20/03/2022
EMPANADA, CHALAP-TSALAP 😋
ROSARIO, CAVITE: Sa kanyang tindig at porma, parang pangtennis player ang datingan nya. Sa kasuotan nyang magarang damit, short, at sapatos na kulay puti, sino ang mag-aakalang naglalako lang pala siya ng "Empanada"?
Siya si Rodolfo Miras Belga, mas kilala sa katawagang Lolo Rode, 96 taong gulang, tubong Puerto Princesa, Palawan. At kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Ligtong 3 ng bayang ito.
Si Lolo Rode ay balo na. May 6 na anak at 4 na apo.
Dati siyang Chief Cook sa isang sikat na hotel sa bansang New Zealand.
17 taon din syang naging OFW. Nang mapagtapos na niya ang kanyang mga anak sa pagaaral, ay tuluyan na siyang nanatili sa Pinas.
Taong 2012 ng mapadpad siya sa maalamat na bayan ng Rosario. Nangungupahan lamang siya ngayon, at namumuhay na mag-isa.
Dito sa Rosario, unang nakilala ang sarili niyang gawa na "Empanada with Ham and Cheese".
At sa eskinita at kalye ng bayan ding ito narinig ang tinig ng isang matandang lalake na lubhang nakakatawag-pansin sa mga tao. Dahil ang salitang "Sarap" ay nagiging "Tsalap".
Sa halagang 15pesos lang per pira*o ng empanada, ay tiyak ka namang masasarapan at uulit-ulitin mo pa.
Halos 2 taon na ring naglalako ng empanada si Lolo Rode. Tatlong beses sa loob ng isang linggo lang siya kung magtinda.
Ang kanyang paglalako ay may kaakibat din na ehersisyo sa kanyang katawan.
Bagamat may mga anak naman si Lolo Rode ay hindi siya umaasa sa mga ito.
"Huwag umasa sa mga anak, lalo na kapag may mga asawa na sila. Kahit sa pabarya-barya kita sa empanada ay sapat na para mamuhay ng tahimik, masaya, at maunlad", pagmamalaki ni Lolo Rode.
"Masaya ako sa katayuan ng buhay ko ngayon kasi hindi ako umaasa sa iba, at sa edad kong ito kaya ko pa ring makipagsabayan sa iba", dagdag pa niya.
Hindi ang paninda niyang empanada ang bida sa kwentong ito. Kundi kung paano mamuhay mag-isa ang isang matanda na taglay pa rin ang porma at pustura na wala ang iba.
Theo: CAVITE CONNECT