05/06/2020
Sa pagdiriwang ng World Environment Day, narito ang isang lathalain tungkol sa aktibidad na naganap ngayong araw, Hunyo 5. đź’š
Love Thy Earth
Isinulat ni: Novie Gay Girao
Swish swosh swish swosh
Tunog ng pabalik-balik na pagpunas sa salaming bintana nina Marissa. Bumubuhos ang butil ng pawis sa kanyang noo patungo sa kanyang pisngi habang kinikiskis ng maalikabok na niyang kamay ang dumi ng kanilang bintana.
Ang kanyang kapatid na si Faye ay siya namang nakatalaga sa pagwawalis sa loob at labas ng kanilang bahay. Masasalamin na rin ang pagod sa maamo nitong mukha habang nakasuot ng guwantes at hinihiwalay ang mga basura sa Nabubulok, Hindi Nabubulok, at mga Plastic Bottles.
"Nay? Bakit ba kailangan nating maglinis? Sobrang nakakapagod." , Nagtatagpo ang dalawang kilay at tumutulis ang labi ni Timmy habang nagrereklamo sa kanyang inang nagpapataob ng mga sisidlang maaaring panatilihan ng tubig.
"Kasi anak, kailangan, malinis ang ating tahanan at kapaligiran upang malayo tayo sa sakit. Naaalagaan natin ang ating kalusugan habang tumutulong sa ating inang kalikasan. Iniiwasan natin ang pagkasira nito sapagkat sa kanya nanggagaling ang ating mga pangangailangan sa araw-araw. Kapag wala ito, hindi rin tayo iiral sa mundo.", Mahinahong sagot ng kanyang ina.
"Kaya anak, dapat nating alagaan ang ating inang kalikasan. Sa simpleng paglilinis lamang ay malaki na ang iyong maitutulong." ,sabat naman ng kanyang ama.
Ipinagpatuloy ni Timmy ang gawain ng may kalinawan sa kaisipan at hindi labag sa kalooban.
Sadyang sa ating mga kamay nakasalalay ang ating inang kalikasan. Kaya't huwag natin itong hayaang malugmok at muli natin itong buhayin at pagkaingatan.