01/03/2023
Yes father, proud ex-seminarian and student is here.
Mga bok at ter, inyo bang napanood ang episode ng 'Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS)' kagabi? Kung oo, isa na siguro sa mga segment na pumukaw ng ating atensyon ay ang kwento nina Ella at Bro. Rick ng Laguna.
Si Ella ay isang simpleng babae na minsang humiling noong isang Simbang Gabi ng katuwang ng puso. Nung panahong iyon, natagpuan niya ang kanyang "dream guy", sa katauhan ni Bro. Rick, na noo'y hindi niya tanto na isa palang seminarista. Idinalangin niya ang puso ng naturang ginoo. Kung hindi ito matupad, isa lamang ang ibig sabihin: ipagpapatuloy niya ang kanyang planong mag-madre.
Hindi natupad ang hiling ni Ella nung Simbang Gabing iyon. Lumipas ang dalawang taon, muling nag-krus ang kanilang mga landas sa isang summer team building. Si Bro. Rick ang isa sa mga nakahuntahan at nakapalagayan ng loon ng noo'y mahiyaing si Ella. Unti-unting nahulog ang loob ng dalaga sa binata, hanggang sa dumating sa puntong hindi na niya maipagkaila ang kanyang nararamdaman. Kanyang isinulat sa isang liham ang lahat ng kanyang nararamdaman para kay brother.
Muling humiling si Ella sa panibagong Simbang Gabi. Kapang nailathala sa isang diyaryo ang kanyang ipinasang liham sa isang publisher, magtatapat na siya kay brother. Pagkalipas ng dalawang buwan, tumambad sa kanyang harapan ang isang diyaryo, laman ang liham na kanyang nilikha para kay brother. Dagli'y tinupad niya ang kanyang naging pangako. Umamin siya kay Bro. Rick, ngunit hindi ito agad tinanggap ni brother; bagkus ay isinaalang alang ang kanyang bokasyon sa pagpapari at pananaw kay Ella bilang isang "little sister".
Lingid sa kaalaman ni Ella, maging si Bro. Rick ay nagdadalawang isip na rin noon sa kanyang bokasyon simulang nakita niya ang dilag noong unang Simbang Gabi. Sinubukan niyang pigilan ang kanyang nararamdaman, dahil batid niya ang kanyang tinatahak. Pero sadyang mapaglaro ang tadhana. Kalauna'y matiwasay na iniwan ni Bro. Rick ang seminaryo, at pinili ang kanyang bagong bokasyon.
Sa dulo ng naturang segment, ipinaliwanag ni Fr. Francis Lucas ang proseso ng paghubog ng isang seminarista upang maging pari. Ayon sa kanya, hindi talaga lahat ng pumapasok sa seminaryo ay nagiging pari. Maraming dahilan sa paglabas, at isa na rito ang pag-ibig. Gayunman, walang masama kung piliin ng isang seminarista na lumabas ng seminaryo dahil napagtanto niya ang kanyang tunay na bokasyon. Ang mahalaga rito'y naging totoo siya sa mata ng Diyos at sa kanyang sarili. Ipinaalala rin ni Fr. Lucas sa mga tao na huwag basta husgahan ang mga seminarsita na piniling lumabas.
Mga bok, palagi nawa nating asamin ang Panginoon, pagsilbihan Siya, piliin man nating ipagpatuloy ang buhay sa loob ng seminaryo o sa labas. Totoo na kaya tayo pumasok sa seminaryo ay para sa pagpapari. Pero kapag dumating ka sa puntong hindi mo na talaga nakikita ang iyong sarili sa bokasyong iyon, tandaan na hindi natatapos sa buhay seminaryo ang ating pagmamahal sa Diyos.
Mga ter, kapag natagpuan ninyo ang inyong sarili sa ganitong sitwasyon, siguraduhing "nakahandusay" ka sa Panginoon at hindi sa sariling pagkaunawa lamang. Hilingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa iyong pagninilay ng Kanyang plano para sa'yo at para sa 'inyo'.
__________________________
Source of screenshots and quotes:
* Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) (Facebook video)
(https://www.facebook.com/kapusomojessicasoho/videos/3332116780244393)