08/07/2023
Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) | 09 Hulyo 2023
UNANG PAGBASA
Zacarias 9, 9-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Sion, magalak ka at magdiwang!
Umawit ka nang malakas, O Jerusalem!
Pagkat ang hari mo ay dumarating na,
mapagwagi at mapagtagumpay.
Mapagpakumbaba siya
at nakasakay sa isang bisirong a**o.
Ipaaalis niya ang mga karwahe sa Efraim,
gayun din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma
at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa;
ang hangganan ng kaharian niya’y dagat magkabila,
mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14
Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.
o kaya: Aleluya.
Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.
Magpupuring lahat sa iyo, O P**n, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.
Di ka bibiguin sa mga pangako
pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao
na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 9. 11-13
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.