27/04/2021
Kamusta ka?
Ikaw, oo ikaw, seryosong tanong, kamusta ka talaga? Ang karamihan sa atin ay naka work-from-home setup at dahil dito, nawala yung mga ka-ututang dila natin sa trabaho, nawala na rin yung mga much needed yosi breaks natin kung saan mag rarant tayo patungkol sa isang nakaka-badtrip na pangyayari sa trabaho, pamilya, pag-ibig, at iba pa. Dahil dito, tumataas po ang bilang ng mga kababayan nating nalulungkot at napapagdesisyunang tapusin ang kanilang mga buhay.
O baka naman, bored ka? Wala kang makausap at gusto mo lang ng mabilisang kakwentuhan, yung tipong parang hihiram ka ng lighter sa isang stranger tapos makakakwentuhan mo na tungkol lang sa mga kung ano-anong bagay.
O kaya baka isa kang estudyante na iritang irita sa school works o pagod na pagod sa dami ng projects, modules, plates, etc na kailangan mong tapusin?
Kahit ano pa man yan, gusto ko lang malaman mo na "YOU GOT A FRIEND IN ME", andito si Tito para sayo. Ito po ay isang inisyatiba kung saan gumawa ako ng isang "Voice Channel" na maihahambing sa isang meeting room, sa aking Discord [isang messaging/calling platform] community na bukas sa kahit sino, mapa-ilang taon ka man, at mapa ano man ang estado mo sa buhay. Ang unang layunin ng inisyatiba na ito ay magkaroon ng isang lugar kung saan maaaring mabigyan ang lahat ng pagkakataon upang maka-kausap ng mga bagong tao at makatulong sa mga tao na maaaring nakakaramdam ng kalungkutan o kahit ano pa mang negatibong emosyon. Pangalawa, layunin rin ng inisyatiba na ito na makapag bigay ng gabay sa mga tao na may pinagdadaanan at kailangan ng tulong. Pangatlo, hindi lamang ito para sa mga kailangan ng tulong kundi para rin sa mga gusto lang tumambay, makipag kwentuhan, mantrip, makipag-biruan, at makipag-tawanan.
Sa ngayon, ako pa lamang ang makakausap mo dito. Ako po ay isang Psychology graduate, HR Practitioner, at Corporate Leader, maari mang hindi sapat ang aking kaalaman at wala akong mga certificate sa ganitong bagay, ang mapapangako ko lamang ay gagawin ko ang akin makakaya upang makapag bigay gabay o kahit makinig man lamang sa mga bagay na iyong gustong ibahagi. Ako po ay may full-time na trabaho, pero gagawin ko ang abot ng aking makakaya para makapag-laan ng oras para sayo, I'm at the room 2PM to 11PM, kung sakali mang wala ako, maaari kang mag iwan ng mensahe para tayo ay makapag-set ng oras, ang proseso ay nasa ibaba.
Ano po ang proseso Tito?
1. I-download ang app na Discord (For Computers: https://discord.com/) (For mobile phones: Search Discord on App Store or Play Store) at mag register ng account. Parang Skype, Viber, at Telegram lang :)
2. Pindutin ang link na ito: https://discord.gg/6BgTgWydct
3. Pag pasok sa community, sa left side meron kang makikitang "Voice Channels" sa ilalim nito, piliin at pindutin lamang ang "You Got a Friend in Me" kung ikaw ay mayroong gustong ibahagi na seryoso. At piliin at pindutin naman ang "Work Channel Tambayan" kung gusto mo lamang makipag kwentuhan ng kaswal, makipag biruan o tawanan.
4. Kung hindi mo ako maabutan o wala kang maabutang tao sa loob ng channel, sa left side uli, meron ka ring makikitang "Text Channels" sa ilalim nito piliin at pindutin ang you-got-a-friend-in-me at mag iwan ng mensahe para tayo ay makapag set ng oras :)
Para po sa mga handang mag-volunteer sa initiative na ito at handang maging parte ng Tito Alex and Friends na magbibigay gabay sa mga nangangailangan ng emosyonal o mental o spritwal na suporta, maaari po kayong mag send ng pribadong mensahe sa ating page!
Ang inisyatibang ito ay kailanman hindi hihingi ng pera o regalo sa mga taong natulungan nito. Ito ay purong VOLUNTEER WORK na mananatiling buo hanggat meron pang may kakayahang tumulong sa kapwa.
Maraming salamat,
Tito Alex