09/08/2022
HINAHANGAD ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz na masuspinde ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Kaugnay nito hinikayat ni Guadiz ang mga lokal na pamahalaan o LGU na ikonsidera ang suspensyon at makipagpulong sa LTO upang maplantsa ang naturang panuntunan.
Isa sa balak rebisahin Ang may kaugnayan sa reklamo ng mga operator ng pampublikong sasakyan na obligadong pagbabayad ng multa kung may paglabag ng kanilang mga drayber.
“Sa ilalim ng batas, ang nagbabayad ng multa ay ang registered owner ng sasakyan, on the presumption na ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho and by command responsibility, ‘yung may-ari ng sasakyan talaga ang dapat na magbayad kung may violation,” pahayag ni Atty. Guadiz.
Anang opisyal sa kanilang palagay tila may kakulangan sa palisiya na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa nasabing paglabag.
We will look into ways na ang dapat managot ay ang drayber,” ipinunto ni Guadiz.
Inihayag pa ng opisyal na bahagi ng kanilang mandato sa implementasyon ng NCAP ang magpalabas ng alarma sa mga sasakyan na nasasangkot sa paglabag.
Kasama sa na natitigan ang anggulong naibenta na sa iba ang sasakyan ngunit hindi nairehistro sa LTO ang paglilipat ng pagmamay-ari samantalang nakagawa ito ng paglabag sa batas-trapiko.
"There are instances po na 'yung sasakyan ay nailipat na sa ibang pangalan pero dahil hindi ito nailagda sa LTO, ang sinisingil pa po nila ay 'yung dating may-ari ng sasakyan. We would like to revisit this po," pagtitiyak ni Guadiz.
Naniniwala rin si Guadiz na maganda ang layunin ng no contact apprehension policy, ngunit kailangan lamang na ayusin upang higit na mapalakas ang implementasyon at makatulong sa maayos na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Martha Abigael Viñegas