01/04/2022
VICE MAYOR IYO BERNARDO, TUTOL SA PAGTALAGA NG MGA ‘DI TAGA-PASIG SA MATAAS NA PWESTO SA CITY HALL
TINUTUTULAN ni Vice Mayor Iyo Bernardo ang pagtatalaga ng mga hindi nakatira sa Pasig na humawak ng mataas na posisyon sa city hall. Nabanggit niya ito sa kanyang kampanya nitong Miyerkules, ika-30 ng Marso. “Meron po bang taga-Quezon City, Taguig, San Juan na taga-city hall ngayon?” tanong ni Bernardo sa mga dumalo sa kanyang kampanya kung saan sumagot ng oo ang ilan. “Kaya ko lang naman sinasabi sa inyo, ako hindi ako papayag na meron tayong city hall, ang lahat ng mga taga-rank and file, taga-Pasig, pero ang lahat ng boss - yung mga supervisor, department head - ay taga-Quezon City, Taguig, San Juan?" ani Bernardo. "Eh, mga kapwa ko Pasiguenyo, hindi naman tayo dapat pumapayag ng ganun eh. Hindi ko rin kasi maintindihan kung bakit walang bilib sa kakayahan ng mga taga-Pasig," dagdag ng bise alkalde. "Alam niyo, wala namang magmamahal sa kapwa Pasiguenyo kung hindi tayo-tayo lang po eh.”
Source: https://news.abs-cbn.com/news/03/31/22/pasig-vice-mayor-tutol-sa-pagtalaga-ng-mga-di-taga-lungsod-sa-mataas-na-pwesto-sa-city-hall