24/10/2025
BALITA | ₱1,100 tulong pampinansiyal, ipinamahagi sa ilalim ni Mayor Carranza
Ipinatupad ng Lokal na Pamahalaan ng Silang, sa pamumuno ni Hon. Mayor Edward “Ted” E. Carranza ang pamamahagi ng ₱1,100 tulong-pinansyal sa bawat mag-aaral bilang bahagi ng programang “Tulong Pinansyal Para sa mga Mag-aaral” na isinagawa sa Kaong National High School (KNHS) nitong ika-24 ng Oktubre.
Kaugnay nito, dumalo sa aktibidad ang mga Konsehal ng Silang at si Board Member (BM) Ivy Reyes, na nagpaliwanag na noong nakaraang taon ay mga mag-aaral lamang mula Kinder hanggang Grade 6 ang nakinabang sa programa. Ngunit dahil sa mungkahi ng mga magulang at pagsusuri ng Finance Committee, napagdesisyunan ni Mayor Carranza na isama ang mga Junior High School students simula 2025.
“Dati ay elementary lang, pero ngayon ay kasama na rin ang Junior High School sa tulong-pinansiyal. Layon nating matulungan ang bawat mag-aaral na makapagpatuloy sa pag-aaral nang hindi iniinda ang gastusin,” ani Reyes.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni BM Reyes na layunin ng programa na maipagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral nang hindi nababahala sa gastusin.
Kasunod nito, binigyang-diin ng ilang magulang na malaking tulong ang nasabing programa sa kanilang mga pamilya, lalo na sa mga may limitadong kita at sabay-sabay na pinapaaral na mga anak.
Isa sa mga magulang na nakinabang ay si Norma B. Rellama, na may dalawang anak sa KNHS, at nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa lokal na pamahalaan.
“Malaking tulong talaga ito, lalo na kapag kapos sa pera at kailangan ng pamasahe. Maayos rin ang proseso ng pamamahagi ng tulong-pinansyal dahil bawat section ay may naka-assign na tao para mag-assist,” saad ni Rellama.
Bukod dito, ang pamamahagi ng tulong-pinansyal ay isinagawa sa maayos at organisadong paraan sa tulong ng mga g**o at kawani ng paaralan.
Ayon kay Merry Ann Guevarra, magulang ng isang Grade 10 student mula sa Oregano, malaking bagay ang ayuda upang matugunan ang pang-araw-araw na gastusin ng kanyang anak sa paaralan.
“Puwede rin itong gamitin pambili ng uniporme o pang-allowance. Katulad ngayon, player ng basketball (girls) ang anak ko kaya magagamit niya ito bilang allowance,” pahayag ni Guevarra.
Dagdag pa rito, nagpapatunay ang programa sa patuloy na malasakit ng Pamahalaang Lokal sa sektor ng edukasyon sa Silang.
Ibinahagi ni Kathleen May Oraña, mag-aaral ng KNHS, na nakatulong sa kaniya ang nasabing tulong upang matugunan ang personal na pangangailangan sa panahong gipit ang kanilang pamilya.
“Ngayong linggo, madami kaming bayarin sa pamilya. May mga biglaang gastos at may mga naka-schedule na bayarin, nasabihan na rin ako na hindi ako mabibigyan ng allowance ngayong linggo kasi short ang budget, buti na lang, sakto na wellness break ngayon kaya malaking tulong ito para magkaroon ako ng allowance,” wika ni Oraña.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Konsehal Ari Velasco na patuloy ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng edukasyon at paglikha ng mga proyektong makatutulong sa kabataan.
Sunod dito, inanunsyo nina Konsehal Velasco at BM Reyes ang planong pagtatayo ng Senior High School sa Kaong upang hindi na kailangang bumiyahe sa ibang bayan ang mga estudyante.
Isa pa, nakatakdang simulan ng Local School Board ang pagtatayo ng apat na palapag na gusali sa susunod na school year bilang bahagi ng priority projects para sa taong 2026.
Gayundin, may mahigit 10,000 scholars sa buong bayan ng Silang na tumatanggap ng ₱2,500 bawat semester, habang 150 full scholars naman ang nakatatanggap ng ₱30,000 bawat semester, bukod pa sa mga scholarship program mula sa Provincial Government at sa tanggapan ni Congressman Roy Loyola.
Samantala, binigyang-diin ni Mayor Ted Carranza na pangunahing layunin ng kanilang administrasyon ang matulungan ang bawat mag-aaral na makapagtapos at makamit ang magandang kinabukasan.
Sa madaling salita, layunin ng inisyatibong ito na mapaigting ang suporta ng Pamahalaang Lokal sa edukasyon at maitaas ang antas ng oportunidad para sa kabataan ng Silang.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay sinimulan ni Mayor Carranza ang nasabing programa para sa mga mag-aaral sa elementarya, na ngayon ay pinalawig upang maisama ang mga Junior High School students bilang patunay ng patuloy na pagtaguyod ng Lokal na Pamahalaan sa edukasyon.
-----
Balita ni: Elaine Canlong
Mga Larawan ni: Mia Grace Camarista
Iwinasto ni: Nathan Jade Sulit