyo ng sibuyas tuwing anihan sa regular season, mula Marso hanggang Abril, kung saan umaabot lamang sa Php15 ang farm gate price. Dahil dito, ang kita ng mga magsasaka ay umaabot lamang sa Php60,000 hanggang Php70,000 kada hektarya.
Subalit, pagdating ng Disyembre hanggang Enero, napakataas ng presyo ng sibuyas dahil sa mababang supply. Upang matugunan ang problemang ito, nagsagawa sila ng pananaliksik at lumikha ng isang project proposal na isinumite sa Bureau of Agricultural Research, na nagbigay ng pondo para sa proyekto noong 2017.
Ang proyektong tinawag na "Community Based Participatory Action Research on Off-Season Onion Production" ay nagbigay-daan sa mga magsasaka na makapag-ani ng sibuyas tuwing Disyembre, isang panahon na karaniwang itinuturing na off-season para sa sibuyas. Mula sa maliit na production site at 20 na magsasaka, muling nabigyan ng suporta mula sa Bureau of Agricultural Research noong 2020 dahil sa magagandang resulta ng proyekto.
Ang tagumpay ng proyekto ay hindi lamang limitado sa Nueva Vizcaya. Ang teknolohiya ay in-adopt na rin sa mga lalawigan ng Cagayan at Quirino. Bukod dito, nagsimula na rin ang Palawan Research Experiment Station na gamitin ang naturang teknolohiya.
Ang patuloy na paglawak ng implementasyon ng proyektong ito ay nagdudulot ng malaking tulong sa mga magsasaka, hindi lamang sa aspeto ng kita kundi pati na rin sa pagtiyak ng sapat na supply ng sibuyas sa merkado sa buong taon.
Rhodelyn Come | RP-Batanes | December 20, 2024
Panoorin:
https://www.facebook.com/dwpe729am/videos/1382554586056015/