08/11/2023
Show of solidarity from Sen. Imee! π
OPISYAL NA PAHAYAG
mula kay Senator Imee R. Marcos
8 November 2023
Noong 2015, ako ang una at kaisa-isang gobernador na nagdeklara ng suporta para kay Pangulong Duterte. Nakikita ko sa kanya ang aking ama. Matapat sa kaibigan, matapat sa bayan.
Ano raw ba ang sikreto ng mga Marcos at bakit sa loob ng mahabang panahon may mga loyalistang handang makipaglaban para sa amin? May loyalista kami dahil loyalista kami. Ako, gaya ng aking ama, ay matapat at naninindigan para sa mga tunay na kaibigan, sa hirap at sa mas mahirap, sa mabibilang na ligaya at sangkatutak na dusa.
Iyan ang iniwang legasiya sa akin, sa atin, ng aking ama. Ang makatotohanang pagkakaisa, pagkakaisang hindi bula lamang ng bibig, pagkakaisang nangangahulugan ng pagiging isa. Sapagkat kung ang isang Marcos ay loyalista sa paninindigan at pakikipagkaibigan, pinakaloyalista kami sa kapakanan ng bayan.
Kahit tayo ay isang pulu-pulong bansa, hindi tayo umiiral na parang mga isla. Dapat nagtatagpo ang dulo sa dulo, mata sa mata. Solid north, solid south, Solid Pinas.
Kabastusan sa aral ng Yolanda ang pinagkakaabalahan ng mga pulitikong ginugutay-gutay ang bansa at ginagamit sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel. Ang aral na itinuro sa atin ng Yolanda -- eksaktong sampung taon ang nakalipas ay buhay pa rin sa aking gunitaβ na walang delubyo ang kayang lumunod sa lakas ng Pilipinong mulat at gising;
Igalang sana natin ang libo-libong namatay sa sakunang iyan. Alalahanin natin ang pagkakaisang umahon sa atin sa delubyong iyan. Delubyong maglulugmok din sa atin kapag kukunsintihin natin ang nais sumira sa ating mga nasimulan pagkatapos ng pagsubok na iyan.
Inuulit ko, noong 2015, ako ang una at kaisa-isang gobernador na nagdeklara ng suporta para kay Pangulong Duterte.
At kahit ako ang nag-iisang matira, maninindigan ako para sa kanya.
Ang isang anak na humarap sa napakaraming pananaksak sa likod ay hindi kailanman tatahamik sa mga pagtataksil at pambabastos sa taong gumalang sa aking ama, noong pahintulutan nyang mahimlay ito sa libingang para sa kanya.
Doon, ay tinanong siya na kaya ba niya pinahintulutan ang paglilibing ay dahil kaibigan niya lang ako?
Ang sagot niya noon ay sagot ko ngayon,
Hindi lang dahil kaibigan ko si PRRD, KAIBIGAN KO TALAGA SIYA, higit lalo si Inday Sara, mga kaibigan ko sa pagpapaunlad ng bayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pakikipaglaban kontra sa pwersa ng kasamaang nagpapalaganap ng katiwalian, gutom at katrayduran.