08/15/2024
The Unwanted Wife by GirlInNight
Download and subscribe to RS Stories to read this story.
Chapter 1
LALAINE FRANCISCO-LEVISTE
"Hanggang kailan ka magpapaka-martyr?" tanong ni Mae sa 'kin habang nakataas ang kilay. Siya rin ang bestfriend ko since first year college hanggang ngayon.
Ngumiti lang ako sa kaniya dahil, alam niya na ang sagot diyan. Hindi ko na kailangan pang sagutin.
“Alam mo, hindi ko alam kung bakit ka nagtitiis sa lalaking ’yan, eh, sinasaktan ka lang naman. Maraming lalaki riyan, girl,” wika nito at umirap sa kawalan.
Alam ko naman iyon pero napamahal na ako kay Neil.
“Ah, kilala mo pa ba si Aldrich? ’Yong classmates natin noong highschool?” tanong nito.
Akala ko hindi na siya magtatanong pero madaldal nga pala ang kaibigan ang babaeng ’to. Pero ipinagpapasalamat ko naman iyon dahil kahit papaano ay hindi boring ang buhay ko.
Kumunot ang noo ko sa sinabi nito. Aldrich? Hindi ko yata kilala 'yon. Hindi ko naman kilala sinasabi niya. Naging classmates kasi kami noong fourth year highschool pero, nang mag-college lang kami naging mag kaibigan.
“Hindi, kaya kumain ka nang kumain. Ang daldal mo masyado, malapit na mag-time,” wika ko at sumiring ang kanyang mata.
“Sus! Palibhasa si Neil lang kilala mo,” sabi niya. Medyo napalakas iyon kaya agad kong tinakpan bibig niya.
“Huwag kang maingay, baka may makarinig sa ’yo!” saad ko.
“Oo na!” sagot niya at hinawi ang kamay ko.
“Ikaw talaga!” sita ko habang tumitingin sa paligid.
“Ewan ko sa ’yo! Kung hindi ko lang sana nakikita na nasasaktan ka sa kanya hindi naman kita itutulak sa iba,” saad niya kaya natahimik ako.
Oo, nakikita niya nga lahat dahil second year college ako nang magpakasal kami ni Neil, dahil na rin sa kagustuhan ng parents niya. Hindi ’yon bonggang kasal at tanging kaibigan ko, kaibigan niya, at parents niya lang ang naging saksi. Hindi iyon isinapubliko dahil ayaw ni Neil ipaalam sa lahat na kasal kami. At tinanggap ko ’yon dahil wala naman akong ibang choice.
I was 18 that time while Neil was 20 and graduating with a degree in Business Management.
Ngayon ay CEO na si Neil Ivan ng “Leviste Corporation” na pagmamay-ari ng pamilya nila. Palagi siyang laman ng mga balita at magazine. Mas lalo siyang sumikat dahil sa edad na twenty two ay nakapag-manage na siya ng malaking kompanya at marami na rin siyang naipatayo gaya ng ’Leviste's Restaurant‘ na ipinagalan niya sa girlfriend niya at may isa pang restaurant na Pilipino dish ang menu pero, hindi ko alam kung kay Margarette din iyon.
Mayroong ’Leviste's Flower shop’ para sa mommy niya. Sa pag-angat niyang ’yon at sa tuwing lumalabas siya sa television ay palagi niyang kasama ang girlfriend niyang si Margarette na tila ba proud siyang ipinagmamalaki ito.
Samantalang ako ay hanggang pangarap na lang na ipagmamalaki niya o ipakilala sa public.
“Hala! Bakit ka umiiyak?! Sige na, hindi na kita itutulak sa iba basta...ano... huwag ka lang umiyak d'yan," sabi ni Mae habang natataranta sa gagawin. Kung pupunasan ba ang luha ko o yayakapin ako. Doon ko lang din napansin na basa na pala ng luha ang pisngi ko.
Umiiyak na pala ako. Bakit nga ba ako umiiyak? Kung tutuusin ay dapat sanay na ako na ganito talaga. Sinira ko ang pangarap niyang pakasalan ang babaeng pinakamamahal niya.
"Hayaan mo na ako, Mae, nagiging masaya naman ako kahit papaano,” mahinang sagot ko bago pinunasan ang luha sa pisngi ko at ngumiti.
"Oh, siya tara na. Baka malate pa tayo," sagot niya lang sa 'kin at tumayo na. Fourth Year College na kami at Cookery ang kinuha kong kurso samantalang arts and design naman kay Mae. May pagmamay-ari kasi silang dress botique at gusto rin niyang magtahi o mag-design.
Naghiwalay na kami dahil magkaiba ang department namin.
Second week pa lang ng pasukan bilang pagiging Fourth Year College namin, kaya nagsabay na kami. Nagkapareho kasi ang schedule time namin sa umaga.
“Good morning!” bungad ng Professor namin pagpasok niya.
“Good morning, Mrs. Camuz!” Balik naming bati sa kaniya
“Okay. Take a sit. Mayroon kayong bagong kaklase,” wika ni Ma'am at tumingin sa labas bago ito sumenyas na pumasok. Sinundan namin ng tingin ang pintuan hanggang sa pumasok ang isang lalaki.
Napasinghap ang mga kaklase kong babae at parang mga bulateng nilagyan ng abo dahil akala mo mga kiti-kiti.
“Introduce yourself.”
"Hi. I'm Aldrich Sarmiento. Nag-shift ako from Business Management course. Dahil last year ko na rin naman at saka mahilig ako kumain kaya gusto ko rin matutong magluto." Nakangiting pakilala niya saka tumingin kay Ma'am. Tinuro naman ni Ma'am ang upuan sa likod dahil doon lang may bakante.
"Ang gwapo niya 'no?" bulong ng nasa unahan ko pero narinig ko pa rin. Kunwari pang ibinulong. Napailing na lang ako sa reaksiyon nila at nakinig na sa discussion ni ma'am.
Sa kabuuan ng klase, wala akong narinig na kwentuhan kundi tungkol sa bago naming kaklase. Kaya nang matapos ang klase ay parang nakahinga ang tenga ko.
"Uy, mukhang nangangamoy pagmamahal ah.” Sundot sa 'kin ni Mae habang naglalakad kami palabas ng campus.
Uwian na kasi at nagsabay kaming uuwi ngayon dahil hinintay ko siya pero, palabas pa lang kami ay tanaw na rito ang itim na black mercedez. At kilala ko kung kaninong sasakyan 'yon. Kaya pala ako sinusundot ni Mae dahil nakita niya ang sasakyan ni Neil.
"Tumigil ka nga, Mae! Parang kanina gigil na gigil ka, tapos ngayon para kang kinikilig diyan," sabi ko sa kanya, pero hindi siya sumagot at tahimik lang na naglakad.
Napailing na lang ako sa pagka-moody ng babaeng 'to.
Pero ano kayang ginagawa ng lalaking ito rito? Hindi na naman nag-aaral ang girlfriend niya kaya sino susunduin nito?
Ako? Impossible!
Nang makarating kami sa labas ay bumeso na sa akin si Mae at nagpaalam na. Kumaway lang ako hanggang sa makasakay siya sa sasakyan nila, saka ako nagpasiyang maglakad sa bandang kanan para sana sumakay sa tricycle, nang biglang umabante palapit sa akin ang sasakyan ni Neil at binuksan ang bintana.
"Saan ka pa pupunta? Sumakay ka na. Hindi kita pagbubuksan!" Iritable niyang saad. Kumunot ang noo ko sa reaksiyon niya.
Ano na naman kayang problema niya? Saka bakit ba siya narito?
Bakit nandito ang asawa ko?
'Bakit ka narito, Mr. Leviste.' Itatanong ko sana 'yan kaso huwag na lang dahil baka masigawan pa ako. Halata kasing mainit na naman ang ulo.
Sumakay na lang ako ng tahimik pero 'yong puso ko kanina pa nagwawala sa sobrang lakas ng kabog. Jusko! Heart kalma!
"Huwag kang mag-isip ng kung ano riyan, pinilit lang ako ni mommy," saad niya habang ini-start ang kotse. Napalingon ako sa kanya at nakita kong sa daan lang siya nakatingin.
"Wala naman akong iniisip," wika ko at ibanaling na lang ang tingin sa labas ng bintana. Ang feeling lang ah!
"Baka kasi isipin mo kagustuhan kong gawin 'to,” inis niyang sabi kaya hindi na ako nakapagpigil na sumagot.
"Neil, alam ko, okay? Alam kong lahat ng ginagawa mo ay dahil lang kay tita. Alam ko na ang mga 'yan kaya huwag mo nang ipamukha pa."
"Tss."
Hindi na lang ako umimik pa at nanatiling tahimik sa loob ng sasakyan.
Alam ko naman na hindi siya magkukusa para sunduin ako sa school. Ayoko lang na ipinapamukha niya pa sa akin kasi mas lalong masakit. Mas lalong sumusugat sa puso ko.
Iisipin ko na lang na okay kami, na masaya kami, na kunwari may pake siya sa akin. Sa ganoong paraan, hindi ako masasaktan ng todo.
"Lala!" sigaw ni Tita Irish nang makita akong bumaba sa kotse ni Neil. Nakangiti siyang nakatayo sa pintuan habang nakatingin sa akin.
"Tita, napadalaw ka po?" tanong ko nang makalapit at nakipagbeso. Ngumuso naman si Tita at hinawakan ako sa braso, bago ako hilahin papasok sa loob ng bahay at patungong dining area.
"I told you to call me mommy not tita and I just want to see you, Lala darling," nakangiting sabi niya. Napangiti na lang din ako sa sinabi niya. She's so sweet and kind to me.
"Doon na po ako nasanay. Sus! Miss ninyo lang po ako, eh," biro ko sa kanya at tumawa naman siya saka tumango.
"Sobra! Kaya iyan, ipinagluto kita," nakangiting saad niya at nakita ko roon ang mga paborito kong ulam, gaya ng adobo, tinapang may kamatis na sawsawan at tilapia.
"Mukhang masarap po, ah. Halika po, kain tayo. Sabayan ninyo po ako," sabi ko at umupo sa isang upuan. Sakto naman na pumasok din sa dining si Neil.
"Masarap talaga 'yan dahil ako nagluto niyan para sa 'yo. Neil, sumabay ka na sa amin," sambit ni tita-mommy nang makaupo na rin siya. Tumango lang si Neil at naupo sa katapat ng mommy niya.
At sabay-sabay na kaming kumain.
NEIL IVAN LEVISTE
Habang nasa kalagitnaan ng pagkain ay biglang nagsalita si mommy.
"Anak, 'di ba may event ka na pupuntahan sa Sabado? Isama mo naman si Lala at ipakilala mo na asawa mo... Hindi 'yong kung sino-sinong ipinapakilala mo," wika ni mom habang diretso lang sa pagkain.
Tumigil ako sa pagkain at tinignan siya.
"Mom, wala siyang gagawin doon," sagot ko saka sinulyapan si Lalaine na tahimik lang na kumakain. Nag-angat si Mommy ng tingin sa akin nang tumigil siya sa pagkain.
"Bakit si Margarette ba may gagawin doon? Husto lang naman sa hawak sa 'yo at ngiti ang ginagawa ng babaeng 'yon. At walang masama kung si Lala ang isasama mo, dahil siya naman ang asawa mo," saad niya. Napabuntonghininga ako dahil mag-uumpisa na naman kami.
"Mom, may alam si Marg sa business kaya siya na lang," sagot ko. Hangga’t maaari ayokong pagtalunan namin 'to ni mommy lalo na at nasa harap pa kami ng pagkain.
"Kayang gawin 'yon ni Lalaine at mas may karapatan si Lalaine sa posisyon ni Margarette!" Napailing na lang ako sa sinabi ni mommy. Gusto niya, lahat ng sasabihin niya kailangan kong sundin.
Paano naman ang mga gusto ko? Pinagbigyan ko na siya na sunduin si Lalaine sa school at dahil doon hindi natuloy ang date namin ni Margarette.
"Mom, pinagbigyan ko na kayo--"
"Sinusumbatan mo ako?" Pagputol ni mommy sa sasabihin ko. Nakakainis!
“No, mom pero—”
"Kung tutuusin, dapat hiwalayan mo na ang babaeng 'yan. May asawa ka na Neil, irespeto mo naman si Lalaine," wika niya.
Napahigpit ang hawak ko sa kubyertos dahil doon. Kung pwede ko lang isigaw na hindi ko mahal si Lalaine at siya lang ang may kagustuhan ng pagpapakasal ko sa babaeng 'to, ginawa ko na sana. But I respect my Mother. At paano ko irerespeto si Lalaine? Siya nga, hindi niya nirespetong may mahal na akong iba at sumang-ayon pa rin sa kasal na 'to. Tsk.
"Ah... Tita Irish, okay lang po. Hayaan niyo na po si Neil kung anong gusto niya." Napatingin ako kay Lalaine nang magsalita siya. Tss!
"No, Lala. May decision is final,” sagot nito at muling bumaling sa akin.
“Si Lalaine ang isasama mo tapos ang usapan,” sabi ni mom, saka siya tumayo at umalis. Tanging buntong hininga na lang ang nagawa ko.
'I hate this!'
"Sorry Neil--"
"Shut up! Ikaw ang puno't dulo ng lahat nang ito kaya huwag kang mag-sorry dahil walang magagawa 'yang sorry mo!" Pagputol ko sa sasabihin niya bago siya iniwan doon. Sisingit pa siya, wala na rin naman pala siyang magagawa. Lalo lang nagpadagdag sa inis ko.
'I hate you, Lalaine'
Bulong ko bago tuluyang lisanin ang dining area.
Chapter 2
LALAINE FRANCISCO-LEVISTE
Agad kong pinunasan ang luhang pumatak sa pisngi ko dahil sa sinabi ni Neil. Hindi ko tuloy maiwasan alalahanin kung paano ako napunta sa sitwasyong ito.
“Lala, ang anak ko pala si Neil. Neil, siya naman si Lalaine.” Tuwang-tuwang ipinakilala ni Mrs. Leviste sa akin ang anak niya. Ngumiti ako sa lalaking nasa harapan ko at hindi maitatangging gwapo ang lalaking ito.
Isang malalim at malamig na tingin lang ang sinukli nito sa akin bago bumaling sa mommy niya.
“Papasok na ako, mom,” paalam niya at saka bumeso kay Mrs. Leviste bago tuluyang lumabas ng bahay. Sinundan ko na lang siya ng tingin habang may lungkot na nararamdaman.
Kalalabas ko lang ng hospital at dito ako dinala ni Mrs. Leviste. Nakakahiya, dahil wala naman siyang obligasyon sa akin at kasalanan para iuwi ako rito at hindi niya rin ako ganoon kakilala.
"Are you okay? Are you hungry?" nakangiting tanong niya sa akin at tumango lang ako. Marahan niya akong hinawakan sa braso at hinila patungo sa kusina.
"Saan ka nag-s-stay, Lala?" tanong niya pagkatapos akong bigyan ng pagkain. Naupo siya sa upuang katapat ko kaya ngumiti ako sa kanya bago sumagot.
"Sa isang maliit na apartment lang po," maikling sagot ko bago nagsimulang kumain.
"If you want, you can stay here," saad niya kaya natigilan ako sa pagkain at nanlalaki ang mga mata kong tumingin sa kaniya, na mabilis ko rin sinundan ng pag-iling.
"Hindi na po. Okay na po ako roon," sagot ko. Sobra-sobra na ang naitulong niya sa akin. Nakakahiya lalo kung dito pa ako titira. Bigla siyang nalungkot sa sinabi ko at nang makita 'yon ay parang gusto ko na lang pumayag.
"I know hindi mo ako ganoon kakilala but, I like you, hija. I like you for my son. Hindi ko alam pero ang gaan ng loob ko sa 'yo," wika niya at mas lalo akong nabigla sa sinabi niya.
"Parang ang bilis naman po ninyo magtiwala sa akin. Hindi ninyo rin po ako kilala para sabihin po iyan sa akin," wika ko. Umiwas ako ng tingin at nagpatuloy sa pagkain. Naramdaman kong tumayo siya at lumipat ng upo sa tabi ko.
"I know, Lala. Pero, kasi ikaw ang gusto ko. Like what I've said, magaan ang loob ko. At nakikita ko rin na magiging mabuti kang asawa ng anak ko," saad niya at nabilaukan ako roon. Mabilis akong uminom ng tubig at tinignan siya.
"A-ano po kasi--"
"Please? Gusto kong maging maayos ang future ng anak ko at ikaw lang ang alam kong makakagawa no'n. I want a better wife for her," wika niya. Hindi agad ako nakasagot at napatitig lang sa pagkain.
Naramdaman kong hinawakan niya ang braso ko kaya napatingin ulit ako sa kaniya.
"Hihintayin ko ang desisyon mo hanggang maka-graduate si Neil," wika niya at ngumiti sa akin. Pagkatapos ay tumayo siya.
"Sige na, Lala. Kumain ka ng marami riyan at maliligo lang ako, pagkatapos ay pupunta tayo sa flower shop," wika niya at umalis na ng kusina. Naiwan akong mag-isa habang nag-iisip ng sagot.
Kinabukasan ay wala akong pasok at dahil nga kailangan ko rin magpahinga. Umuwi na rin ako sa apartment ko dahil ayokong magtagal kina Mrs. Leviste. Saka mukha namang hindi siya seryoso sinabi niya kahapon.
Nagwawalis ako sa labas ng apartment ko, nang makita ko ang isang pamilyar na sasakyan sa tapat na tumigil. Pamilyar ang sasakyan na ito sa akin, parang kina Mrs. Leviste. At hindi nga ako nagkamali dahil lumabas siya roon. Nalaman niyang dito ako nakatira dahil siya ang naghatid sa akin kahapon, na sana hindi hindi na lang niya ginawa para hindi niya ako napuntahan.
"Good morning, Lala!" masayang bati niya sa akin at niyakap ako. Bigla akong nahiya dahil wala pa akong kaayos-ayos man lang sa katawan, samantalang bagong ligo siya.
"G-good morning din po. Ano pong ginagawa ninyo rito?" tanong ko at tuluyan nang tumigil sa pagwawalis.
"Nakalimutan mo agad? 'Di ba, sinabi kong sa bahay ka na tumira?" wika niya habang nakangiti. Hindi ko alam na seryoso pala iyon.
"Po? Pero--"
"Wala nang pero-pero, Lala. Sa bahay ka na titira. Mang Karding!" saad niya at tinawag ang driver nila. Lumapit naman si Mang Karding.
"Pakitulungan po si Lala sa paglabas ng mahahalagang gamit niya na mabigat," wika ni Mrs. Leviste. Nanlaki ang mga mata ko at mabilis humarang sa pintuan nang akmang papasok si Mang Karding.
"Sandali lang po. Mrs. Leviste, okay naman po ako rito. Hindi ninyo na po kailangan--" Napatigil ako nang hawakan ni Mrs. Leviste ang kamay ko.
"Please. Gusto kong tumira ka roon. Hindi ko talaga alam pero, masaya ako kapag nasa bahay ka. Pumayag na rin si Nicolo. Please?" Napatingin ako sa mukha niya at napaiwas dahil bakas rito ang pagsusumamo.
Napabuntonghininga na lang ako at dahan-dahan tumango. Hindi ko kayang tanggihan ang maamong mukha ni Mrs. Leviste.
"Sige po pero, ako na na po ang mag-aayos ng mga gamit ko. Wala naman po akong mabibigat na gamit," saad ko. Isang malaking ngiti ang nasilayan ko sa labi ni Mrs. Leviste, at hindi ko maiwasan ang mapangiti. Tumango lang siya kaya tinalikuran ko na siya.
Pumasok na ako sa loob at sinimulan ang pag-aayos ng mga damit at ilang mahahalagang gamit sa akin.
Naging maayos naman ang pagtira ko sa bahay ng mga Leviste at tumagal ako ng halos isang taon. Tinanggap ako ng mag-asawa at itinuring na parang anak. Sa sitwasyong iyon, akala ko nawala na sa isip ni Tita Irish ang plano niya sa amin ni Neil. Pero, nagkamali ako.
"Neil, you and Lala are going to get married," wika ni Tita Irish. Muntik na akong masamid doon at lumipad ang tingin ko kay Neil.
"No!" Mabilis na sabi ni Neil.
Nasa kalagitnaan kami ng dinner nang gabing 'yon. Start na ulit ng pasukan bilang second year college ko habang si Neil ay graduating. Napanatili nito ang kanyang honors hanggang dito kaya nagkaroon ng konting celebration.
"Magpakakasal kayo ni Lala and that's final!" Napainom ako ng tubig dahil sa sinabi ni tita, habang nananatili ang tingin kay Neil. Naramdaman ko rin ang tensyon sa gitna ng aming salo-salo.
"Mommy, I said no! May girlfriend ako at kung gusto ninyo na magpakasal ako. Pwes! Si Margarette na lang. Ang tagal na namin ni Marg tapos kayo lang po ang sisira? No, mommy!" Halos sigawan na ni Neil si tita. Napaiwas ako ng tingin nang tinapunan niya ako ng masamang tingin.
"Your voice, Neil. Mommy mo ang kausap mo. Give her some respect," seryosong wika ni Tito Nicolo, kaya napalunok ako. Kapag si tito na ang nagsalita, kinakabahan na ako. Medyo strikto siyang tingnan kumpara kay tita.
Kaya kailangan may gawin ako rito. Hindi ako pwedeng manahimik na lang. Oo, naging malapit ako sa mag-asawa pero hindi nila 'to pwedeng gawin. Ayokong kamuhian ako ni Neil. Maaaring may pagtingin na ako sa kaniya pero, hindi ko pa rin gugustuhin 'to.
"T-tita tama po si--" Napapikit na lang ako nang agad pinutol ni Tita ang sasabihin ko.
"No, Hija, that's final. Magpakakasal kayo, tapos!" wika niya at tumingin kay Neil.
“Yes, matagal na nga kayo ng babaeng ’yon, pero ano naman? She has no manners. Nakita mo naman kung paano ako kausapin noong dinala mo siya rito, right? Ganoong klaseng babae ba ang ibabahay mo?” tanong ni tita. Hindi ko alam ang pangyayari na iyon, siguro ay wala pa ako nang mangyari iyon.
“Dahil wala kayong tiwala sa kanya, sa akin. Marg is good woman, mom. I love her kaya kung may pakakasalan man ako, siya lang,” wika nito at tumayo. Akmang aalis siya nang pigilan siya ni tita.
“Go back to your sit, Ivan. I am not done talking,” wika ni tita. Pero hindi siya umupo at nanatili lang nakatayo.
“What, mom? Tapos na po tayo—”
“Mamili ka, pakakasalan mo si Lalaine o lalayas ka rito para sumama kay Margarette at wala kang matatanggap maski piso mula sa amin ng daddy mo?” sambit nito.
“What? Kaya ninyong gawin iyon para sa babaeng hindi naman natin kaano-ano?” wika ni Neil. Tiningnan niya ako nang masama bago muling ibinalik ang tingin kay tita.
“To save you from that Margarette? Yes, I can do this. Hindi ako manghihinayang kung kay Lalaine ko ipamamana ang lahat, huwag lang sa babaeng ’yon. Hindi mo nga alam kung ano ang negosyo ng pamilya nila. Ni hindi mo pa nga nakikita magulang niya. Ganiyang relasyon ba ang gusto mo?” wika ni tita.
Nabigla ako sa mga nalaman ko pero nanatili akong natahimik. Hindi rin nagawang sumagot ni Neil.
“Now, Sit down,” saad ni tita sa kanya. Walang nagawa si Neil kundi ang bumalik sa inuupuan niya.
Wala na rin akong nagawa pa dahil desidido na talaga siya. Napatingin ako kay Neil na sobrang sama ng tingin sa akin. Kung nakakamatay lang ang tingin, baka kanina pa ako bumulagta dito. Nag-iwas ako ng tingin at ilang beses napalunok. Huminga rin ako ng malalim bago tumingin sa pagkain.
"Neil, sundin mo kung ano’ng gusto ng mommy mo. Maniwala ka man o hindi, para rin sa ikabubuti mo 'to," wika ni Tito Nicolo.
Hindi na umimik si tita at maging si Neil. Nagsimula na kaming kumain nang tahimik pero ramdam pa rin ang tensyon. At natapos ang aming pagkain nang wala na muling nagsalita pa.
Napabuntong hininga na lang ako matapos alalahanin ang pangyayaring 'yon. Niligpit ko ang pinagkainan ko at nagpasyang pumasok na lang sa kwarto.
***
"Are you okay?" Bungad sa akin ni Mae kinabukasan nang makita ko siya sa tapat ng University. Tumango lang ako at ngumiti sa kanya. Ayokong makita niyang malungkot ako at baka masabi ko pa ang nangyari kagabi. Mag-aalala lang siya at ayokong mangyari 'yon.
"Oo naman!" magiliw kong sagot at sinabayan pa ng ngiti.
"Okay, akala ko kasi may nangyari na naman," wika niya. Hindi na lang ako sumagot. Nagsimula na rin kaming maglakad nang tumigil na naman siya. "Ah! Naalala mo 'yong sinasabi ko sa 'yong si Aldrich kahapon?" tanong niya. Tumigil din ako at humarap sa kaniya.
"Oo. Bakit, anong mayroon doon?" takhang tanong ko habang nakakunot ang noo ko.
"Halika," sabi niya at hinawakan ako sa kamay saka hinila. Nagpatianod lang ako sa kanya at nakarating kami sa garden.
"Drich!" tawag niya, nang makalapit kami sa lalaking nakaupo sa isang bench na nasisilungan ng puno ng mangga ay tumayo ito.
"I'm Jhereemae Castillo. Natatandaan mo pa ba? Magkaklase tayo sa High School." Malawak ang ngiti ni Mae nang sabihin niya iyon, na agad din naman sinuklian ni Aldrich daw.
"Yeah. Ikaw 'yong maingay sa klase no'n," sagot nito kay Mae kaya napangiti ako at napasimangot naman si Mae. Paano napakadaldal talaga ng babaeng 'to.
"Whatever! Si Lalaine pala, bestfriend ko, siguro naman kilala mo rin siya."
"Oo naman. Sinong makakalimot sa babaeng maganda na mabait pa," wika niya. Feeling ko namula ako roon. Napatitig tuloy ako sa kaniya at napansing pamilyar siya.
"Ikaw 'yong transferee kahapon?" tanong ko. Ngumiti siya at kumindat.
"The one and only," nakangisi niyang saad. Nanlaki naman ang mga mata ni Mae at gulat na tiningnan kaming dalawa.
"Same course kayo? Nice! Siya, maiwan ko na kayo. See you later," wika niya at mabilis na tumakbo paalis.
"Mae!" sigaw ko pero itinaas lang niya ang kanang kamay niya at kumaway. 'Tong babaeng 'to talaga! Iwan daw ba ako rito.
"Tara? Sabay na tayo?" Napalingon ako kay Aldrich na nasa gilid ko habang nakatingin sa akin.
"Ah, sige. Pasensya ka na rin sa kaibigan ko," sabi ko nang magsimula kaming maglakad paalis sa garden.
"Wala 'yon. Kilala ko na si Mae, teka- hindi mo ba ako nakikilala o natatandaan man lang? Classmate rin tayo noon, 'di ba? Fourth year Highschool," sambit niya. Kumunot naman ang noo ko at napaisip sa sinabi niya.
Atually, hindi ko siya kilala, bukod kasi kay Mae noon ay wala na akong ibang matatawag na close friend. May iilan naman akong nakakausap pero hindi tulad ng kay Mae.
"Hindi eh," sagot ko. Naramdaman kong tumigil siya. Huminto rin ako at tiningnan siya.
"I'm your hero back then, nakalimutan mo na?" malungkot niyang saad. Para namang may bell na tumunog sa utak ko nang marinig ang word na 'yon. Hero? Oo, may hero akong tinuring noon pero, tinitigan ko ang mukha niya at ang katawan niya. Impossible naman kasing siya 'yon. Maaaring pareho sila ng pangalan pero, imposible talaga. Ang hero ko noon na tinatawag ay payat, hindi matangkad at medyo maitim. Habang ang lalaking 'to ay maputi, matangkad at makisig tapos hindi maikakailang…cute.
"I'm your Achi-hero," saad niya habang nakasimangot.
"Totoo? Ikaw ba talaga, 'yan?" bulalas ko.
"Of cour—” Hindi ko na siya pinatapos at agad na niyakap. I can't believe it! Ilang taon din ang lumipas pero hindi ko inakalang magtatagpo kami rito.
"Woah! Lalie, easy baka matumba tayo," saad niya kaya humiwalay ako sa yakap. Hindi dahil sa sinabi niya kung hindi dahil, baka may makakita sa amin at isipin na magkarelasyon kami.
"Sorry, natuwa lang talaga ako." Nahihiyang sambit ko.
"Okay lang 'yon. Alam kong na-miss mo lang ako, kaya naman ililibre kita mamaya," sambit niya.
“Talaga? Sabi mo ’yan! ” sagot ko.
“Oo, kaya tara nang pumunta sa classroom," aniya at tumango lang ako. Sabay na kaming naglakad paalis ng garden.
NEIL IVAN LEVISTE
Hinilot ko ang sentido ko dahil sa sakit. Napatingin ako sa ibabaw ng mesa ko at nakitang ang dami ko pang aasikasuhin.
"Eliza," tawag ko sa secretary ko na hindi kalayuan ang table sa pwesto ko.
"Sir?"
"Anong schedule ko hanggang Sabado?" tanong ko bago sumandal sa swivel chair at pumikit. Kumikirot talaga ang ulo ko ngayon.
"Mamaya pong 11:00 AM, lunch date with Ms. Margarette. 1:00 PM, meeting with Mr. Cruz. Wednesday 8:00 AM, meeting with Ms. Bernadette, sa Thursday at Friday naman po ay wala na, pero Saturday po ay invited kayo sa Sarmiento's Party at 6:00 PM po."
Sarmiento's Party? Iyon siguro ang sinasabi ni mommy na dapat isama ko si Lalaine. Tss! Para namang gagawin ko talaga 'yon. Si Margarette ang isasama ko roon.
"Wait, sino ulit mamayang alas onse?" tanong ko.
"Lunch date po with Ms. Margarette," sagot ni Eliza. Napangiti ako roon at tila nawala agad ang pagod ko.
Lunch date, huh?
"Thank you!" sambit ko at umayos ng upo. Dinampot ko ang ballpen at nagsimula na ulit magtrabaho. Dapat matapos ko 'to bago mag-alas onse, para may oras ako mamaya sa girlfriend ko.
Nag-focus ako sa ginagawa ko at hindi ko namalayan ang oras. Sinipat ko ang relo at saktong alas onse na kaya napangiti ako. Bumukas ang pinto ng opisina at pumasok ang babaeng hinihintay ko.
Napangiti ako at binitawan ang ballpen. Umayos ako ng upo nang lumapit siya sa akin at naupo sa kandungan ko.
"Tired?" tanong niya. Tumango lang ako bilang sagot. Humilig siya sa dibdib ko at hinaplos ko naman ang buhok niya.
"I'm sorry Marg, kung ikaw sana ang asawa ko ay hindi mo na kailangan pang magpa-appointment para lang makasama ako," sambit ko. Hindi ko maiwasan makaramdam ng inis kay Lalaine at kay mommy, lalo na sa sarili ko. Wala akong magawa dahil 'yon ang gusto ni mom. Inuutos din ni mommy sa mga guard at sa secretary ko na huwag papapasukin si Marg dito. Hindi pwedeng pumasok si Marg dito kung walang appointment, nahihirapan tuloy ang girlfriend ko.
"It's okay. Matatanggap din ako ng mommy mo, soon," tanging sagot niya.
Hindi ko alam pero, mom really hates her. Pera at mga ari-arian ko lang daw ang habol ni Marg pero hindi ako naniniwala. Nagmamahalan kaming dalawa, bakit hindi 'yon makita ni mommy? Ayaw niya kasing bigyan ng pagkakataon si Marg. Kung noon niya pa sana ginawa, hindi sana si Lalaine ang pinakasalan ko.
"Konting tiis na lang, Marg. Malapit na tayong magpakasal, konti na lang," bulong ko bago hinalikan ang ulo niya at niyakap siya nang mahigpit.
Konti na lang Marg. Konti na lang at hihiwalayan ko na si Lalaine. Kapag nangyari ang araw na 'yon ay wala nang magagawa pa si mommy o kahit si daddy.
LALAINE FRANCISCO-LEVISTE
Puro discussion lang about sa kurso namin at nagpa-quiz ang nangyari sa araw na ito. Baka sa isang buwan pa raw magsisimula ang pagluluto namin.
"Bye Lalie, Mae. Ingat kayo!" Kumakaway pa si Achi bago sumakay sa motor niya kaya kinawayan din namin siya. Inatras ko muna ang paglibre niya, dahil hindi ako nakapagpaalam kay Tita. Sinabi kong sa susunod na lang at pumayag naman siya.
"Uy, anong meron sa inyo, ha?" Pag-iintriga ni Mae.
"Anong meron ka riyan? Wala ah. Magkaibigan lang kami, siya 'yong nakwento ko sayong Achi--"
"Achi-hero mo na crush mo noon?" Pagputol niya sa sinasabi ko habang ang laki ng pagkakangisi.
"Ano ka ba?! Noon pa 'yon saka huwag kang mag-isip ng kung ano sa amin," saad ko habang nananatiling nakatayo sa labas dahil, hinihintay pa namin ang sundo namin. Ang alam ko ipapasundo ako ni Tita kay Mang Karding. Tumanggi nga ako at sinabing mag-ta-tricycle na lang ako pero, hindi pumayag si tita kaya wala na akong nagawa. Lagi naman akong walang magawa kapag si tita na ang nag-request. Sobrang mahal ko na rin kasi siya at para ko na siyang tunay na ina kaya kung ano gusto niya, binibigay ko.
"Bakit hindi ako mag-iisip, bagay naman kayo."
"May asawa na ako, Mae,” simpleng sagot ko sa kanya kaya umarko na naman ang kilay niya pataas.
"Asawa? Asawa mong hilaw ba kamo? Tss. Kay Drich ka na lang friend, hinog na sigurado pa." Napairap na lang ako sa pinagsasabi ng babaeng 'to. Itulad ba naman sa mangga 'yong dalawa.
"Kung ano-ano talaga lumalabas d'yan sa bibig mo," wika ko sa kanya pero tumawa lang siya. Sakto naman na nakita namin ang sundo niya kaya nagpaalam na siya.
Pagkaalis nila ay may humintong sasakyan sa tapat ko at napaatras ako nang makilala kung kaninong sasakyan 'to.
Kay Neil. Pero, anong ginagawa niya rito? Susunduin na naman ako?
Nasagot naman ang tanong ko nang tumunog ang cellphone ko. Dali-dali kong kinuha iyon at binasa ang text.
Sms from: Tita Irish
Lala dear, si Neil na ang susundo sa 'yo dahil pauwi na rin naman siya. Take care.
Napabuga na lang ako ng hangin at naglakad papunta sa tapat ng pinto ng front seat, saka walang preno kong binuksan iyon at natigilan ako nang makitang may nakaupo rito.
At kung hindi ako nagkakamali, ito si Margarette. This is the very first time na nakita ko ang babaeng minamahal ni Neil.
Pero, teka, magkasama sila? Pwede ba na mag-commute na lang ako? Hindi ko yata kayang sumabay sa kanila. Alam ba 'to ni Tita Irish? Ang dami kong tanong pero, imbes na magsalita pa ay dahan-dahan kong isinarado ang pinto at nag punta sa back seat, at doon umupo.
Tumingin lang ako kay Neil mula sa salamin ng kotse ngunit, agad ko rin inalis nang mapansing kay Margarette siya tumingin.
Kailan pa kaya sila magkasama?
Ano naman sayo Laine kung magkasama sila? Of course, mag-boyfriend-girlfriend sila. Sabi ng utak ko. Umiling ako sa naiisip ko at sumandal na lang nang magsimulang umandar ang sasakyan. Habang nakasadal ay biglang napadako ang tingin ko sa kanang kamay ni Neil na naka-intertwine sa kamay ni Margarette. Nakapatong iyon sa hita niya kaya tanaw na tanaw ko talaga.
Psh! Dito pa talaga naglalandian sa harap ko.
Pumikit na lang ako at magkukunwaring walang nakita. Magkukunwaring hindi masakit at magkukunwaring hindi nasasaktan. Doon naman ako magaling, eh, sa magpanggap sa lahat.
Minulat ko ang mga mata ko nang maramdaman kong huminto ang sasakyan pero agad ko rin pinagsisihan ang ginawa ko dahil, nakita ko kung paano maglapat ang labi ng dalawa. Talaga? Sa loob pa talaga ng kotse kung nasaan ako?
Muli akong pumikit at nagpanggap na tulog. Masyado nang masakit, kung mananatili akong nakatingin ay torture na 'yon.
At nang maipikit ko ulit ang mga mata ko ay doon na nag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko. Ang sakit. Ang sakit-sakit. Sobrang sakit. Umabot na sa puntong parang namamanhid na ang puso ko.
Ito ba ang kapalit ng pagpapakasal ko? Ito ba ang consequences ng desisyon ko? Ang sakit pala kapag harap-harapan nang masaksihan.
Chapter 3
LALAINE FRANCISCO LEVISTE
Nang makababa si Margarette ay nananatili pa rin akong nakapikit. Gusto kong isipin ni Neil na natutulog ako.
"I know you're awake, hindi naman ako driver kaya lumipat ka rito," sabi niya pero hindi ako gumalaw at nanatili lang sa pwesto ko. Hindi ko siya sinunod sa gusto niya. Bahala siyang magmukhang driver! Kasalanan niya ’to. Sinama niya pa kasi ang babaeng ’yon.
Hindi na rin siya nagsalita hanggang sa naramdaman kong pinaandar niya na ang kotse. Ganyan nga! Huwag mo akong pansinin. Mas mabuti pa ’yan.
Nanatili akong nakapikit at inalala kung paano ko nakilala si Tita Irish. Kung saan at paano nagkrus ang landas naming dalawa. Kung paano siya naging mabuti sa akin.
"Hindi ba ay sinabi kong huwag kang pupunta rito?" saad ni mama bago ako hinila palabas ng gate nila.
Lumuwas ako mula Batangas papunta rito para sa kanya. Gusto ko siyang makita. Kahit sa ganitong paraan lang, okay na ako.
"Gusto ko lang po kayo makita, mama," sabi ko habang kinakaladkad niya ako. Pabalya niya akong binitawan nang makarating kami sa labas at sumilip sa loob ng bahay nila, bago binalik ang tingin sa akin.
"Tigilan mo ko sa kaartehan mo! Ang sinabi ko huwag ka nang pupunta rito! Naiintindihan mo ba?" saad niya at itinulak ako. Sa lakas ng tulak niya ay napaupo ako sa kalsada pero kahit sobrang nanghihina pa ako dahil sobrang taas ng lagnat ko nang araw na iyon, pinilit kong tumayo at tiningnan si mama.
"Gusto ko lang naman makita ka, mama. Gusto ko rin makasama ka dahil namimiss na po kita, kahit isang oras lang po sana," wika ko. Hindi na rin ako nagpasyang lumapit pa.
"Hindi mo ba naiintindihan, Lalaine? Ayoko sa 'yo. Magpasalamat ka nga at binuhay pa kita! Dahil sa 'yo at ang tatay mong r*pist, muntik nang masira ang buhay ko! Kaya umalis ka na! Hindi ko kayang makasama ang naging bunga ng kawalangyaan sa akin! Kapag nakikita kita, naalala ko lang lahat. Kung paano nasira ang buhay ko!" wika niya at tinalikuran ako. Pumasok siya sa loob at isinarado ang gate.
Bumuhos ang luha ko habang sinusundan si mama ng tingin. Nakita kong pumasok siya sa loob ng bahay nila at isinarado ang pinto. Pinunasan ko ang luha ko at nagpasyang tumalikod at naglakad paalis. Dahil wala na rin naman akong magagawa.
Galing sa mayamang pamilya si mama. Nag-aaral siya noon sa kolehiyo nang bigla siyang hilahin ng isang lalaki. Hinatak siya sa dilim at doon sinimulan gahasain. Na-depressed si mama at muntik nang magpakamatay nang malamang may nabuo sa sinapupunan niya at ako 'yon. Pero sa tulong ng parents niya ay naging matatag siya. Binuhay niya ako at hinayaang masilayan ang mundo pero, kapalit noon ay iniwan niya ako sa dati nilang kasambahay na si Nanay Nely. Siya ang nag-alaga at nagpalaki sa akin. Dalawang taon lang ang lumipas at namatay ang mga magulang ni mama sa aksidente at doon ay nagpasyang umalis si mama ng Probinsya at iwanan ako kay Nanay Nely.
Nakapag-usap pa raw si Nanay Nely at mama nang minsan itong umuwi sa Probinsya na may lalaking kasama. Nalaman niyang asawa na iyon ni mama. Ang buong akala ni Nanay Nely ay babalikan ako at kukuhanin pero, ibinenta lang pala ang bahay at umalis na ulit. Simula noon ay si Nanay Nely na ang tumayo kong Ina.
Siya rin ang nagkwento sa akin at siya rin ang nagturo sa akin kung saan ko matatagpuan si mama, kasi akala rin niya matatangap ako nito.
Kaya nang mag-highschool ako ay nagpasya ako na dito na lang mag-aral sa Manila, medyo malapit kay mama. Kahit hindi ko siya nalalapitan ay sapat na akong nakikita siya, kahi masakit din makitang masaya siyang kasama ang anak nila. Pero, hindi na ako nakatiis ngayon. Graduation ko sa High School at nais ko siyang makasama para sa celebration. Gusto ko siyang mayakap kahit ngayon lang kaya, pinuntahan ko ang bahay nila at nang makita kong bukas ang gate ay pumasok ako. Pero, ipinagtulakan niya naman ako.
Para akong patay na naglalakad sa kalsada. Walang patutunguhan at hindi alam ang tatahakin na daan. Kahit puro busina na ang mga sasakyan ay hindi ko pinapansin. Para akong walang naririnig. Buhay pa ang katawan ko pero ang kaluluwa ko pakiramdam ko wala na.
Walang lingon sa kanan at kaliwa akong tumawid sa kalsada pero, isang malakas na bumisina ang nagpabalik sa akin sa reyalidad. Napatingin ako sa kanan ko at bigla akong nanlambot at napahiga sa gitna ng kalsada. Sa oras na 'to, gusto ko na lang magpahinga habangbuhay.
"Oh my god! Mang Karding, bilisan po natin! Dalhin natin siya sa hospital." Huli kong narinig bago ako tuluyan kainin ng kadiliman.
Nagising na lang ako sa isang kwartong puro puti ang kulay. Napansin ko ring may nakatusok sa kamay ko. Ano 'to?
"Thank God, you're awake." Napalingon ako at nakita ko ang isang babaeng nakangiting nakatingin sa akin at sa tabi niya ay may lalaki.
Sino sila? Bakit ako nandito? Ang huli kong natatandaan ay nasa gitna ako ng kalsada.
"Nicolo, she's awake!" sambit ng babae roon sa lalaking katabi niya. Naglakad siya palapit sa akin at iniwanan ang lalaking sa tingin ko ay asawa niya.
"Hi, I'm Irish Leviste and he's my husband, Nicolo Leviste," sambit niya habang nakapaskil pa rin ang ngiti sa labi niya.
Doon nagsimula ang lahat. Siya ang nagbantay at nag-alaga sa akin sa loob ng hospital hanggang sa makalabas ako at magpasyang kupkupin. Sobrang bait sa akin ni tita kaya hindi ko rin matanggihan lahat ng hiling niya sa akin.
"Baka gusto mo ng bumaba?" Napamulat ako ng mata nang marinig ang boses ni Neil. Hindi ko namalayan na narito na pala kami. Umupo ako nang maayos at inayos ang sarili ko bago lumabas ng sasakyan.
Hindi ko sana siya papansinin pero hinawakan niya ako sa braso. Napatigil ako at tumingin sa kaniya.
"Ano? May sasabihin ka?" tanong ko.
"Hindi sana makarating kay mommy ang nakita mo," sambit niya. Binawi ko ang braso ko at nilampasan siya bago tumigil.
"Huwag kang mag-alala, hindi ako ganoon kadaldal para ikwento 'yon,” wika ko.
Pagkatapos ay tuluyan na akong naglakad papasok sa loob ng bahay. Dire-diretso ako papunta sa kwarto ko, habang tumutulo ang mga luha ko.
Kinabukasan ay pumasok ako na parang hindi nasaktan sa nakita kagabi. Nakuha ko pang ngumiti kay Mae at Achi. Minsan gusto ko nang gawaran ang sarili ko ng parangal bilang best actress dahil sa pagpapanggap ko pero, alam kong kay Mae ay wala akong maitatago. Sa paraan pa lang tingin niya kanina ay alam kong may alam na siya.
Mabuti na rin at hindi siya nagtanong kaya nakahinga ako ng maluwag doon dahil hindi ko rin alam ang isasagot sa kaniya kung nagkataon.
Sa sumunod na araw ay si Aldrich palagi ang kasama ko lalo na kapag break time. Kwentuhan ng kung anu-anong topic. He can make me smile, laugh until I cry. Minsan sumasakit na tiyan ko kakatawa sa mga jokes niyang dinaig pa ang mais, tapos ililibre kapag uwian na.
Tulad ngayon, Biyernes na at narito kami sa tapat ng university at kumakain ng fish ball at kikiam. Sayang at wala si Mae, may mga kailangan daw kasi siyang gawin.
Wala rin akong sundo ngayon dahil, sinabi ko kay Tita na ihahatid ako ng mga kaibigan ko at pumayag naman siya.
"Ang sarap! Salamat sa libre," sambit ko nang makainom ng palamig. May hawak pa akong dalawang stick ng kikiam pero, medyo busog na ako.
"Sus! Wala 'yon. Basta kumain ka lang d'yan," saad niya at tumango na lang ako saka pinilit ubusin ang hawak ko.
-
"Oh! Itabi mo na lang d'yan sa Village na 'yan," sambit ko nang makita ang uuwian ko. Gaya ng sinabi ko, may maghahatid sa akin at si Aldrich iyon.
"Leviste Village?" tanong niya saka lumiko papasok sa loob, haharangan sana ni Manong Guard pero, nang makita niyang nakasakay ako ay tumango lang siya.
"Oo. Bakit?" tanong ko. Mabagal lang ang patakbo niya kaya nagkakaintindihan kami.
"Nothing. Business partner kasi ni dad ang mga Leviste," saad niya kaya tumango-tango ako kahit hindi niya naman nakikita.
"Hinto mo na lang doon sa blue house," sambit ko nang matanaw ang bahay. Sumunod naman siya sa sinabi ko at itinigil sa tapat.
"Salamat," saad ko nang makababa sa motor niya. Ngumiti lang siya sa akin.
"Wala 'yon. Ikaw pa ba, malakas ka sa akin. Sige, uwi na rin ako," wika niya. Ngumiti at tumango lang ako at kumaway saka pumasok sa loob ng bahay.
"Sino 'yon, Lala?" Napatalon ako sa gulat nang may magsalita sa gilid ng pintuan. Nang lingunin ko iyon ay si Tita Irish pala.
"Sorry. Nagulat ba kita?" Ngumiti siya sa akin.
"Medyo po. Si Aldrich po iyon, kaibigan ko," sambit ko.
"Sarmiento? Aldrich Sarmiento?" tanong niya at tumango naman ako.
"Anak ni Alfie. Ang isa sa business partner ng Daddy Nicolo mo na ngayon ay si Neil na ang kanegosyo," saad niya at nakangiti akong tumango.
"Oo nga po. Nabanggit niya po kanina," saad ko. Napansin ko ang pagtitig ni Tita sa akin.
"Sinabi mo ba sa kaniya ang tungkol sa inyo ni Neil?" seryosong tanong niya. Medyo nabigla ako roon. Hindi ko in-expect na itatanong niya 'yon.
"Hindi po, tita.”
“Why? Sana sinabi mo,” wika niya.
“Alam ninyo naman na ayaw ni Neil na ipagsabi iyon kahit kanino,” sagot ko. Nalungkot siya sa sinabi ko. Nilapitan niya ako at hinawakan sa braso.
"I'm sorry about that, hija. Susubukan ko ulit kausapin si Neil tungkol diyan," saad niya at hindi na ako umimik pa.
"Anyway, let's eat. Sorry kung napapadalas pagbisita ko rito, ah, magkalapit lang naman kasi ang bahay natin." Pag-iiba niya sa topic. Ngumiti ako bago kami naglakad papuntang dining area.
Nasa iisang village lang kami at pagmamay-ari nila ito. Magkadikit lang ang bahay namin at bahay nila kaya palagi si tita rito at ayos lang naman sa akin. Pabor na rin 'yon, para kahit papaano ay may nakakausap o nakakakuwentuhan ako.
"Okay lang po, tita," saad ko at saktong nakarating na rin kami sa dining.
"Halika, kumain na tayo. Medyo ma-le-late ng uwi si Neil dahil marami pa siyang tatapusin." Imbes na intindihin ang sinabi ni tita ay sa mesa ako napatingin at pakiramdam ko ay nagutom ulit ako dahil doon.
Mabilis akong naupo at nilagyan ng kanin ang plato, sunod ay menudo at kaldereta. Ito talaga ang mga paborito ko kapag si tita ang nagluluto. Sobrang sarap.
"Alam kong gusto mo 'yan kaya iyan ang niluto ko," nakangiting sambit ni tita. Hindi ko na nagawang sumagot dahil busy na ako sa pagkain.
"Oo nga pala, dumating na ang gown na gagamitin mo bukas. Pinalagay ko sa kwarto. Check mo na lang mamaya," sambit niya sa gitna ng pagkain. Napatigil ako at napaisip.
Oo nga pala, ipapasama niya ako sa party na pupuntahan ni Neil bukas. Pwede ba na huwag na lang akong sumama? Baka mapahiya lang ako roon.
"Tita, hindi po ba pwedeng hindi na lang ako sumama? Tama rin po kasi si Neil, wala naman po akong gagawin doon." Nag-angat ako ng tingin kay Tita, para tingnan ang reaksyon niya. Binitawan niya ang kubyertos at sinuklian ang tingin ko.
"Hindi pwede 'yon, Lala. Isa pa, kailangan ka roon para unti-unti ka na rin makilala ng mga ka-business partner ni Neil. Hanggat maaari, ikaw lang ang gusto ko para kay Neil," wika niya at muling nagpatuloy sa pagkain. Napatitig ako sa kaniya. Hindi ako nakaimik.
Kahit naman gustuhin niya ako para kay Neil, kung ayaw sa akin ni Neil ay wala rin mangyayari. Minsan nga ay iniisip ko kung paano ko ba sasabihing gusto ko nang makipaghiwalay. Hindi ako mahal ni Neil kaya dapat ko na siyang palayain. Pero, paano ko gagawin 'yon nang hindi nakikita ang malungkot na mukha ni tita. Kahit may kasunduan naman kami na kapag hindi talaga nag-work ang marriage namin ng anak ay hahayaan niya na si Neil kay Margarette at hihiwalayan ako. Medyo unfair nga iyon para sa akin kasi hindi naman ganoon basta-basta ang marriage. Pero nakikita ko rin ang punto ni tita, kaya kahit alam kong masasaktan ako. Sige pa rin.
"You look quiet. May problema ba, hija?" tanong niya nang puno ng pag-aalala.
"Ahh, tita, kailan po kami pwedeng maghiwalay ni Neil?" Lakas loob kong tanong.
Binaba ni ulit niya ang kubyertos at hinawakan ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa
"Why?" malungkot niyang tanong. Ito ang ayaw ko kaya ayokong i-open ang topic na 'yon pero, kailangan kong sabihin.
"May iba pong mahal si Neil, tita. Bakit po hindi ninyo na lang tanggapin ang girlfriend njya? Isa pa, hindi po kami nagkakasundo at baka maging dahilan pa ito para magkagalit kayo," sambit ko. Tumingin siya sa akin nang nangungusap ang mata.
"Konti pa, Lala, please? Malay mo mahalin ka rin ni Neil? Hindi ka naman mahirap mahalin. Sadyang bulag lang sa ngayon ang anak ko, at saka ayoko lang talaga sa Margarette na 'yon, feeling ko kasi may hidden agenda siya sa anak ko. Kaya huwag muna, ah? Konting panahon pa. Pero, kung hindi talaga mag-w-work, okay. Sige, papayag na ako pero sa ngayon enjoy muna ah?" sambit ni tita. Ngumiti na lang ako at tumango, bago kami nagpatuloy sa pagkain.
Konti pa raw, Lalaine. Konting panahon pa. Malay mo naman mahalin ka talaga ni Neil pero, kung hindi na talaga. Bitaw na.