08/07/2023
2 mataas na opisyal ng NPA at miembro ng Maute, timbog
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang mataas na opisyal ng rebeldeng New People’s Army (NPA) kasapi ng Islamic State-inspired Maute terror group sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur at Isabela, iniulat kahapon.
Ayon kay CIDG chief Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., nadakip na sina Cedric Casano, 29, Secretary ng Henry Abraham Command East Front Committee KOMPROB Cagayan at Charlotte Velasco, 28, Finance Officer ng Komiteng Probinsya Isabela (KOMPROB ISABELA),” sa ipinatupad na search warrant ng ahente ng CIDG sa Barangay Upi, Gamu, Isabela noong Martes.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas Tuao, Cagayan Regional Trial Court (RTC) Branch 11 nadakip si Casano sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act), RA 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020), and RA 9516 (Illegal Possession of Explosives).
Habang si Velasco ay wanted sa kasong attempted murder sa RTC Branch 16, Ilagan City, Isabela.
Sinabi ni Caramat na ang dalawa ay kapwa may mataas na posisyon ng rebeldeng grupo at nasa listahan ng Periodic Status Report Threat Group (PSRTG) watchlist.
Dagdag pa ni Caramat na si Velasco, ay asawa ni Yoshida Orion alias “Brown”, na dating vice chairperson ng Anakbayan National, political instructor ng Regional Sentro De Grabidad (RSDG), Regional Operations Command (ROC), at dating Secretary ng RSDG sa ilalim ng NPA Fortunato Camus Command.
Ang dalawang akusado ay nasa kustodiya ng 5th Infantry Division- Philippine Army habang ang kanilang mga warrant of arrest ay ibabalik sa court of origin.
Samantala, noong Martes, nagpatupad ng search warrant ang mga tauhan ng CIDG Lanao Del Sur Provincial Field Unit kasama ang iba pang PNP operating units na nagresulta sa pagkakaaresto kay Acmad Casim, miyembro ng Maute Group sa Barangay Lakadun, Masiu, Lanao del Sur.
Sinabi ni Caramat na nahuli ng mga operating team si Casim alyas “Batang Criminal” dahil sa paglabag sa RA 10591 na inisyu ng korte sa Kapatagan, Lanao del Norte.
Habang tugis naman ng mga operatiba ang dalawang nakatakas na kasamahan nitong sina Aminola Casim at Pandi Dimaocom Mama.
Nakuha ng mga operatiba ng pulisya mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol, isang steel magazine assembly para sa .45 caliber, dalawang live ammunition para sa .45 caliber at dalawang basyo ng bala.
Si Casim ay may warrant of arrest sa pagpatay na inisyu ng Malabang, Lanao del Sur RTC Branch 11 noong Setyembre 30, 2014, na walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng CIDG Lanao del Sur PFU si Casim para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.