15/05/2023
Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na makatatanggap ng kani-kanilang mid-year bonus ang mga kawani ng gobyerno simula ika-15 ng Mayo ngayong taon.
“Masaya po akong i-anunsyo na makatatanggap ng mid-year bonus ngayong taon ang ating mga lingkod-bayan, na nakalaan sa agency-specific allocation sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act or GAA. Alam naman po natin na isa ito sa mga inaabangan ng ating mga kapwa kawani ng gobyerno na talagang makatutulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan," saad ni Secretary Pangandaman.
“Kaya pinaaalalahanan po namin ang lahat ng mga ahensya at opisina ng gobyerno na siguruhin ang napapanahong pagbibigay ng mga bonus sa ating mga empleyado o batay sa umiiral na rules and regulations, simula May 15 po 'yan," dagdag pa ng Kalihim.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang sahod pagsapit ng ika-15 ng Mayo at ipagkakaloob sa mga karapat-dapat na empleyadong nakapag-serbisyo ng kabuuan o pinagsama-samang apat (4) na buwan mula ika-1 ng Hulyo ng nakalipas na taon hanggang ika-15 ng Mayo ng kasalukuyang taon.
Kailangan ding nananatili pa sa serbisyo ang kawani pagtungtong ng ika-15 ng Mayo ng kasalukuyang taon at nakakuha ng satisfactory performance rating sa loob ng immediately preceding rating period o applicable performance appraisal period.
Ipagkakaloob ang mid-year bonus sa lahat ng posisyon para sa mga civilian personnel, regular man o casual, contractual, appointive o elective, full-time o part-time, kasalukuyang umiiral o nilikha sa Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS), at sa mga local government units (LGUs).
Kabilang din sa mga empleyadong makatatanggap ng mid-year bonus ang mga military personnel ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense at mga uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology ng Department of Interior and Local Government, Bureau of Corrections ng Department of Justice, Philippine Coast Guard ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang pagbibigay ng mid-year bonus para sa mga kawani na sakop ng mga GOCCs ay tutukuyin ng kani-kanilang governing boards.
Dagdag pa rito, ang pagbibigay ng mid-year bonus para sa mga kawani ng pamahalaan sa mga probinsya, syudad, munisipalidad at mga barangay ay tutukuyin naman ng kani-kanilang sanggunian.
# # #