16/08/2024
LANDLORD, PATAY NANG PAGSUSUNTUKIN NG SARILING BOARDER SA APARRI, CAGAYAN
Binawian ng buhay ang isang lalaking may-ari ng paupahang bahay matapos mabagok ang ulo kasabay ng pagbagsak sa sementadong sahig matapos pagsusuntukin ng kaniyang boarder sa bahagi ng Brgy. Centro 11, Aparri, Cagayan.
Kinilala ang biktima sa pangalang, Leo, 58-anyos, residente sa naturang barangay habang ang suspek naman ay kinilalang si Rick, 24-anyos, at residente ng Brgy. Centro 6, Aparri, Cagayan.
Sa panayam kay PSMS Jupiter Paguirigan, imbestigador ng PNP Aparri, una umanong kinompronta ni Gumarang ang biktima nang putulin nito ang supply ng kuryente sa kanilang inuupahang boarding house na nagbunsod upang sila ay magtalo.
Saad pa ni Paguirigan na batay sa naging pagpapaliwanag ng suspek ay inunahan lamang nito ang tangkang panununtok ng kanyang Landlord kaya sinuntok niya ito ng tatlong beses na nagresulta upang matumba at tumama ang ulo at mabagok sa sementadong sahig.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima at nalapatan ng lunas ngunit binawian din ng buhay dahil sa tindi ng sugat na tinamo nito.
Samantala, mabilis namang dinakip ng mga otoridad ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa kasong Homicide. # # #