24/11/2022
Ngayon ko lang naiintindihan yung mga bagay na hindi ko maintindihan nung bata pa ako. Ngayon ko lang naiintindihan kung bakit sa tuwing sinasabi ko kay mama na gusto ko nang tumanda, palagi nyang sinasabi na wag muna.
Dati kasi, gusto ko na agad lumaki at tumanda para magawa ko na lahat ng gusto ko ng hindi napapagalitan ni mama at ni papa.
Pero ngayon, gusto ko nalang bumalik sa dati nung bata pa ako. Yung ang iniiyakan ko lang ay ang pagtulog sa tanghali kapag napapalo ni papa dahil ayaw kong matulog. Yung ang responsibilidad ko lang ay ang maghugas ng mga pinggan na pinagkainan at ang iniisip lang ay kung ano at saan ako susunod na maglalaro. Tapos yung pagod lang na nararamdaman ay ang pagod matapos kong maglaro na pwede kong ipahinga at maglaro ulit pagkatapos.
Ngayon kasi, nakakapagod ang buhay sa ganitong edad. Yung pakiramdam na stress kana at parang hindi na kinakaya ng mental health mo. Yung pagod kana pero alam mong hindi ka pwedeng magpahinga.
Kaya sa mga kabataan, hinay-hinay lang sa pagtanda. Enjoy nyo muna habang bata pa kayo. Dahil ang totoong buhay ay magsisimula pa lang sa inyong pagtanda. Hindi ito parang laro na pag napagod kana ay magpapahinga ka. Dahil sa panahon na ‘to, limited lang ang pahinga.