15/12/2015
Halika, Tabihan mo Ako
--------------------------------
Halika, tabihan mo 'ko
Tanawin mo ang mundo mula sa aking mga mata, maganda ba?
Hintayin nating magtago ang araw
O abangan natin ang pagsilip ng buwan
Pagkatapos...
Tayo naman ang magkubli
Halika, dito ka muna sa tabi ko
Tuturuan kitang maging komportable sa dilim
Dito, malayang maghubad ang mga pinakatatago mong lihim
Ibulong mo sa'kin
O isigaw mo sa hangin
Pangako,
Hindi ko aangkinin
Halika, dito ka lang sa tabi ko
Tunghayan mo ang banayad na pagsayaw
ng mga aninong pabagu-bago ang hugis at anyo
Sa saliw ng naglalarong apoy
Masdan mo ang kalayaan ng mga bagay na walang kasiguraduhan
Walang titulo para punitin o pangalan para isumbat
Hindi batid kung ano ang alin o ang meron at wala
Dahil walang linya na magpapasya
kung ano ang labis at kulang
Halika, nandito lang ako sa tabi-tabi
Anumang oras ay pwede kang umalis o umuwi
Kahit sabihin nilang delikado ito,
Hindi mo kailangang mag-ingat;
Ang yakap ko ay hindi hawla
Ang kamay ko ay hindi posas
And halik ko ay walang lason
Ang dila ko ay walang talim
Halika, Tabihan mo ako
Habang malayo ka sa kanila,
Malaya ka sa akin
[Rens Doctor]