
08/03/2023
GOB. MAMBA, DISMAYADO SA PNP REGION 2 DAHIL SA MABAGAL NA IMBESTIGASYON SA APARRI 6
Labing walong (18) araw mula nang nangyari ang karumaldumal na pananambang at pagpaslang kina Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at sa limang kasamahan nito sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Pebrero-19, ngunit wala pa ring malinaw at kongkretong lead ang pulisya sa mga pumaslang sa Aparri 6.
Dahil dito, muling nagpahayag ng pagkadismaya si Gob. Manuel N. Mamba sa kapulisan sa rehiyon dahil sa mabagal na usad ng imbestigasyon sa naturang krimen.
“Masakit para sa akin na after 18 days wala pa rin update sa pagpaslang sa Aparri 6. Hindi po pwedeng kalimutan natin ito. Ako po ay nananawagan na naman sa Philippine National Police (PNP), huwag po nating inililihis ang isyung ito. Ang isyu dito ay 'what happened' to the Aparri 6 in Nueva Vizcaya? Bakit blanko pa rin po tayo? Pinagtatakpan niyo po ba ito o naghahanap kayo ng katotohan dahil 18 days na ito?” ani Gob. Mamba.
Matatandaang pinuna ni Gobernador si Police Brigadier General (PBGen) Percival A. Rumbaoa, PRO2 Acting Regional Director sa tila walang ginagawang aksyon ang kanyang pamunuan sa nangyaring pagpasalang kina Vice Mayor Alameda at limang kasamahan nito.
“Gen. Rumbaoa wala ka pa bang maisagot? Wala bang pinapatunguhan ang inyong imbestigasyon o takot ka sa gumawa? O takot ka sa katotohanan o takot ka sa kung sino ang mastermind?” pahayag ng Gobernador.
Nanawagan din si Gob. Mamba sa mga Aparriano at sa mamamayang Cagayano na huwag kalimutan ang ginawang pagpaslang kina Vice Mayor Alameda at limang kasamahan nito upang sila’y mabigyan ng hustisiya.
”Sana po huwag nating kalimutan ang nangyari kay Rommel at sa limang kasamahan niya. Magbilang tayo ng araw na hindi nareresolba ito upang kumilos ang kapulisan para mabigyan ng hustisiya ang Aparri 6,” panawagan ng Gobernador.
SOURCE: Cagayan Provincial Information Office (REDEN L. DELOS SANTOS)