17/03/2020
Dagli entry #2
Makiki-abot nga po
Linggo. Tanghaling tapat. Ulo'y sa init 'di umaawat.
Kakabili ko lang ng pritong manok at bulalong masarap isupsop.
Ako'y pauwi na at naghahanap ng sasakyan kung jeep ba o tricycle.
Naglakad muna ako sa kahabaan ng initan nang biglang may dumaan na jeep.
Akin agad 'tong sinakyan. Pagkasakay ko, napansin ko na ako lang mag-isa sa likod at si mamang drayber nalang ang nasa unahan.
Bigla tuloy sumagi sa isipan ko na ang mga salitang "Makiki-abot nga po..."
Kaso, ako lang mag-isa. Ang nakakatawa roon ay, umusod ako papaunahan na parang uod na tila bang gustong mapudpod ang pwet na malikot.
Inulit ko ang proseso pabalik sa likod.
Tapos biglang sumagi sa isipan ko na, nag-iisa lang ako. Lungkot ang dala nito. Tila bang may hinahanap. Gusto makasama. Sa hirap at sa ginhawa.
Agad itong napalitan ng kaisipang, "Kasama mo palagi ang Panginoon" na lagi kong pinanghahawakan. Guminhawa ang aking pakiramdam.
Pero sa totoo lang, sa mga oras na 'yon, ikaw talaga ang iniisip ko. Iniisip ko na kamusta ka na kaya? Siguro, nakakain ka na. Siguro, nagpapahinga ka ng matiwasay.
Iniisip ko na ano kaya magiging reaksyon mo na tayo nalang dalawa sa likod ng jeep? Ano mararamdaman mo na sa kabila ng init ng araw ay makakatagpo tayo ng pahinga? Pahinga na sating dalawa lang makikita. Mga kwentuhan na mabubuo, biruan na 'di naman sa pang-uuto at mga salitang doon tayo matututo.
Iniisip na sa lahat ng pag-iisa ay darating ang araw na ikaw ang makakatabi't makakasama.
Iniisip lahat ang mga masasayang ala-ala.
Sarap balikan ang mga kaganapang tayo lang makakaalala.