09/12/2025
College Editors Guild of the Philippines-Laguna Campus Press Freedom violations report
December 2025
Sa gitna ng patuloy na pag-atake sa mga publikasyong pangkampus sa buong bansa, muling naninindigan ang College Editors Guild of the Philippines – Laguna (CEGP–Laguna) para sa malayang pamamahayag at karapatan ng mga estudyanteng mamamahayag na magpahayag, mag-ulat, at maglingkod sa mamamayan nang walang takot o panggigipit.
Kalagayan ng mga Pahayagang Pangkampus sa Laguna
Mula sa mga konsultasyong isinagawa ng CEGP–Laguna nitong mga nagdaang buwan, lumitaw ang mga malinaw na kaso ng Campus Press Freedom Violations (CPFVs) sa iba’t ibang publikasyon sa lalawigan. Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang:
• Kawalan o pagharang ng pondo para sa publikasyon at operasyong pang-cover;
• Hindi pagkilala o pagkaantala sa akreditasyon ng mga pahayagan;
• Paghihigpit sa pag-cover ng mga balita sa labas ng kampus, lalo na sa mga protesta;
• Red-tagging, pananakot, at politikal na panggigipit laban sa mga student journalist.
Sa City College of Calamba, ang The Sentinel, isang progresibong pahayagang kilala sa people-oriented na pagbabalita ay matagal nang walang pondong inilaan para sa operasyon. Nitong Setyembre 19, matapos nilang manguna sa isang kilos-protesta dahil sa lumalalang krisis dahil sa korapsyon ay tinarget sila ng red-tagging ni City Councilor Moises Morales. Kasunod nito, ipinatawag ang mga organisasyon upang pagsabihan na “huwag idamay ang pangalan ng paaralan” at huwag makiisa sa mga pagkilos ng kabataan. Ang mga ganitong hakbang ay malinaw na pagsupil sa malayang pamamahayag.
Sa Pamantasan ng Cabuyao, walang pondo ang The Herald simula pa ng pandemya dahil sa kawalan ng publication fee sa resibo ng estudyante. Nahaharap rin sila sa kakulangan ng kagamitan at may kasaysayan rin banta ng administratibong panggigipit nitong nakaraang mga taon ang publikasyon. Sa iba pang publikasyon tulad ng Voyage, La Nouvelle, Ang Manunudla, Campus Star, at Bagong Sinag, pare-parehong isyu ng kawalan ng opisina, kakulangan sa budget, at pagbabawal sa pag-cover ng mga isyung panlipunan, lalo na ang mga kilos-protesta, ang kinahaharap.
Ang mga pangyayaring ito ay repleksyon ng lumalalang pambansang kalagayan ng campus press. Mula 2023 hanggang 2024, tumala ang CEGP ng mahigit 200 kaso ng CPFVs sa iba’t ibang rehiyon, kasama ang censorship, administrative interference, withholding ng pondo, harassment, at red-tagging. Habang lumalakas ang panawagan ng kabataan para sa katarungan at pagbabago, mas tumitindi rin ang mga tangka ng estado at mga institusyong akademiko na patahimikin sila.
Hindi Neutral ang Pananahimik
Mariing tinututulan ng CEGP–Laguna ang ideya na dapat “neutral” lamang ang mga pahayagang pangkampus. Ang tunay na layunin ng pamamahayag ay maglingkod sa sambayanan, hindi sa kapritso ng administrasyon, lokal na naghaharing uri, o ng estado. Ang pagiging kritikal tungkulin ng bawat isang mamamahayag sa loob ng publikasyon. Ang pakikilahok sa mga pagkilos at ang hayagang pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan ay lehitimo at makatarungang pagpapahayag ng isang responsableng mamamahayag. Sa gitna ng inhustisya, ang paninindigang “maging neutral” ay katumbas ng pananahimik at pakikipagsabwatan sa panunupil.
Ang mga Campus Press Freedom Violations (CPFVs) sa Laguna ay hindi hiwalay na mga insidente kundi bahagi ng lumalalang paglabag sa kabuuang karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong US–Marcos Jr. Matingkad na halimbawa nito ang mga pag-atake sa mga estudyante sa City College of Calamba, ang patuloy na red-tagging sa mga progresibong indibidwal at organisasyon sa lalawigan, at ang dumaraming kaso ng threat, harassment, at intimidation laban sa mga kabataang kritikal sa umiiral na kaayusan. Malinaw na ang mga ito ay manipestasyon ng pasistang katangian ng estado na gumagamit ng pananakot at panunupil upang supilin ang lehitimong pagtutol at pagpuna ng mamamayan, lalo na ng kabataan at ng malayang pamamahayag.
Panawagan ng mga Kampus Pahayagan
Kasabay ng mga publikasyon at mamamahayag sa buong bansa, nananawagan ang CEGP–Laguna ng agarang pagtugon sa sumusunod:
1. Ibigay ang nararapat na pondo at suporta sa mga publikasyong pangkampus upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga ito.
2. Itigil ang red-tagging, harassment, at lahat ng porma ng pananakot laban sa mga estudyanteng peryodista.
3. Kilalanin ang independensiya ng mga campus publication bilang lehitimong bahagi ng akademikong komunidad.
4. Ipatupad at ipasa ang Campus Press Freedom Bill upang palitan ang luma at kulang na Campus Journalism Act of 1991 at magbigay ng tunay na proteksyon at mekanismo para sa mga mamamahayag-estudyante.
5. Panagutin ang mga administrador at opisyal ng gobyerno na sangkot sa panunupil at red-tagging ng campus publications.
Muling Pagpapatatag ng Malayang Pamamahayag
Ang kampus ay hindi dapat maging katahimikan ng mga estudyante kundi pugad ng kritikal na pag-iisip. Ang bawat publikasyon ay haligi ng demokratikong diskurso at daluyan ng katotohanan. Hangga’t may mga pwersang nagnanais na patahimikin ang kabataan, patuloy na lalaban ang CEGP–Laguna at ang mga kasapi nitong pahayagan para sa malaya, mapanuri, at makabayang pamamahayag.