02/01/2024
Wala raw akong karapatan madepress dahil bata lang ako.
Kapag bata ba hindi nakakaramdam at hindi nasasaktan? Kapag bata walang lungkot o patagong pag-iyak sa gitna ng katahimikan? Kung sinasabi mong wala kaming emosyon ede wala nga kaming kaparatan.
Ako yung batang hindi buo ang pamilya, wala akong malalapitan at sarili na lamang ang nakakasama, naghahanap ng pagmamahal at tunay na pagpapahalaga, ngayon mo sabihing wala akong karapatang lumuha.
Ako yung batang may pamilya ngunit magulo, palagi may nagbabangayan saan mang sulok ng kuwarto, nasasaksihan ang unti-unting pagkasira ng pamilya, naturingang may tahanan ngunit palaging sinasalanta, ngayon mo sabihing isa lamang akong bata.
Ako yung batang wala na raw ginawang tama, puro na lamang mura ang inaalmusal at kung ano-anong bala ang tumatama, wala raw silbi kaya't nagtitiis hanggang sa tumahan, ngayon mo sabihing wala kaming karapatang masaktan.
Ako yung batang mulat na sa kaganapan sa mundo, hindi ako sanggol para ituring na bato, naiintindihan ko na kung gaano kalupit ang mundo, at kung gaano kadaya ang mga taong nakapaligid sa'yo.
Bata pa ako, pero may karapatan akong masaktan, marunong kaming umiyak, malungkot at masugatan, ngunit ang paghilom ay hindi na kasing dali ng pag-ihip sa sugat satuwing nadadapa, hindi ganoon kadaling mawala ang sakit galing sa masasakit na salita.
Bata pa ako, pero hindi basta bata lang.
Irespeto niyo rin sanang tao lang kami at marunong na ring masaktan.