25/11/2024
ANG PAHINA HORROR STORIES PRESENTS
TITLE: BINATANG MAY MUTYA LABAN SA MGA ASWANG SA NEGROS 2
WRITER: Ythela Garcia
ART by: Bb. Keth B. Estilo
CHARACTERS
BOYET – 18/45 years old. Binatang may mutya ng saging
NANAY – 45 years old. Ina ni Boyet.
MAYA - 18 years old. Pinsan at kababata ni Boyet.
MANG NATO – 75 years old. Kaibigang albularyo ni Boyet.
AYA – 18 years old. Misteryosang dalaga.
ROBERTO – 50 years old. Mahusay na albularyong taga-Negros.
ROMEO – Binata rin at may mutya ng saging gaya ni Boyet.
LITA – 22 years old. Kapatid ni Romeo.
LOLA ni BOYET – 85 years old.
~~~
Limang buwan ang mabilis na lumipas, Sir Vic. Para makalimutan si Maya, umalis muna ako sa lugar namin. Nahihiya rin kasi ako at inuusig ng kunsensya sa twing makikita ko ang aking tiyuhin. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya na ako ang nakapatay sa anak niya. Kahit kinulit ako nang kinulit ni Nanay noon tungkol sa tunay na dahilan ng biglaan kong pag-alis, ay hindj ko inamin sa kanya ang buong katotohanan.
Tubong Negros po ang tatay ko, kaya naman naisip kong don muna ako ng ilang buwan. Isa pa, nagsuhestiyon si Mang Nato na kailangan kong tuklasin ang iba pang mga kakayahan ng mutya kong tangan.
MANG NATO: Magsanay ka, Boyet . Kahit hindi mo hanapin ang kaibigan kong albularyo na sa panaginip ko lamang nakilala at nakakausap, alam kong magtatagpo rin ang inyong mga landas.
BOYET: S-Sino, Mang Nato? At pano ko malalaman na siya na nga yon, sakaling magtagpo nga ang mga landas namin?
MANG NATO: Huwag kang mag-alala dahil mayroon akong ibibigay na palatandaan. Mayroon siyang gabay na nagngangalang Bulalakaw. Isang mahiwagang ibon, Boyet.
BOYET: Siya po ba ang tutulong sa'kin upang makabisado ko ang mga abilidad ng mutya?
MANG NATO: Oo, hijo! Alam mo, mapalad ka dahil may tangan kang mutya ng saging. Mabango ka sa mga nakapaligid sa'yo. Lahat ng maibigan mong babae ay kusang lalapit sa'yo. Pampaswerte rin yan sa negosyo at trabaho. Pampaamo at pangontra sa anumang uri ng karamdaman. Pero sana, wag mong abusuhin ang kapangyarihan ng mutya. Sige na, mag-inga ka, Boyet. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Dahil likas naman akong palakaibigan, hindi ako nahirapang makisama sa mga tao sa probinsya ni Tatay. Mababait din ang mga kamag-anak namin don, lalo na sina Lolo at Lola. Hindi naman sila mayaman pero malaki kahit simple lang ang bahay nila at may malawak na bakuran. May mga pag-aari rin silang taniman ng mga gulay at prutas at mayroong mga alagang hayop. Mas maginhawa ang buhay nila kumpara sa buhay namin ni Nanay sa Nueva Ecija.
Isang araw, habang nagpapahangin ako, ay biglang sinalakay ng matinding kaba ang dibdib ko, Sir Vic. May nakita kasi akong babaeng nakasuot ng puting bestida, na kamukhang-kamukha ni...
BOYET: (GULAT/NAMAMANGHA) M-Maya?
Akala ko talaga, namamalikmata lang ako. Nakatagilid yung babae pero halos iisa talaga ang hitsura nila ng namatay kong pinsan. Yung tindig, hugis ng katawan at haba ng buhok... kung di ko lang kababata rin si Maya, iisipin kong may kakambal siya. Nang tuluyang humarap sa gawi ko yung babae ay halos malaglag ang panga ko, Sir Vic. Dahil noon ko mas napatunayang kamukhang-kamukha talaga niya ang pinsan kong manananggal!
BOYET: (TO SELF) Pano'ng nangyari yon? Hindi kaya... buhay pa talaga si Maya?
Pero mas lalo akong nagulat nang magsimulang maglakad papalapit sa'kin yung babae. Para akong itinulos sa kinatatayuan ko nung mga oras na yon. Para akong... nahipnotismo.
AYA: (SMILE) Matagal na kitang napapansin dito. Pero ngayon lang ako nagkaron ng pagkakataong makalapit sa'yo. Gusto ko sana kitang makilala at maging... kaibigan.
Hindi agad ako nakahuma, natulala na lang ako dahil para kong kaharap at kausap si Maya.
AYA: Ah... ako nga pala si Aya. Nagbabakasyon lang din ako rito tulad mo, at sa lola rin ako tumutuloy. Anong pangalan mo?
BOYET: Ah... ako si... B-Boyet.
AYA: Boyet... parang pangalan pa lang, mabait na. Sana maging magkaibigan tayo. Wala rin kasi akong ibang kilala rito. Isa pa, mahirap magtiwala. Ewan ko nga kung bakit unang kita ko pa lang sa'yo eh magaan na ang loob ko sa'yo, Boyet.
BOYET: T-Talaga?
AYA: Oo. Kaya nga ako na mismo ang unang lumapit sa'yo. Siya nga pala, may mga alam ka bang magagandang lugar dito? Gusto ko sanang mamasyal... kasama ka.
BOYET: W-Wala pang gaano. Pero pwede naman akong magtanong sa lola ko.
AYA: Hihintayin kita dito bukas, Boyet. Alas otso ng umaga.
BOYET: Sige, Aya. Darating ako.
AYA: Mag-iingat ka...
BOYET: Ikaw din.
Hinintay ko munang makalayo si Aya, Sir Vic. Nang tuluyan na siyang di maabot ng tanaw ko, saka pa lamang ako kumilos para bumalik sa bahay nina Lola at Lolo. Hindi ako nakatulog kinagabihan. Laman pa rin ng aking isipan ang nakilala kong babae na kamukhang-kamukha ng aking pinsan. May isang bahagi ng isip ko ang parang nagsasabing wag akong magtiwala sa isang estrangherang tulad niya. Pero nasasabik din naman akong makita siya ulit kinabukasan at makasama sa pamamasyal.
Pagkatapos ng hapunan ay nagtanong ako kina Lola kung saan magandang mamasyal. Pero bago ako umalis kinabukasan ay kinausap muna ako ni Lola nang masinsinan.
LOLA: Boyet, apo. Magsabi ka nga ng totoo. Saan ka ba talaga pupunta at sinong kasama mo?
BOYET: May nakilala po kasi akong babae kahapon, La. At nagyaya po siyang mamasyal. Bakasyonista rin daw kasi siya tulad ko.
LOLA: Wag kang basta magtiwala sa mga tao rito, apo. Lalo na... sa mga babae.
BOYET: L-Lola...
LOLA: Marahil ay naamoy nila ang tangan mong mutya ng saging, at nag-aagawan sila para makuha ito sa'yo.
BOYET: (GULAT) P-Pano niyo po nalaman?
LOLA: (TAWA) Unang tuntong mo pa lang dito sa bakuran natin, alam na namin ng lolo mo ang tungkol don.
BOYET: Yung babaeng nakilala ko kahapon... kamukha po siya ni Maya, Lola.
LOLA: Hipnotismo, ilusyon. Alam nila kung anong kahinaan mo, apo. Wag ka nang tumuloy sa pupuntahan mo. Hayaan mong sila ang lumapit at sumugod dito sa teritoryo natin. Hindi ka namin pababayaan ng lolo mo.
BOYET: A-Alam niyo po ang tungkol sa sikreto ni Maya?
LOLA: Bilang unang apong babae, siya ang unang tagapagmana namin, Boyet. Pero dahil mapaglaro ang tadhana, ikaw pa ang nakapatay sa kanya. Hindi mo kasalanan, dahil hindi mo pa alam kung pa'no kontrolin ang iyong mutya. Kailangan mong mag-ingat, apo at kailangan mo ring mahanap sina Roberto at Romeo sa lalong madaling panahon!
Dahil alipin pa ako ng pagkagulat sa mga sinabi sa akin ng abuela ko ay hindi ko agad napagtuunan ng pansin ang mga binanggit niyang pangalan. Hindi ako makapaniwalang alam nila ni Lolo ang tungkol sa nangyari kay Maya at pati na rin sa aking mutya. Hindi nga ako tumuloy sa lakad ko. Maghapon din akong hindi halos lumabas ng bahay. Wala akong ganang kumain pagsapit ng hapunan at hindi rin naman ako pinilit kumain nina Lola.
Bandang alas onse ng gabi, naalimpungatan ako, Sir Vic. May narinig akong boses na tumatawag sa pangalan ko.
AYA: (CREEPY/WITH ECHO) Boyet... Boyet!
BOYET: A-Aya!
Parang wala sa sariling dali-dali akong bumangon at lumabas ng bahay. Napansin ko pa rin naman na maliwanag sa labas at pagtingala ko ay nasilayan ko ang bilog na bilog at halos kulay dugong buwan. Napasinghap ako nang marinig ko ulit ang boses ni Aya.
AYA: Bakit hindi ka sumipot sa tagpuan natin, Boyet? Hinintay kita...
BOYET: Kasi... k-kasi...
AYA: Kalimutan mo na yon. Hindi ako galit. Pwede pa naman nating ituloy ang pamamasyal ngayon, lalo pa't kabilugan ng buwan.
Maya-maya pa ay lumitaw na sa harapan ko si Aya. Matamis ang ngiting nakapaskil sa labi niya. Nang hawakan niya ako sa kamay ay kaagad akong nagpaubaya. Hindi ko na namalayan kung gaano katagal kaming naglakad at kung saan ba kami papunta, Sir Vic. Basta sunud-sunuran lang ako sa kanya nung mga oras na yon. Hanggang sa maya-maya pa ay tumigil kami sa gitna ng kaparangan. Tumingin muna sa'kin si Aya at ngumiti nang makahulugan bago siya tumingala at nakipagtitigan sa buwan. Ako naman, habang nakatitig sa kanya, ay napansin kong parang may dumadaloy na malapot na likido mula sa mga mata niya. Saka pa lang ako parang natauhan nang mapansin kong unti-unting nahahati ang katawan niya, Sir Vic.
BOYET: (GULAT) M-Manananggal? Katulad ka rin ng pinsan ko–
AYA: (WITCH VOICE) Oo, Boyet. At nandito ako para kunin ang mutya na tangan mo! (TAWA)
BOYET: Tama pala si Lola... di ka nga mapagkakatiwalaan! At ginamit mo lang ang mukha ng pinsan ko para linlangin ako!
Isang nakabibinging halakhak ang isinagot sa akin ng manananggal. Pagkatapos ay unti-unting lumitaw ang tunay nitong hitsura. Matanda, pangit at nakasusuklam na aswang. Saglit akong nakadama ng pag-aalala dahil hindi ko pa rin talaga kabisado ang mga abilidad ng aking mutya. Pero nagtiwala ako rito at sa likas na kakayahan kong makipaglaban. Oo nga pala, di ko nabanggit pa na sanay akong makipag-basag ulo noong nag-aaral pa ako ng elementarya. Madalas din akong manalo sa mga pustahan sa pakikipag-paka o bunong-braso.
Nang magsimula nang kumilos ang aswang para umatake ay inihanda ko na rin ang sarili ko. Pero nagulat ako nang biglang may umatake mula sa kung saan sa manananggal na nagpakilalang Aya. Dahil sa pagkagulat, ilang saglit akong nakatitig lang halos sa dalawang nilalang na nagsasalpukan sa'king harapan.
Galit na galit si Aya pero mas matindi ang nakikita kong galit sa isa pang nilalang, na sigurado akong manananggal din. Patuloy silang nagtagisan ng lakas hanggang sa tuluyang magapi si Aya sa labanan nila. Bumagsak siya sa lupa at bumulagta do'n ang lasog-lasog niyang pang-itaas na katawan. Nang humarap sa direksyon ko ang aswang na umatake kay Aya ay namangha ako, Sir Vic. Ang pakpak nito ay hindi nagmumula sa likod, dahil ang pakpak ng manananggal na 'yon ay ang mga kamay nito mismo. Hindi pa ako halos nakababawi sa pagkagulat nang may dumating na isa pang nilalang, Sir Vic. Sa tingin ko'y aswang din pero lalaki ito. Habang papalapit ito nang papalapit sa'min ay napansin kong mayroon itong hawak at nilalantakan. Parang... atay ng tao! Maya maya pa, bigla na lamang akong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa tuluyan nang magdilim ang paligid ko.
Nang magkamalay ako ay nagisnan ko sina Lolo at Lola. Ikinuwento nila sa'kin ang mga nangyari. Kung pa'no ako nakauwi sa bahay at kung anong kinahinatnan ng manananggal na si Aya.
LOLA: Boyet, apo. Ang mga nasaksihan mo kagabi... ako ang aswang na umatake sa gustong bumiktima sa'yo. Isa akong abat na aswang at ang lolo mo naman ay isang Iqui.
Dagdag pa ni Lola, ang mga Iqui ay uri ng manananggal na pawang mga lalaki lamang at kinakain ng mga ito ay ang mga atay at lamanloob ng mga lalaking biktima. Hindi naman na ako nagulat sa naging rebelasyon nila pero parang nakakatawa lang isipin na nagmula pala ako sa pamilyang may lahing aswang, tapos napili ako para pagkalooban ng isang pambihirang mutya.
Isang linggo makalipas ang engkwentro ko sa manananggal na si Aya, sa wakas ay nakaharap ko na rin ang kaibigang albularyo ni Mang Nato. Kilala at kaibigan din pala nina Lola at Lolo si Mang Roberto. Dahil sa kapangyarihan ng mutya ko, nakita ko rin ang gabay ng mahusay na albularyong taga Negros. Isang ibon 'yong na parang pabo, mas malaki sa agila at nag-aapoy ang buntot. Si Bulalakaw. Sobra akong namangha at naghangad bigla na magkaroon ng sarili kong gabay. Pero mas namangha ako't hindi napigilang humanga sa dalagang kasama ni Mang Roberto. Sa pakiwari ko noong una ay anak niya ito pati na rin ang isa pa niyang kasamang binata.
ROBERTO: Natutuwa akong makilala ka at makadaupang- palad, Boyet.
BOYET: Ako rin po, Mang Roberto. Paulit-ulit kayong binanggit ni Mang Nato bago ako umalis ng Nueva Ecija.
ROBERTO: Napaghandaan na namin ang lahat ng mangyayari. Nakita sa panaginip nitong anak kong babae. Hinayaan ka lang naming labanang mag-isa yung manananggal bilang una mong pagsubok sa lugar na ito.
BOYET: Tinulungan naman po ako nina Lola at Lolo.
ROBERTO: Alam kong hindi ka nila pababayaan. Oo nga pala, ang mga anak ko, Boyet. Ito si Romeo, panganay ko. May tangan din siyang mutya ng saging gaya mo. At marunong na rin siyang manggamot. At ang bunso ko naman, si Lita. Kailan lang namin nadiskubre ang kakaibang abilidad niya at natuklasan ko ring nagmula siya sa lahi ng mga babaylan. Kaya may kakayahan siyang masilip ang mga nangyari at mangyayari pa lamang.
BOYET: Kumusta, Romeo at Lita? Sa wakas, may mga makakasamana akong halos kaedad ko.
ROMEO: Mabuti naman, Boyet. Matagal na kitang gustong makilala. Ako ang tutulong sa'yo sa pagtuklas sa mga taglay na kapangyarihan ng mutya mo.
LITA: Masaya akong makilala ka, Boyet. Nararamdaman kong mabuti kang tao, gaya ng Kuya Miyong ko at Tatay Berting. Pero may bumabagabag sa puso mo. Wala kang kasalanan. Hindi mo sinasadya ang nangyari. Kaya sana, patawarin mo na ang sarili mo para makapagsimula kang muli at matiwasay na makapagpatuloy sa buhay.
BOYET: (NAIIYAK) Lita...
Parang hinaplos ang puso ko ng mga salita ni Lita. Pinigilan kong mapaiyak pero nang magtama ang mga paningin namin, nabasa ko ang kanyang simpatya at pag-unawa. Nang tanguan niya ako ay tuluyan na akong napahagulgol. Matagal ko ring dinala sa dibdib ko ang bigat ng kalooban dahil sa sinapit ng pinsan kong si Maya. Lahat sila, nung mga oras na yon, ay dinamayan ako at hindi hinusgahan. Naramdaman ko pa ang pagtapik nina Romeo, Mang Roberto at Lolo sa balikat ko. Pagkatapos kong mailabas ang sama ng loob ay gumaan nga ang pakiramdam ko.
Inimbitahan ako nina Mang Roberto sa kanyang kubo sa gitna ng sagradong bundok. Ipinasundo niya ako kay Lita na sakay naman kay Bulalakaw. Masayang-masaya ako nung mga oras na yon. Mabait si Lita. Bagama't bihira lang siyang ngumiti at parang nagungusap ang mga mata niyang madalas ay kababakasan ng lungkot. Pero nagkaroon ako ng pagkakataong masaksihan kung paanong nagliwanag ang mga mata niya nang makita ang magagandang tanawin na nadaanan namin. Napangiti ako nang lihim nang malamang masaya na pala siya kahit sa mga simpleng bagay lamang.
Simple at maliit lamang ang kubo nila pero napakalinis. Masasarap din ang nakahandang pagkain na pinagsaluhan naming apat.
LITA: Sasamahan ka namin ni Kuya Miyong sa kabilang baryo, Boyet. May kumakalat kasing parang pandemya do'n ngayon. Tulungan mo si Kuya Miyong. May abilidad ang mutya niyo na kumontra ng at magpagaling ng mga karamdaman.
BOYET: Walang problema, Lita. Basta't may maitutulong ako. Kelan ba tayo pupunta do'n?
ROBERTO: Ngayong araw din, Boyet. At yon ang ikalawang pagsubok mo. Mas makakabisado mo kung paano gamitin at kontrolin ang iyong mutya. Mag-iingat kayong tatlo. Hindi ko na kayo sasamahan. Umaasa akong iingatan at puprotektahan niyo si Lita.
BOYET: Makakaasa po kayo. Ah, Mang Roberto... maraming salamat sa tulong mo. Ninyong tatlo. Tiyak na matutuwa si Mang Nato pag umuwi akong may baong maraming kwento tungkol sa mga karanasan ko dito.
Kagaya ng plano nina Mang Roberto, ang ikalawang pagsubok ko ay naging matagumpay. Nagamot namin ang mga tao sa baryo na tinamaan ng kakaibang sakit. Pagkatapos no'n, umusal si Romeo ng mga mahiwagang salita at binalutan ng proteksyon ang buong lugar laban sa iba pang uri ng sakit at mga elemento. Nang masigurong selyado na ang buong baryo ay unalis na kaming tatlo para bumalik sa kubo. Hindi na namin tinawag ang gabay ni Mang Roberto, dahil gumamit na lang kami ng portal pabalik sa sagradong bundok.
Nalungkot ako nang matapos ang ikalawang pagsubok. Ibig sabihin kasi, kailangan ko nang bumalik sa bahay nina Lola at Lolo. Maghihintay ulit ako ng pagkakataong makita at makasama si Lita. Pero masayang-masaya naman ako nang ibalita kay Lola ang mga nangyari sa'kin kasama sina Romeo.
LOLA: Maghanda ka, apo. Sa ikatlong pagsubok, baka malalakas na nilalang na ang makaharap niyo. Maaaring ibang uri ng aswang o di kaya ay engkanto. Ang nasisiguro ko lang, higit na malakas ang mga yon kesa sa lahi namin ng lolo mo.
Sa halip na matakot, mas nakaramdam pa ako ng pagkasabik sa mga sinabi ng abuela ko. Kahit papa'no kasi ay kaya ko nang kontrolin ang mutya ko. Pero naghahangad din akong makakuha ng iba pang mutya, lalo na sa mga makakalaban ko. Pero bago yon, babalik muna ako sa kubo nina Mang Roberto. Gusto kong maging tulad nila ni Romeo...mga mahuhusay na albularyo.
ITUTULOY...