23/06/2020
Sana hindi ka sumugal, sa larong hindi ka naman pala handa.
Para di na ko umasa na ang premyong tinatamasa ay mapapasa akin na
Sabi sakin ni mama wag daw akong magsusugal,masama raw ito, walang naidudulot na mabuti sa mga bata, nakakaubos lang ng pera
Wag ko daw subukan maglaro ng pusoy,cara i cruz, tong its, mahjong, first de cara o kahit ano pa na mayrong baraha at kailangan ng pusta
Dahil ang mga ganitong laro ay walang kasiguraduhan, kung ikaw ang mag-uuwi ng gantimpala o uuwi ako ng walang wala at butas ang bulsa
Nakinig ako sa kanya, pinakinggan ko sya at kailan ma'y di ako naglaro ng mga baraha simula pagkabata hanggang sa ako'y lumaki na at nagdalaga
Nagdalaga at ang mga bagay ay naiintindihan ko na, hindi naman pala masama maglaro ng mga larong baraha
Ang masama ay yung magpapadala ka sa sistema, pero kahit ganun hindi ko parin sinubukan sumugal
Hindi ko sinubukan matuto magsugal, ngunit natuto akong magmahal
Ang pag-ibig ay parang laro
Pareho nating ineengganyo
Pareho tayong manlalaro
Ngunit kahit pa magkakampi tayo ay iisa lang ang pwedeng manalo
Para nga lang akong nakikipaglaro sayo ng langit lupa
Langit ka ako ang lupa
Ang distansya natin ay malayo sa isa't isa
Akala ko nga nun ilusyon na lang ang makasama ka
Ngunit hindi pala kasi ako'y napansin mo na
Bumaba ka sa lupa at sinabi sakin na ako'y mahal mo na
Nilaro nga rin natin ang luksong baka
Andaming BAKA na bumabagabag sa isipan kong lito na
BAKA hindi ka pa seryoso
BAKA laro nga lang talaga ang lahat ng ito
BAKA nagugulumihanan ka lamang
BAKA puro akala lamang
BAKA bugso ng damdamin mo lang ang pinapairal kaya't nasasabi mong PAGMAMAHAL ang nararamdaman
Diba Naglaro din tayo ng patintero?
Nang sinagot na kita ng OO
Madami ng pagbabago
Hindi tayo sana'y na ganito
Maraming pagsubok ang dumating satin
Pilit na hinaharangan ang kasiyahan na nais nating mapasatin
Ngunit ang galing! Nalagpasan natin ang mga balakid
Akala ko puro baraha lamang ang larong sugal ngunit pati rin pala ang mga larong pambatang minsan kong minahal noon ay sugal at dapat utak ang pinapairal
Ngunit sa laro ng tadhana puso ang dapat na isugal, mga pangaral ng utak ay isinantabi, puso ang pinairal sa ngalan ng PAGMAMAHAL
dahil alam kong pareho tayong seryoso,
Pareho tayong sigurado, kaya't sigurado ako tayo ang mananalo, ako ang mananalo , mapapasantin ang premyo na tayo hanggang dulo
Puso ang nagsilbing pera na aking pamusta, pag-iibigan natin ang nagsilbing baraha na kailangan ibalasa
Kung ito ang patakaran para mapasakin ka
Ay sumugal ako dahil ganun ka din naman sakin diba?
Ngunit bakit umaatras ka? Naduduwag ka ba? Wag kang mangamba kasama mo naman ako hindi ka nag iisa
Bakit umaatras ka? Sabihin mo? Sagutin mo ko? Akala ko ba sigurado ka? Bakit ngayon ay sinasabi mong hindi ka pa handa? Bakit ganyan ka?
Bakit kung kailan naubos na ko tsaka ka pa lumisan?
Bakit kung kailan nakasugal na ko tsaka ka pa natakot?
Akala ko ba seryoso ka? Sabay tayong sumugal sa mga larong nilaro natin ngunit bakit sa laro ng tadhana ay umaatras ka?
Sana hindi ka na lang sumugal, kung hindi ka talaga sigurado
Sana hindi ka na lang sumugal, kung pagdating sa dulo ay iiwan mo rin ako
Kasi ako sumugal ako ng buong puso, sa pag aakalang ganun din ang ginawa mo
Ngunit nagkamali ako,ngayon mas naiintindihan ko na ang payong ibinigay sakin ng ina ko
Totoo nga na ang larong sugal ay walang naidudulot na maganda, maaaring sa iba meron pero sa akin ngayon? Wala
Sumugal ako para sayo, pero iba ang ginawa mo
Sana kasi hindi ka na lang sumugal, sa larong hindi ka naman pala handa....
-π