11/06/2025
MMDA AT LTO: BABALA PARA SA MGA 'TAKIP PLAKA' MOTOR RIDERS
Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga motoristang sinasadyang takpan ang kanilang mga plaka upang makaiwas sa huli sa ilalim ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP). Ayon kay LTO Executive Director Greg Pua Jr., ang ganitong gawain ay isang criminal offense sa ilalim ng Section 12 ng Motorcycle Crime Prevention Act.
"Walang exemption dito, nasa paliwanag 'yan kung ano ang depensa, nasa pagpapaliwanag 'yan. Lahat naman ng inisyuhan ng show cause ay may due process," sabi ni Pua.
Ilan sa mga naiulat na taktika ng mga motorista ay ang paggamit ng papel, packing tape, at kahit mga dahon para lang maitago ang plaka ng kanilang motorsiklo. Subalit malinaw na paglabag ito sa batas at maaaring magresulta sa multa na hanggang P10,000 at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sakaling ma-detect ng mga camera ang tinakpang plaka, agad itong irereport sa mga traffic enforcer sa kalsada para ma-flag down ang lumabag.
Binigyang-diin ng LTO na hindi palusot ang pangambang mahuli sa NCAP. “Kung may nilabag, harapin ito sa tamang proseso,” dagdag pa ni Pua.
Sa gitna ng kontrobersya sa NCAP, panibagong isyu na naman ang kinakaharap ng mga motorista—ngunit sa pagkakataong ito, maaaring hindi lang puntos sa lisensya ang mawala, kundi kalayaan pa.