27/09/2024
𝗜𝗡𝗗𝗜𝗘 𝗕𝗢𝗢𝗞𝗦 𝗦𝗔 𝗠𝗜𝗕𝗙
DAHIL LANG SA mga nabili kong librong indie sa second floor ng Manila International book Fair (MIBF) ay nais kong imungkahi na bigyan ng mas mainam na puwesto sa susunod na book fair ang indie publishers. Kung hindi puwede dahil sa mahal ang renta ng booths, nais kong imungkahi sa NCCA na maglaan ng sapat na pondo para makakuha ng maganda at maluwang na espasyo sa first floor ng MIBF at isáma sa mga ipagbibiling libro ng cultural agencies ang mga librong indie. Nais ko ring imungkahi sa BDAP at NBDB na muling suriin agad ang adhika ng MIBF at litisin kung ito’y para sa promosyon ng literacy at para sa pagbebenta ng panitikan at kultura ng Filipinas sa madla. Para mas luminaw sa mga lumalahok na pabliser ang kaniláng hangarin sa paglahok sa 2025.
Sa tingin ko kasí, kung pagtatampok sa kasalukuyang panitikan at sining ang titingnan, mas pangahas, inobatibo, at malikhain ang mga indie pabliser. Samantála, ang malalakíng pabliser ay mas teksbuk ang interes (dahil doon silá kumikíta) at mas konserbatibo sa paghirang ng ilalathalang akdang pampanitikan. Humahatak lang silá ng bumibilí dahil sa malakíng diskuwento at ibáng pang-akit para sa kaniláng tindang dayuhang aklat at mga titulong nakatinda rin naman sa kaniláng bookstores.
Ang mga teksbuk pabliser ang umookupa ng sentro at tanyag na booth sa first floor dahil nakaabang sa DepEd supervisors na maghahanap ng bibilhing aklat para sa kaniláng sákop na mga paaralan. Kung iyon ang adhika ng MIBF, puwedeng ilaan ang isang araw na espesyal para sa DepEd. O kayâ, puwedeng magkaroon ng special book fair para sa textbooks. Bagaman dapat ding malantad ang mga titser sa indie books, lalo na ang mga nagtuturò ng wika at panitikan na Balagtas lang, Rizal, at Ibong Adarna ang alám.
Ang MIBF ay nagsimula na isang hindi pansing aktibidad ng BDAP noong ika-20 siglo. Noon, nakikiusap pa ang kaibigan kong Pangulong Lirio Sandoval sa mga pabliser na lumahok. Mas malakí pa noon ang teksbuk fair ni Rex Bookstore. Pero ngayong mas dinudumog na ng madla ang MIBF ay siksikan ang malalaking teksbuk pabliser dito. Na ikinasiyá naman ng nangangasiwang Prime Trade ng SMX.
Pag hindi inayos ang kalagayan at pagtrato sa indie publishers, bakâ magkaroon ng gulo at kontrobersiya. Bakâ lumikha ang indie publishers ng sariling book fair at bakâ mahati pa ang nabubuong palengke ng libro sa ating lipunan.
Para sa akin ang higit na mahalagang palengke ng ating mga libro ay mga kabataan at magulang. Ang mga kabataan, dahil silá ang magmamána ng ating binubuong anyo ng kasalukuyan sa tulong ng edukasyon at panitikan. Ang mga magulang, sapagkat silá ang unang humuhubog sa ísip at damdámin, at panlasa sa panitikan, ng kaniláng mga anak bago pumasok sa paaralan at hábang nag-aaral. Malakíng tulong sa paaralan at sa industriya ng libro kung ang sektor na ito ang pagbuhusan ng pansin ng BDAP, NBDB, at mga pribadong pabliser. Pero hindi para bentahan lang ng aklat. (Pagsamantalahán!) Kung hindi para tulungan siláng mahubog ang panlasa sa panitikan at maakit na magkainteres sa pagpapalaganap ng pambansa at makabansang kultura.
Maganda na ngayon ang higit na aktibong pagtulong ng NBDB sa MIBF at ibáng gawain para mapalaganap ang libro. Maganda rin ang pagsasanib ng Manila Critics Circle at NBDB para sa pagbibigay ng parangal sa mahuhusay na libro ng taón. Subalit kailangang may pangmatagalan at matatág na patnubay ang NBDB sa pagtulong nitó. Mainam sána kung ang mga nagwawaging akda ay nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga at kritika para maintindihan ng madla kung bakit nagwagi ang mga ito. Kritisismo sa akda at libro! Halimbawa, ang National Book Awards at ang Gintong Aklat Award ay sabay ipinoproklama. Magkaibá ang nananálo. Bakit? Ni hindi nililinaw ng BDAP ang saligan ng kaniláng Gintong Aklat, kayâ akala ng maraming awtor ay silá ang binibigyan ng award. Bakâ dapat maglabas din ang NBDB ng isang journal para sa kritisismo at kahit para sa mga balita tungkol sa mga bagong libro at talâ tungkol sa mga awtor. Ang journal ay maaaring ipamahagi sa mga aktibong aklatan at para magámit ng mga titser at estudyante.
Magtulong-tulong táyo para buháyin ang industriya ng libro sa buong Filipinas. Bigyan natin ng higit na puwang ang mga indie books at tulungang umunlad ang mga sumisiglang sektor sa paglalathala. (Itutúloy)
𝓢𝓪𝓻𝓲̀-𝓢𝓪́𝓶𝓸𝓽
ni Virgilio S. Almario
Ferndale Homes
24 Setyembre 2024 See less
https://www.facebook.com/photo?fbid=1062018929263071&set=a.503294381802198

24 Setyembre 2024