28/06/2024
of scammers
CLOSURE OPERATION kontra Illegal Recruitment, ikinasa ng DMW Regional Office sa Mindanao
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Jonieza Joy Travel and Tours Jonieza Joy Travel & Tours Agency & Consultancy, isang travel agency sa Initao, Misamis Oriental na nagpositibong nag-rerecruit ng walang lisensya para magtrabaho sa Poland, Czech Republic, Lithuania, Romania, Croatia, Malta, Greece, Canada, UK, Dubai at Saudi Arabia.
Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman, kasama ni OIC-Regional Director Atty Fidel Macauyag ng RO-X ang closure operation ngayong umaga.
Ang pagpapasara sa nasabing travel agency ay bunga ng ilang surveillance operations na ikinasa ng DMW-Region X mula sa report ng Filipino community sa Poland na ilegal na pag-aalok nito ng trabaho bilang Welders, Electrician, Locksmiths, Greenhouse Workers, Warehouse Workers, Cleaners, Drivers, Factory Workers, Construction Workers, Plumbers, Service Crew, Cook, Restaurant Manager, Food Attendant, Hotel workers, Waiters/Waitress, Caregivers at Nursing Assistants, na umano ay may buwanang sweldo na Php 35-40,000 at may bonus pa, night shift differential, libreng medical exam at pagkain. Nangangako ang travel agency na mapapaalis ang mga aplikante sa loob ng 5 hanggang 8 buwan, kapalit ng Php 190-230,000 na processing at placement fee.
Para matigil na ang illegal na gawain nito at wala nang mabiktima pa, kaakibat ng pagpapasara ng DMW ang rekomendasyong pagkansela ng business permit at pagpapawalang-bisa ng registration nito sa DTI.
Sa pagkakasara nito, ang may-ari at mga opisyal na sangkot ay mahaharap sa kasong illegal recruitment committed by a syndicate na may parusang life imprisonment at multang Php 2M hanggang Php 5M. Dagdag dito ay makakasama rin sila sa DMW List of Persons with Derogatory Record na magba-ban sa kanila sa pagre-recruit.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga nabiktima ng travel agency sa opisina ng DMW-RO X sa Cagayan de Oro o magmessage dito upang matulungan sa pagsasampa ng kaso at mabigyan ng libreng tulong legal.
Ito na ang ika-11 na establishmentong ipinasara ng DMW kontra illegal recruitment para sa taong ito.