23/09/2021
Officially, hindi "Roman Catholic" ang dapat na ipantawag sa ating Simbahan. Ang totoong pangalan ng ating Simbahan ay Iglesiya Katolika (Catholic Church). Pero dahil na-adopt na ng kasalukuyang panahon ang term na "Roman Catholic", ang magagawa nalang natin ay ang bigyang kahulugan ang term na ito.
Hindi tayong mga tao ang inilalarawan na "Roman" dito, kundi ang ating pananampalataya at ang kaugnayan nito sa Roma. May tatlong dahilan kung bakit ang ating pananampalataya ay "Roman", nang dahil sa sumusunod:
1. Ang rito ng ating Misa ay Romano (Roman rite)
2. Ang ating lider, ang Santo Papa, ay tinatawag na Obispo ng Roma at nakatira sa Roma
3. Noong una, nais ng Panginoon na magkaroon ng pananampalataya ang Roma. Ang Roma ang hahalili sa Jerusalem bilang tagapagtaguyod ng pananampalataya.
Una, ang ating Banal na Misa ay rito Romano. Ito ang opisyal na ritwal ng Iglesiya sa Roma, ngunit hindi ito nakahihigit kaysa sa ibang ritwal ng Iglesiya Katolika, tulad ng Byzantine, Chaldean, Maronite at ibang ritwal ng Silangan.
Ikalawa, ang Roma ang Upuang Lungsod ng Santo Papa. Nagtatag ang mga apostoles ng pamayanang Kristiyano sa Roma, at ang Iglesiya roon ay pinamumunuan ng Obispo ng Roma. Sa Roma namatay si Pedro, kaya ang Roma ang naging luklukan ng kahalili ni Pedro bilang pinuno ng Iglesiya.
Ikatlo, kalooban ng Diyos na ilipat ang kaharian ng Diyos mula sa Jerusalem patungo sa ibang lugar:
"Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong tapat na maglilingkod sa kanya." ( Mateo 21:43)
Ang nasa isip ng Diyos, ay sa Roma:
"Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, "Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gagawin mo sa Roma." (Gawa 23:11)
Kaya ang Roma, ang siyang magpapakalat ng pananampalatayang magiging Katoliko (universal):
"Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig" (Roma 1:7-8)
-the Moderator