31/12/2023
NAGKAKAISANG PAHAYAG NG MGA KABATAAN MULA SA GITNANG LUZON LABAN SA HUWAD, PALPAK, AT PAHIRAP NA PUV MODERNIZATION PROGRAM AT JEEPNEY PHASEOUT!
Nagpapatuloy at labis na lumalala ang paghihirap ng mamamayan, mula kay Duterte hanggang sa kasalukuyan, sa pagpapatuloy ng inutil na si Marcos Jr. ng Department Order 2017-011 (DO 2017-011) o Omnibus Franchising Guidlines na siyang basehan sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon sa LTFRB, kinakailangang alisin ang mga tradisyunal na dyip mula sa kalsada dahil ang mga ito raw ay “luma na, nakapipinsala sa kalikasan at hindi ligtas gamitin”. Sa ilalim ng PUVMP, papalitan ang mga lumang dyip ng mga “modernized jeepneys” na may Euro 4 pataas na makina. Ang mga ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang ₱2.4 hanggang ₱2.8 na milyon kada yunit. Ang mga bagong dyip na ito ay bibilhin mula sa mga korporasyong pag-aari ng mga dayuhan. Karamihan sa mga dyip na ito ay mga pinaglumaan nang produkto. Maikli lamang ang buhay ng mga dyip na ito, hindi ito gaya ng mga tradisyunal na mga dyip na matagal nang naiangkop sa klima at kalupaan ng ating bansa. Patunay dito ang daan-daang naunang mga “modern jeepney” na sa kasalukuyan ay sira na’t ‘di mapakinabangan.
Dagdag pa rito, pwersahang ipinapasuko sa mga tsuper ang kanilang mga indibidwal na prangkisa, kasabay din ang patuloy na pagkokonsolida sa mga maliliit na opereytor. Papalitan ang nakasanayang sistema ng mga tsuper sa pamamasada ng “Fleet Management Program” kung saan mga pribadong korporasyon ang mangangasiwa sa pagpasada ng mga sakayan. Mapapalitan ang dating boundary system kung saan malayang nadidiktahan ng mga tsuper ang kanilang arawang kita at tatakdaan ng ng ₱3,500 na quota ang bawat drayber upang sila ay mabigyan ng sahod.
Malinaw na huwad ang “modernisasyong” ito. Ginagamit lamang ang programang ito hindi upang mapaunlad ang sektor ng transportasyon sa ating bayan kundi upang patuloy lamang na pakapalin pa ang mga bulsa ng mga korporasyon, dayuhang mga kapitalista, at kanilang mga burukratang kapitalista na kakampi sa gobyerno. Lalo lamang inilulubog ng programang ito ang mga drayber at opereytor sa eksploytasyon at labis na paghihirap. Malinaw na hindi interes ng masang Pilipino ang nabibigyang prayoridad sa ganitong neoliberal na sistema. Bukod sa kapakanan ng kabuhayan ng mga drayber at opereytor ng dyip, lubos din nitong maaapektuhan ang kapakanan ng mga komyuter partikular na ang mga masang manggagawa at mag-aaral sapagkat inaasahang mababawasan ang mga bumabyaheng dyip sa lansangan.
Magmula nang ipinatupad ang programang ito, sunod-sunod na ang mga tigil pasadang inilunsad ng mga tsuper at opereytor na nilahukan ng mga kabataang estudyante at iba’t iba pang mga sektor sa lipunan. Naging matagumpay ang mga tigil-pasada upang maipakita sa masang komyuter at sa gobyerno ang laki ng papel na ginagampanan ng mga tradisyunal na dyip sa ating lipunan. Kahapon lamang, ika-28 ng Disyembre, naglabas ang LTFRB na pahihintulutan pa rin ang mga dyip na mamasada hanggang sa huling araw ng Enero sa susunod na taon sa mga rutang hindi konsolidado o mababa sa 60% ang mga konsolidadong dyip. Patunay ito na palpak ng gobyerno sa pwersahang pagkonsolida sa mga drayber at tsuper upang tuluyang tanggalin sa lansangan ang mga tradisyunal na dyip at may tagumpay na nakakamit sa sama-samang pagkilos ng mamamayan.
Kaya naman ipinapanawagan ng mga kabataan mula sa Gitnang Luson na Ibasura ang pwersahang konsolidasyon sa mga drayber, tsuper, at operators. Tutulan ang PUV Phaseout at huwad na PUV modernization program. Singilin ang administrasyong Marcos Jr. sa pagtratraydor niya sa sambayanang Pilipino dahil sa kanyang patuloy na paninilbihan sa interes ng mga kapitalistang dayuhan, malalaking korporasyon, at kapwa niya burukrata kapitalista. Tayo na at makiisa, sumama, at ipagtagumpay ang laban para sa maka-masa at maka-taong moda ng transportasyon. Dahil sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter.