03/11/2025
“Pangarap ng Isang Sibilyan”
Lumaki si Allan sa simpleng pamilya sa probinsya. Anak siya ng isang magsasaka at tindera sa palengke. Araw-araw, nakikita niya ang hirap ng kanyang mga magulang para mapakain at mapag-aral silang apat na magkakapatid. Kaya kahit bata pa lang siya, alam na niyang gusto niyang makapagbigay ng magandang buhay sa kanila. At sa bawat pagdaan ng sundalo sa kanilang baryo, nabubuo sa isip niya ang isang pangarap. “Balang araw, magiging sundalo rin ako.”
Nang tumungtong siya sa tamang edad, sineryoso niya ang pangarap na iyon. Bago pa man siya mag-apply sa Philippine Army, sinimulan niya ang matinding paghahanda. Araw-araw siyang nagpa-practice ng push-ups, sit-ups, at 3.2 km run. Kahit pagod mula sa construction work, tumatakbo pa rin siya sa hapon at nagti-training sa umaga. Madalas siyang tuksuhin ng mga kabarkada, pero lagi niyang sagot, “Wala ‘tong biro, para ‘to sa pamilya ko.” Kahit ulan o init, tuloy lang siya, dahil alam niyang ang disiplina sa sarili ang unang hakbang tungo sa tagumpay.
Dumating ang araw ng aplikasyon, sobrang dami ng gustong pumasok, at halos mawalan siya ng pag-asa. Nahihilo siya sa gutom, nanginginig sa kaba, at muntik nang bumagsak sa physical fitness test. Pero sa tuwing maiisip niya ang kanyang ama’t ina, bumabalik ang lakas ng loob niya. Hanggang sa marinig niya ang matagal niyang hinihintay na balita, “Allan, pasado ka.” Hindi niya napigilan ang luha, sabay luhod sa lupa, nagpasalamat sa Diyos.
Ngayon, isa na siyang candidate soldier. Kahit mahirap, maagang gising, pagod sa training, at madalas malayo sa pamilya, masaya siya. Kasi sa bawat pawis at hirap, alam niyang isa na siyang bahagi ng sandatahang lakas na pinapangarap niya noon pa. Sa tuwing sinusulyapan niya ang unipormeng may apelyido niya, bulong niya sa sarili, “Hindi lang ito para sa akin, para ito kina Tatay at Nanay, para sa bayan, at sa lahat ng nangangarap na di sumusuko.”