
01/10/2025
Pagyanig ng 6.9 Magnitude na Lindol sa Cebu, 63 Katao Patay
Patay ang mahigit 63 katao matapos yanigin ng 6.9 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Visayas, partikular na sa Cebu, noong Setyembre 30, dakong alas 9:59 ng gabi. Malaking pinsala ang idinulot nito sa iba’t ibang imprastraktura at ari-arian.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), unang naitala ang lakas ng lindol sa magnitude 6.7 bago itaas sa 6.9. Natukoy na ang epicenter ay nasa Bogo City, na nakaapekto rin sa mga karatig-lungsod at probinsya.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Northern Cebu, Bohol, Northern Samar, Eastern Samar, Eastern Visayas, Negros Occidental, Biliran, Leyte, Tuburan, Tabogon, Tabuelan, Medellin, Daanbantayan, San Remigio, Bantayan Island, Santa Fe, Sogod, Mandaue City, Iloilo, Legazpi, Bulan, Masbate Island, Calbayog, Kalibo, Roxas, Panay, Bacolod, Carcar, San Fernando (Cebu), at Negros.
Ayon naman sa ulat ng SunStar Cebu, tatlumpu(30) katao ang naitalang patay sa Bogo City, dalawampu't dalawa (22) naman sa San Remigio, Sampu (10) sa Medellin at isa (1) naman sa Sogod.
Bukod sa mga nasawi, malaki rin ang pinsalang natamo ng ilang estruktura, kabilang ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan at ang St. Peter & Paul Parish sa Bantayan Island, kung saan gumuho ang ilang bahagi ng simbahan. Nasira rin ang isang kilalang fast food chain sa Bogo City, habang nakaranas ang mga motorista ng malalaking bitak sa kalsada at pagguho ng lupa.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 848 aftershocks ang naitala matapos ang lindol, na may lakas mula magnitude 1.4 hanggang 4.8. Inaasahang magtutuloy-tuloy pa ang mga pagyanig sa mga susunod na araw.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS at ng mga lokal na awtoridad ang publiko na manatiling kalmado, ligtas, at alerto sa posibleng epekto ng mga susunod pang aftershocks.
✍️ Geralyn Sumalinog
credits to the real owner of the pictures