Alam Ba Niño, Episode 11 | ABN 11 – Ano ang nangyayari sa loob ng Banal na Misa?
"Ang pinakamahusay at ang pinaka-dakila."
Ito'y iilan lamang sa mga salita ni Pope John Paul II ukol sa Banal na Misa. Sa episode na ito, tatalakayin natin ang Eukaristiya—ang tinatawag ng Lumen Gentium bilang pinagmulan, at tuktok ng buhay Kristiyano.
Ikinatatagpo natin ang Diyos sa Banal na Misa, habang tayo'y nakikiisa sa mga parteng nakapaloob dito. Ang Misa ay may dalawang bahagi—ang Liturhiya ng Salita, kung saan ipinapamahagi at pinagninilayan natin ang Salita ng Diyos, at ang Liturhiya ng Eukaristiya, kung saan natin mararamdaman ang tunay na presensya ni Kristo, na nag-alay ng Kanyang sarili para tayo'y iligtas.
Ang mga bahagi ng Misa ay ginaganap upang maging patotoo at paalala ng iisang katotohanan: kailanma'y hindi tayo iniiwan ng Diyos. Patuloy natin Siyang kalakbay sa buhay. Sa tuwing tayo'y nasa Misa, ipinapaalala sa atin na ang Kanyang Salita't pag-gabay ay hindi lumalayo sa Kanyang bayan, at ang pagliligtas ni Kristo ay wala ring humpay, para sa ating mga nananampalataya at namumuhay nang may pag-asa sa Kanyang pag-ibig.
Ikaw, may mga tanong ka ba tungkol sa ating pananampalataya? Mag-message lang sa Viva Señor Network, o i-comment mo ang iyong tanong sa baba, para makita ng Parish Evangelization Team!
#AlamBaNino #ABNEpisode11 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SNDMPET
Tanong Lang Pads, Episode 11 | TLP 11 – Bakit natin ipinagdarasal ang mga namatay?
Paparating na ang Araw ng mga Patay. Siguro ay naghahanda ka na, o ang iyong pamilya, para bumisita sa mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Pero naiintindihan mo ba talaga kung anong nagagawa mo para sa mga namayapa na, sa tuwing ipinagdarasal mo sila?
Ang ating pagdarasal para sa mga patay ay hindi lamang pagpapanatili ng koneksyon. Sa pamamagitan ng ating mga panalangin, meron tayong tulong na konkretong ipinaaabot—tumutulong tayong linisin ang batik ng kasalanan sa kanilang kaluluwa, upang isang araw ay maging karapat-dapat na silang makisalo sa kaluwalhatian ng Ama.
Ang mga yumao'y wala nang magagawa para sa kanilang mga sarili. Kaya't misyon natin—bilang mga miyembro ng Simbahang narito pa sa lupa—na tulungan ang ating mga kapatid na namatay na.
'Yan ang panawagan sa ating lahat. Ipagdasal natin ang mga hindi na makapagdarasal para kanilang mga sarili, at pati ang mga nalimutan na dahil sa paglipas ng panahon. Sa bisa ng ating mga panalangin, at ating pag-aalay ng Banal na Misa, maaari tayong makatulong sa kanilang paglilinis-kaluluwa.
Ikaw, may tanong ka rin ba para kay Pads? I-comment sa baba, o mag-message sa Viva Señor Network, para makita ng Evangelization Team, at mabigyan ni Father Conrad ng sagot.
At tandaan po ng lahat—nakikiisa ang Parish Evangelization Team sa pananalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo, lalo na ang mga labis na nangangailangan sa dakilang awa ng Diyos.
#TanongLangPads #TLPEpisode11 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SNDMPET
Alam Ba Niño, Episode 10 | ABN 10 – Bakit inuulit ang mga dasal ng Santo Rosaryo?
Siguro natanong mo na ito sa sarili mo, sa gitna ng pagdarasal ng Rosaryo: "Hala, pang-ilang Hail Mary na ba? Nasaan na 'ko?"
Hindi natin maikakailang paulit-ulit ang mga dasal ng Rosaryo, pero ang pag-uulit na ito'y may mahalagang rason: dahil dito, lalong tumatatak sa ating puso ang mga dasal, at para bang lalo nating minamahal sa bawat nagdaraang segundo sina Hesus at Maria.
Ang pangunahing dahilan ng pag-uulit ng mga dasal ay upang madala tayo sa estado ng meditasyon. Habang inuulit natin ang mga kataga, lalo nating dinaramdam ang diwa ng mga ito, at lumalalim ang ating pokus. Sa dulo, maaaring mawala na ang mga salita, at mauwi na lang tayo sa panalanging sinasambit ng puso: ang contemplative prayer, o ang pananatili sa lubos na katahimikan, kasama ang ating Diyos.
Ito ang dapat tandaan—hindi tayo nag-uulit ng dasal para umulit lamang. Pagdating sa pagdarasal, ang pag-uulit ay pag-ibig. Pwedeng sa simula, umuulit tayo dahil 'yon ang porma, 'yon ang kailangan. Pero mababaw na pag-iisip 'yan. Sana ay maintindihan natin kung ano ang tunay na mahalaga: sa tuwing umuulit tayo, kung ginagawa natin ito ng tama, iisa lang naman talaga ang ating sinasabi.
Paulit-ulit, paulit-ulit: "Heto ako, aking Ama. Heto ako, mahal Kita."
O, ikaw, may tanong ka ba tungkol sa ating pananampalataya? I-comment sa baba, o mag-message sa Viva Señor Network, para makita ng Evangelization Team. Baka sa susunod, tanong mo na ang nasa Alam Ba Niño!
#AlamBaNino #ABNEpisode10 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SNDMPET
29th Sunday in Ordinary Time
29th Sunday in Ordinary Time
First Reading
Is 53:10-11
Responsorial Psalm
Lord, let your mercy be on us, as we place our trust in you.
Second Reading
Heb 4:14-16
Gospel
Mk 10:35-45
Tanong Lang Pads, Episode 10 | TLP 10 – Ano ang turo ng Simbahan tungkol sa Second Coming?
May dalawang misteryo na mabuting unawain natin.
Una rito ang Pasko—ang unang pagdating ng Panginoon, o ang Incarnation. Ito ang pagkakatawang-tao na dinarasal natin sa Angelus: "And the Word was made flesh." Bakit nga ba Siya nagkatawang-tao? Ito ay upang tuparin ang pangako ng Diyos sa Lumang Tipan, na Siya'y magpapadala ng Tagapagligtas natin mula sa kasalanan, at magdadala sa atin patungo sa buhay na walang hanggan.
Kung ang unang pagdating ng Panginoon ay tungkol sa kaligtasan, paano naman ang Second Coming—ang Kanyang ikalawang pagdating?
Tuklasin natin ngayon kung ano ang turo ng Simbahan tungkol dito, sa pamamagitan ng sagot ni Father Conrad Amon, kura paroko ng Santo Niño de Molino.
Ang technical term para sa Second Coming ay "parousia."
Ano ang sentro ng turo ng Simbahan patungkol dito? Dalawang bagay: una, darating ang Panginoon upang magbigay-hatol sa mga buhay at sa mga patay. Ang turong ito ay nakapaloob sa Kredo. Pangalawa, bagamat totoo na darating muli ang Panginoon, hindi natin alam kung kailan ito magaganap.
Mababasa sa Bibliya kung ano ang mga senyales ng Ikalawang Pagdating. Pero dahil walang nakakaalam kung kailan ito mangyayari, ano ang panawagan sa atin?
Tandaan natin ang Talinghaga ng Sampung Birhen: dapat tayong maging handa, sapagkat hindi natin alam kung anong araw at oras ng pagdating ng Panginoon. Dahil dito, lagi sana tayong manatili sa kabutihan, kabanalan, at sa pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.
Siguradong darating muli si Kristo. At sa araw na iyon, maging handa sana tayo sa ating isipan, sa ating puso, at sa ating buong katauhan.
Ikaw, may tanong ka rin ba para kay Pads? I-comment sa baba, o mag-message sa Viva Señor Network, para makita ng Evangelization Team!
#TanongLangPads #TLPEpisode10 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SNDMPET
Holy Mass
28th Sunday in Ordinary Time
Alam Ba Niño, Episode 9 | ABN 9 – Anu-ano ang mga Misteryo ng Santo Rosaryo?
Sa huling episode ng Alam Ba Niño, tinalakay natin ang Santo Rosaryo, at ang kasaysayan nito. Magtungo naman tayo ngayon sa mga Misteryo na nakapaloob sa Santo Rosaryo, pati na rin ang pinagmulan ng mga ito.
Ang dalawampung Misteryo ng Santo Rosaryo ay binubuo ng mga pangyayari sa buhay ni Kristo at ng kanyang Ina na si Maria. Ang dalawampu ay nahahati sa apat na kategorya: ang Joyful, Sorrowful, Glorious, at Luminous Mysteries. Ang mga Luminous Mysteries ay ipinadagdag ni St. Pope John Paul II noong taong 2002.
Ang mga Misteryo ng Santo Rosaryo, na naka-ugat sa mga nakasulat sa Bibliya, ay may mga takdang araw ng paggamit. Ngunit alin mang Misteryo ang ating pagnilayan, ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay pareho pa rin ang kahahantungan: sa pamamagitan nito, itinataas natin sa Panginoon ang ating mga hinaing at pangangailangan, sa tulong ng ating Mahal na Ina.
Ikaw, may nais ka pa bang malaman tungkol sa Santo Rosaryo, o kaya'y tungkol sa ating pananampalataya? I-comment sa baba o mag-message sa Viva Señor Network, para masagot namin ang iyong katanungan!
#AlamBaNino #ABNEpisode9 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SNDMPET
27th Sunday in Ordinary Time
HOLY MASS
27th Sunday in Ordinary Time
First Reading
Genesis 2, 18-24
Responsorial Psalm
"May the Lord bless us all the days of our lives"
Second Reading
Hebrews 2, 9-11
Gospel
Mark 10, 2-16
Tanong Lang Pads, Episode 9 | TLP 9 – Totoo ba ang Revelation?
Ang maikling sagot: oo, totoo ang Revelation.
Ayon sa sulat ni San Pablo kay Timoteo, lahat ng nasa Banal na Kasulatan ay kinakasihan ng Diyos, at mabisa para sa pagtuturo ng pananampalataya. Kaya oo, ayon na rin sa posisyon ng Simbahan, totoo ang aklat na ito.
Pero hindi natin maikakaila—kapag ating binasa, parang ibang-iba nga ang tono ng Revelation, kumpara sa mga ibang aklat ng Bagong Tipan, halimbawa na lang ang mga Ebanghelyo.
Yan ay dahil iba naman talaga ang porma ng Revelation. Ang aklat na ito ay kabilang sa kategoryang tinatawag na "apocalyptic literature." Kung babasahin, ang Revelation o ang Aklat ng Pahayag ay puno ng mga paglalarawan, senyales, simbolo, at mga numerong makahulugan. Kumpara sa mga Ebanghelyo o ibang aklat ng Bibliya, na may mga konkretong kwentong madaling sundan, ang Revelation ay hitik sa mga imahe, at sa lenggwaheng minsa'y mahirap intindihin.
Ganito natin isipin: ang Revelation ay aklat ng kanyang panahon. A mirror of its time, ika nga. Dahil ito'y produkto ng panahon kung kailan matinding inuusig ang mga Kristiyano, sinasalamin ng Aklat ng Pahayag ang pagtutunggali ng mabuti't masama, at ng mga pwersang makamundo laban sa mga taong nagsisikap na mamuhay nang tapat sa Diyos.
Iba man ang porma, tandaan pa rin natin: ang Revelation ay naghahayag ng katotohanang inihahayag din ng ibang aklat ng Bibliya.
Anong katotohanan?
Ang katotohanan na lagi nating kasama ang Diyos, kahit sa gitna ng mga pinakamalaking pasakit ng ating buhay. Subukan man tayong parusahan ng mundo, hindi kahit kailan lalayo sa atin ang Ama. Ang pangakong ito ay araw-araw na natutupad kay Kristo, na ating Emmanuel—ano pa man ang pag-uusig na dumating, kalakbay natin si Hesus, at laging magtatagumpay ang buhay at liwanag, hindi ang kamatayan at dilim.
May tanong ka rin ba para kay Pads? I-comment sa baba, o mag-message sa Viva Señor Network, para makita ng Evangelization Team!
#TanongLangPads #TLPEpisode9 #VivaSenorNetwork #ParishEvangelizationTeam #SN