26/05/2021
𝗔 𝗿𝗲𝗺𝗶𝗻𝗱𝗲𝗿 𝘁𝗼 𝗮𝗹𝘄𝗮𝘆𝘀 𝗰𝗵𝗲𝗰𝗸 𝘆̵𝗼̵𝘂̵𝗿̵ ̵𝗽̵𝗿̵𝗶̵𝘃̵𝗶̵𝗹̵𝗲̵𝗴̵𝗲̵ 𝘁𝗵𝗲 𝗽𝗿𝗶𝘃𝗶𝗹𝗲𝗴𝗲 𝗼𝗳 𝘁𝗵𝗲 𝗿𝗶𝗰𝗵 𝗮𝗻𝗱 𝗽𝗼𝘄𝗲𝗿𝗳𝘂𝗹
Nakakalungkot ang istoryang itinampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho tungkol kay Reymark, isang batang maagang nagbanat ng buto sa edad na sampung taong gulang. Nakakaantig ng damdamin at nakaka-inspire ito sa mga kabataan. Subalit may mga kumakalat sa social media na ginagamit ang kwento ng batang ito para i-invalidate ang mga nananawagan ng ayuda at maayos na serbisyo ng pamahalaan. Bukambibig nila na kesyo "nakakahiya naman doon sa bata," o kaya naman ay "napakatamad ninyo. magsumikap kasi kayo katulad 'nung bata!" Dahilan upang ma-trigger ako na talakayin privilege at sino ba dapat ang pinatutungkulan nito.
1. Ang kaso ni Reymark ay hindi usapin ng privilege, kundi isa sa milyun-milyong kaso ng Child Labor sa Pilipinas. Hindi na ito bago sa ating bansa. Sa huling tala ng Philippine Statistics Authority noong 2011, ang estimated number ng working children (edad 5-17 taon) ay umaabot ng 3.3 million o 12.4% ng mga kabataan sa Pilipinas (PSA, 2015). Dapat bigyang pansin ang pagkakaroon ng maayos na programa mula sa pamahalaan at iba't-ibang institusyon upang mabawasan ang bilang nito.
2. Hindi dapat gino-glorify ang kaso ni Reymark. Totoong nakakaantig ng puso at nakakainspire ang kwento niya, pero hindi naman dapat ito nangyayari kung may maayos na programang pangkabuhayan para sa ating mga Pilipino. Totoong mahirap at lalong naghihirap ang majority ng mga Pilipino sa bansa. Ang poverty rate sa Pilipinas ay nasa 16.7% o humigit-kumulang 17.6 milyong pilipino, ayon sa huling tala ng PSA (PSA, 2020). Dapat makita natin na mayroong kakulangan sa programang pangkabuhayan ang ating bansa, na mas pinatitindi pa ng pagmahal ng presyo ng pangunahing bilihin, at malawakang kawalan ng trabaho ngayong pandemya.
3. Hindi tamad ang mga Pilipino! Iyan ang lagi't-lagi kong sinasabi sa mga nakakadiscussion ko. Sa araw-araw na pagpunta sa bukid ng mga magsasaka, at pagpasok ng mga manggagawa sa kanilang trabaho, ay hindi talaga sumasapat ang kanilang kinikita upang matustusan ang pang-araw-araw na gastusin nila at ng kanilang pamilya. Mababa ang presyo ng ani sa mga bukirin. Mababa rin ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa (may minimum wage sa NCR pero mas mababa pa ang natatanggap ng mga manggagawa sa ibang rehiyon). Itinuturing nga ang Manila na 3rd most expensive cost of living at isa sa mga may pinakamababang average salary sa Southeast Asia. Ayon sa pag-aaral ng iprice.ph, ang isang tao ay kailangang kumita ng P51,500 kada buwan upang mabuhay nang maayos sa Maynila (kabilang ang upa, pagkain, transportation, utilities, atbp.) habang ang average salary naman dito ay pumapatak lamang ng P18,900 kada buwan. Kaya pagbala-balasahin natin ang dalawang trabaho, hindi pa rin ito nakasasapat sa atin. Nakaugat na rin sa kultura nating mga Pilipino ang sipag at tiyaga. Alam natin sa sarili natin na tayo ay nagsusumikap sa araw-araw subalit hindi lahat ng kapwa natin kababayan ay nakakaahon sa kahirapan. Lalo ngayong pandemya na marami sa ating mga kababayan ang lumubog ang kabuhayan. Kaya valid ang panawagang humingi ng sapat na ayuda para sa ating lahat. Huwag ninyong i-invalidate ang panawagang ito dahil lang sa napanood ninyong kwento ng Child Labor sa bansa.
4. Huwag nating hayaang magkawatak-watak tayo dahil sa ideya ng privilege. Iba-iba man ang kalagayan natin, pare-pareho lang naman tayong lahat na nagsusumikap makaahon sa krisis na dulot ng pandemyang ito. Nakita naman natin ang lakas ng pagkakaisa ng mga mamamayan mula ng sumulpot ang mga Community Pantry sa buong bansa.
Kanino ba dapat nakatuon ang panawagang "check your privilege?" Ito ba ay para lang ba sa mga "masuswerteng" kababayan natin na buhay pa at nakakakakain ng tatlong beses sa isang araw ngayong pandemya? O dapat din natin ituon ang ating mga mata at tenga sa mga lider ng ating bansa na hindi naaapektuhan, at "nakikinabang" pa nga sa pandemyang ito? Tunay nga na sinala ng pandemya ang mga tunay na lider na naglilingkod sa mga mamamayan, sa mga trapo at nagpapayaman lang sa pwesto. Kayo na ang humusga. Pero parang awa 'nyo na, huwag ninyong husgahan ang kapwa natin mahihirap.
Sources:
https://psa.gov.ph/tags/working-children
https://psa.gov.ph/poverty-press-releases/nid/162559
https://iprice.ph/trends/insights/cost-of-living-in-southeast-asia/