11/06/2024
KALAYAAN……KINABUKASAN……KASAYSAYAN
BAWAT NILALANG AY MAY KARAPATAN
NA MABUHAY NANG MAY KALAYAAN
DI MAAARING IPAGKAIT AT PAGMARAMUTAN
MULA PAGKASILANG HANGGANG KAMATAYAN.
SA PAGKAMULAT PA LAMANG NG MGA MATA
MALAYA NANG PAGMASDAN MUKHA NI INA
PATI MARINIG ANG PAG-ALO NI AMA
AT DAMHIN ANG YAKAP KANILANG PAGPAPALA.
HANGGANG SA PAGLAKI HINUBOG SA TAMA
UPANG MAGING MABUTING HALIMBAWA
KALAYAANG MATUTO AT MAGING BIHASA
KALASAG NA SA BUHAY NG PAKIKIBAKA.
NGUNI’T KUNG ANG LAYA AY MAY SUMAGKA
IPINAGKAIT AT GINAWARAN NG PARUSA
AY DI BA DAPAT LAMANG NA MAG-ALSA
UPANG KARAPATAN AY MAIBALIK PA.
SABI NOON ANG KABATAAN ANG PAG-ASA
SA KINABUKASAN NG BUONG MASA
NASA KANILA LAKAS, TALINO AT DIWA
NG ISANG TUNAY NA MANDIRIGMA.
AANHIN NATIN ANG ISANG KABAYANAN
KUNG ANG NAGHAHARI AY KASAMAAN
GANID AT GUTOM SA KAPANGYARIHAN
PAANO NA NGA BA ANG KINABUKASAN?
ATING PAGYAMANIN ANG KAMULATAN
KABATAAN, GISINGIN ANG PAMAYANAN
DI SAPAT ANG MAY PINAG-ARALAN
KUNDI GAGAMITIN NANG MAY KABULUHAN.
KABATAAN, SA INYO ANG KINABUKASAN
INSPIRASYON NAMING MGA KATANDAAN
DADALHIN HANGGANG SA DULUHAN
LINGUNIN DIN MUNA ANG NAKARAAN.
NASUSULAT NA MGA KASAYSAYAN
DIGMAAN AT REBELYON NG SANGKATAUHAN
MABISANG SIYASATIN, SURIIN AT LIMIIN
DAPAT GAWING ARAL AT HUWAG SIKILIN.
PAG-AKLAS NG BAYAN AT MGA BAYANI
HINANGAD NA KALAYAAN AY IPAMARALI
WALANG-SAYSAY KUNG LAGING MABABALI
KASINUNGALINGAN ANG MAMAMAYANI.
PAGTUWID SA KASAYSAYAN IPAGPATULOY NATIN
MGA BAYANI NOON MAGING HUWARAN MANDIN
KALAYAANG IPNAGLABAN MULI NATING KAMTIN
ANG KINABUKASAN AY PARA DIN SA ATIN.
ANG KALAYAAN………IPAGLALABAN NATIN
ANG KABATAAN……..SIYANG KINABUKASAN NATIN
ANG KASAYSAYAN……ITUTUWID AT IPAGMAMALAKI NATIN.
-=NI: DITTZ CENTENO DE JESUS
Artwork : GlenGlenn F Gonzales