
25/12/2024
LATHALAIN | Nais ng Tala
ni Reina Jean V. Cruz
Malamig ang simoy ng hangin, mga kampana sa simbahan ay nagsasayawan. Ang lansangan ay puno ng mga batang naglalaro at nagtatawanan. Totoo na talaga, araw na muli ng ligaya!
Oras na upang magbalot ng mga pang-regalo at maghanda ng masasarap na putahe para sa Noche Buena. Tuwing ika-25 ng Disyembre, ipinagbubunyi sa buong mundo ang kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Dito sa Pilipinas, buwan pa lamang ng Setyembre ay nagkakabit na ng mga palamuti sa kanilang mga tahanan ang mga Pilipino. Mga magagarang puno ng Pasko o Christmas tree, mga malalaki at makukulay na parol, at mga ilaw na kumukutikutitap sa gabi. O kaya nama'y makaririnig ka ng magagandang himig mula sa mga batang umaawit sa mga tahanan.
Namamasko po!
Munting labi na naka-ngiti, mga mata'y kasing liwanag ng mga ilaw sa bawat tahanan. Kay sarap talagang isipin ang maaaring mangyari ngayong araw. Ano kaya ang matatanggap ko ngayong Pasko?
“Nais kong magkaroon ng aguinaldo ngayong Pasko.” “Nais kong magkaroon ng bagong damit at gamit.” “Nais kong makatanggap ng maraming regalo.” Ito ang kadalasang sinasambit tuwing papalapit na ang espesyal na okasyon. Palagi nalang iniisip kung ano ang nais matanggap tuwing Pasko—upang maiba naman, iyong isipin…ano nga ba ang nais mong ibigay para sa iba ngayong pasko?
Itinuturing na araw upang gumawa ng kabutihan sa iyong kapwa ang araw ng Pasko. Kagawian na ng mga indibidwal na maging ‘mabuting tao’ tuwing sasapit ang Pasko sapagkat pinaniniwalaan na dito maipakikita ang tunay na diwa ng kapaskuhan. Naniniwala rin ang iba na makatatanggap ka ng maraming biyaya sa Pasko kung ikaw ay gumawa ng isang mabuting kilos. Subalit hindi ba ang paggawa ng mabuti ay dapat ginagawa buong taon?
Gumawa ka man ng mabuting gawain, kung para lamang sa iyong sariling kapakanan—marahil na ang ginagawa ay hindi pa bukal sa iyong puso. Sapagkat ang pagiging mabuting tao ay hindi sapilitan at laging umaasa na may kapalit. Matutong maging mabuti sa kapwa hindi lamang sa Pasko, kundi sa araw-araw. Ang Pasko ay araw ng pagbibigayan, gumawa tayo ng mabuti upang lahat tayo ay magkaroon ng masaganang Pasko.
Kabutihang ibinabahagi tuwing kapaskuhan.
Sa araw ng Pasko, ang nais ng Panginoon ay ipalaganap natin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mundo. Nais Niyang gunitain natin ang kapakanan ng ating kapwa bago isipin ang sariling kagustuhan. Si Hesukristo ang ating tala at gabay upang maging isang mabuting indibidwal. Katulad ng bituin sa taas ng puno ng Pasko, gawin nating sentro at inspirasyon ang Panginoon para sa mga bagay na ating ginagawa bawat araw.
Kaya't ipalaganap natin ang kabutihan, sundin natin ang gintong aral na itinuro sa atin ng Panginoon. At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko tayo ay magbigayan.
Kartun ni: Aj Zyron De Ocampo