23/01/2024
YUNG PUNTONG NAPAPAGOD KA NA.
Hindi sa tamad ka o nagtatamad-tamaran ka, pero minsan talaga eh magugulat ka nalang dahil nakatayo ka na pala doon sa puntong parang lahat na lang ng ginagawa mo eh nakakapagod na, hindi lang nakakapagod kundi pakiramdam mo rin parang napakapointless na, insignificant at ni isang katiting ng purpose eh wala kang makita, yung parang wala kang mahuhuthot na sense of fulfillment, ni hindi lang para sayo kundi para na rin sa ibang tao, yung parang busy ang lahat tapos ikaw, lutang at walang ibang naglalaro sa isipan mo kundi yung pagod tapos mapapasabi ka na lang na nakakapagod na, ayoko na at kahit humigop ka ng maraming hangin at bumuntong hininga ng paulit ulit eh hindi pa rin nawawala yung pagod mo, ni pahinga o pagtulog ng ilang oras eh hindi pa rin nakakawala ng pagod mo, kasi nga pagod ka na.
SIGURO KASI ANDUN KA NA RIN SA PUNTONG HINDI KANA MASAYA. Siguro kasi wala ng bago. Siguro kasi lahat na lang paulit ulit. Siguro kasi nag uumapaw na yung batya ng pasensya mong mahalin lahat ng ginagawa mo. Siguro kasi nagigising ka sa umaga at ihaharap mo ang sarili mo sa salamin at susubukan mong ngumiti pero sa likod pa rin ng ngiting yun eh alam mong may nakakubling lungkot at pagod. Gusto mo mang alisin yung pakiramdam na yun pero sa bawat subok mo naman eh palyado ka lage, tipong lalo mo lang nararamdaman yung bigat sa puso mo, tipong lalo ka lang napapagod. Pero ayaw mo. Ayaw mong patulan yung pakiramdam kasi maraming madadamay, kasi alam mong pag sumobra na, mahirap nang gamutin. Pero paano nga ba? Paano mo nga ba maibabalik yung sigla mo kung maski paghanap ng magandang rason sa mga ginagawa mo eh wala ka ng makuha.
KAYA PARANG AYAW MO NA. Kaya parang gusto mong sumuko na lang. Na kahit alam mo yung gabundok ng problemang sinuot mo at sa lahat ng napagdaanan mo eh nawalan ka na ng pakialam na isipin yun dahil pagod ka na nga. Sawang sawa ka na. Kasi paulit ulit nalang. Nakakapagod no? Kahit yung paghinga mo parang nakakapagod na.