24/02/2023
Uy, kumusta? tuloy ka lang ha?
Kahit na pakiramdam mo lahat sila nauna na. Kahit pa minsan para bang naiwan ka nang mag-isa.
Alam kong hindi ito ‘yong ginusto mong tiyempo. Alam kong hindi ganito ‘yong nabuo mong plano. Alam kong umasa ka na makararating ka nang mas maaga. Pero wala e, sadyang ganoon ang panahon—may mga bagay na hindi umaayon.
Alam kong minsan, kahit hindi mo man gustuhin ay nakakainggit. Minsan nakakainip. Nakakapagod. Minsan nakakawala ng gana o ng tiwala. Pero tingnan mo ‘yong sarili mo, kinakaya mo pa rin. Kahit sinubukan kang hadlangan ng tadhana, nariyan ka pa rin; patuloy na lumalaban para sa pangarap. Patuloy na nagsisikap para maibigay mo sa sarili mo ‘yong buhay na dapat sa’yo.
Kaya kahit na gano’n, tuloy ka lang ha? Kahit na ilang ulit mong marinig sa kanila ang mga opinyong hindi mo hinihingi, kahit na ilang ulit ka nilang ikumpara sa mga noo’y kasabayan mo, kahit na ilang beses nilang kuwestiyunin ‘yong kakayahan mo. Tuloy ka lang. Hindi mo naman sila kailangang habulin e. Hindi naman mahalaga kung nauuna sila. Hindi mahalaga kung medyo natagalan ka. Ang mahalaga, makararating ka; sa sarili mong paraan, sa sarili mong panahon.
Ano man ‘yang hinihintay mo—trabaho, pag-ibig, pangarap—tuloy ka lang ha? Siguradong ipagkakaloob din ‘yan sa’yo.
Yakap!
Labarn lng with the Lord🙏🙏