03/14/2024
-Tetragrammaton
MAGLARAWAN
Tetragrammaton (o Tetragram sa anyong pinaiksi) ang tawag sa apat na katinig na Hebreo (יהוה) na tumutukoy sa pangalan ng Diyos ng mga Israelita at Kristiyano. Sa alpabetong Hebreo, ito ang YOD (י), HE (ה), WAW (ו), at HE (ה); sa alpabetong Romano naman, ito ang Y, H, V, at H. Noong panahon ng mga Romano, ang tunog ng J at V ay katulad ng Y at W sa kasalukuyang wikang Tagalog, kaya't karaniwang nakikita ang Jehovah (Jehova naman sa Tagalog) sa mga salin ng Biblia na nakabatay sa Latin o kaya naman sa mga anak na wika nito, tulad ng Kastila, Italyano, at Pranses, imbis na Yahweh. Matagal nang inaakalang hindi ginamit ang Tetragrammaton sa Septuaginta, ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan o Lumang Tipan. Dahil dito, maraming nasa paniniwala na hindi ginamit ng mga Kristiyanong nagsulat sa Bagong Tipan ang banal na pangalan nang nagsisipi sila mula sa Kasulatang Hebreo.
Nguni't pinatutunayan ng maraming katibayang natuklasan sa loob ng nakaraang kulang-kulang na dantaon na lumitaw nga sa Septuaginta ang pangalang YHWH. Ayon sa isang bukal ng impormasyon, dahil sa kanilang matinding hangad na panatilihing tiyak ang banal na pangalan ng Diyos, kinopya na lang nang tuwiran ng mga Helenistikong Hudyo ang Tetragrammaton nang isinasalin nila ang Bibliang Hebreo sa wikang Griyego. Ito ay kumbaga sa paggamit ng mga Intsik na karakter mismo kung nais ng mga nagtatagalog na gamitin ang mga hiram na salitang Intsik, tulad ng siyopaw, tikoy, at diko, sa kanilang mga sulat.
May natuklasang fragmento sa Oxyrhynchus, Ehipto, na kilala sa bilang 3522. Mula pa raw sa unang dataon pagkatapos ipinanganak si Kristo ang fragmento, at ang sukat nito ay 2.5 pulgada (7 sentimetro) ang lapad at 5 pulgada (10.5 sentimetro) ang haba. Nakasulat dito ang tekstong Job 42:11,12 at nasa Hebreong titik mismo ang pangalan ng Diyos.