02/02/2022
EDUKADOR AT AKTRES NA SI DR. RUSTICA CARPIO PUMANAW NA
Pumanaw na ang batikang manunulat, artista, edukador at public servant na si Dr. Rustica Carpio kahapon, Pebrero 1, 2022.
Sa Facebook post ng kanyang pamangkin na si Nessea Carpio ay kinumpirma nito ang pagpanaw ng kanyang tiyahin sa edad na 91.
“We wish you farewell in your journey to eternity. You’d never be forgotten. Rest in peace, Tita Rustica Carpio,” ani Nessea sa kanyang Facebook post.
Bukod sa pagiging aktres, manunulat at edukador, si Rustica ay isa ring awtor, direktor, mandudula (playwright), iskolar, kritiko sa panitikan, at patnugot ng libro (book editor).
Naglingkod din siyang dean ng dating College of Languages and Mass Communication na kilala ngayon bilang College of Communication sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Manila.
Gumanap din siya ng mahahalagang papel sa teatro at pelikula tulad ng bilang “Lady Macbeth”, “Sisa”, “Teodora Alonzo”, “Leonor Rivera” at iba pang karakter at nakatrabaho ang mahuhusay na artista,direktor at national artist na tulad nina yumaong Fernado Poe Jr., Direktor Ismael Bernal, National Artists Lamberto Avellana, Rolando Tinio at marami pang mga batikan sa kani-kanilang larangan.
Kinilala na rin ang husay bilang aktres ni Rustica kabilang ang 33rd Gawad Urian na nagtanghal sa kanya bilang Best Actress noong taong 2010 sa pelikulang “Lola” ni Director Brillante Mendoza, gayundin sa Crystal Simorgh para sa Best International Actress sa Fajr International Film Festival sa Iran, at ang Las Palmas International Film Festival Best Actress award sa Spain.
Isinilang si Rustica noong Agosto 9, 1930, sa Paombong, Bulacan.
Nag-umpisa siyang umawit sa operetta noong siya ay 10 taong gulang lamang.
Nag-aral sa Philippine College of Commerce sa Manila, na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines (PUP) at nagtapos ng associate degree in commercial science ng may karangalan. Nag-aral din siya ng Bachelor of Arts, major in English sa Manuel L. Quezon University (MLQU) at nagtapos bilang magna cm laude.
Makaraang makakuha ng Fulbright at International House scholarships ay pinili ni Rustica ang New York University (NYU) sa bansang United States para sa kanyang graduate work, hanggang sa nagtapos ito ng Master of Arts in education, major in speech education noong 1956 sa Steinhardt School of Culture, Education and Human Development ng NYU.
Nagtapos naman ito ng PhD sa literature, meritissimus noong 1979 sa University of Santo Tomas (UST) sa Manila.
Isa rin siyang UNESCO fellow in Dramatic Arts sa National School of Drama and Asian Theatre Institute sa New Delhi, India.
Lumasap ng unang papel sa pelikula si Rustica sa pelikulang “Nunal sa Tubig” noong 1975 na idinirehe ni Ismael Bernal. Nasundan ito ng marami pang pelikula kabilang ang iba pang pelikulang “Captive”, “Aparisyon” at “Ano ang Kulay ng Nakalimutang Pangarap”.
Si Rustica ay isa ring Palanca Award-winning essayist, at naging awardee at hurado rin ng Timpalak Talaang Ginto Gantimpalang Collantes ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Bilang dating public servant, natalaga rin si Rustica sa iba’t ibang tungkulin sa gobyerno tulad sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) bilang board member simula 1996 hanggang 1998; Videogram Regulatory Board simula 1998 hanggang 2000 kung saan miyembro siya ng Movie Committee on Appeals. (JESS GALANG)