01/12/2022
Naisubasta sa halagang katumbas ng P36 milyon o EUR 630,000 sa isang auction house sa abroad ang antigong Bulul na mula sa Ifugao. Ang artifact, tinaguriang masterpiece of Ifugao Art.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” ngayong Huwebes, sinabing naisubasta ng kilalang auction house na Christie’s ang Bulul na may taas na 31 inches o tatlong talampakan.
Ang Bulul ay mula raw sa koleksyon ni William Gumbook Beyer, na anak ng Amerikanong tinaguriang Father of Philippine Anthropology na si Henry Otley Beyer.
Paliwanag ni Dr. Nestor Castro ng UP Department of Anthropology, mahalaga sa kulturang Pinoy ang Bulul o diyos para sa kasaganahan ng palay.
Aniya pa, maaaring naibenta nang mahal ang Bulul dahil sa pagiging antigo nito, at nakakabit ang pangalan ni Henry.
“Si Beyer ang unang-unang nagturo ng anthropology sa Pilipinas. Noong 1914 nagturo siya sa UP Manila at noong 1917 ay itinayo naman niya ang UP Department of Anthropology,” ani Castro.
Sa page ng National Museum, makikita ang larawan ng iba’t ibang uri ng Bulul kabilang na dito ang mula kay Henry.
Binanggit din ni Castro na nakapag-asawa si Henry ng taga-Cordillera, kaya isang Filipino-American ang anak nitong si William.
“Sa paniniwala kasi ng Ifugao, ang mga namamatay na ninuno ay eventually nakasama sa roster ng mga anito. Ngayon, si Beyer ay china-chant na rin ng ilang Ifugao bilang isang anito o isa sa mga ninuno na yumao na,” dagdag pa niya.
Gayunman, nanghihinayang si Castro na maaaring manatili sa kamay ng mga dayuhan ang isang bagay na mahalaga sa kultura ng mga Pinoy.
“Nangingibabaw ang mga market forces sa pagkolekta ng ating mga artifacts, specimens at parte ng ating cultural heritage. Something na sana maiwasan in the future,” pahayag niya.
Samantala, sinabi ni Lisa Guerrero Nakpil, Board Member ng National Historical Commission of the Philippines, na ang mataas na halaga ng Bulul sa auction ng Christies’ ay nagpapakita rin ng kahalagahan ng kultura ng mga Pilipino.
“All Filipino objects of cultural importance must remain in the Philippines. The other school of though is that it should be shared with the world,” diin ni Nakpil
“When you put this in museums like the Louvre or the Tate or the Metropolitan in New York, you give Filipinos a glimpse of his identity and his importance and even recognition in the world stage,” aniya pa. — Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News
Antigong Bulul mula sa Ifugao, naisubasta sa abroad sa halagang katumbas ng P36-M
Source: Filipino Viral News PH
Naisubasta sa halagang katumbas ng P36 milyon o EUR 630,000 sa isang auction house sa abroad ang antigong Bulul na mula sa Ifugao. Ang art...