18/06/2024
Sabi nila, kapag umeedad ka na, palungkot ka nang palungkot. Ngayong nandito na ako, parang totoo nga. May mga araw na ayaw kong bumangon, pero wala akong ibang pagpipilian kung hindi bumangon. May mga araw na pakiramdam ko ay hindi ako gutom, pero kailangan kong kumain para makagalaw ako. May mga araw na ayaw ko ng kausap, ngunit gusto kong may makinig sa akin sa mga bagay na sarili ko lang ang nakaaalam.
Habang tumatanda ako, pakiramdam ko, hindi ito ang buhay na gusto ko, pero ito lang ang buhay na kaya ko sa ngayon– at nakakaputang ina kasi gaya ng laging nangyayari, wala naman akong pagpipilian. Sobrang nakaiinggit ang mga taong may kalayaang pumili, alin ang gusto nila sa hindi, alin ang pwede sa hindi maaari.
Ang dami kong pangarap, ngunit wala akong sapat na kahoy upang gumawa ng hagdan. Pakiramdam ko, kailangan ko ng sampung araw sa isang linggo para lang masabi kong kahit papaano ay nakatulog ako.
Nakakapagod na
Lahat. Ngunit gaya ng lagi, wala naman akong pagpipilian kung hindi ang manatili, umasa, mangarap, magpursigi, hanggang dumating ang oras na pwede ko nang piliin ang pumili ng labas sa walang pagpipilian.