14/09/2024
Mahiwagang Pagsinta
chapter 2
Pagsapit ng umaga, mabangong amoy ng bagong lutong isda ang gumising sa dalawa.
Maria: Bumangon na kayo at mag agahan. May dala akong inihaw na isda upang inyong pagsaluhan.
Gary: Nagbalik ka binibini. Salamat sa iyong dala. Napakabuti mo sa amin. Pero bakit mo nga ba kami tinutulungan?
Maria: Sapagkat alam kong nararapat para sa inyong angkan ang bulaklak. Malaki ang kasalanan ng aming tribo kung kayat hayaan ninyo akong makabawi. Ituturo ko sa inyo ang pinakamabilis at ligtas na daan upang makarating kayo agad sa dulo ng gubat kung saan nyo matatanaw ang aming isla. Hanggang dun lang ang aking makakaya mga ginoo.
Gary: Maraming salamat binibini. Malaking tulong na sa amin iyon.
Saluhan mo na kaming kumain...
Agad namang naghanda ang magkaibigan matapos mag-agahan upang magpatuloy sa paglalakad. Tinahak nila ang daan kasama si Maria. Sa paglalakad ay naging masinsinan ang pag-uusap ni Gary at Maria. Unti-unti nilang kinikilala ang isa't-isa. Sa di-malamang dahilan ay nakaramdam ng kakaiba si Gary. Animoy may kung anung kuryente ang dumadaloy sa kanyang katawan dahilan kung bakit hindi niya mapigilang ngumiti habang kausap ang dalaga. Hindi rin siya mapakali dahil parang may mga paru-parong nagliliparan sa kanyang tiyan. "Ako ba'y nagugutom o tinatawag ng kalikasan? " tanong ni Gary sa sarili. "Ano itong aking nararamdaman?" dagdag pa niya na may halong pagtataka.
Sa kalibangan ay hindi nila napansin na nakarating na sila sa dulo ng gubat.
Maria: Narito na tayo. Hanggang dito ko na lang kayo masasamahan. Mag-iingat kayo at sana magkita tayong muli.
Gary: Maraming salamat sa'yo binibini. Pangako kong iingatan ang sarili upang masilayan kang muli.
Maria: Aasahan ko yan ginoo. Ako'y hahayo na at babalik sa aming tribo.
Habang papalayo si Maria ay hindi maalis ni Gary ang mga mata sa dalaga hanggang sa ito'y maglaho na sa kanyang paningin.
Gary: Napakaganda niya.
Poldo: Pansin kong may gusto ka sa kanya kaibigan. Parang ayaw mo na siyang hiwalayan.
Gary: Ganun nga sana ang nais ko. Ngunit hindi maaari. Umiibig na ata ako sa kanya.
Poldo: Kalimutan mo na yan. Ang isipin natin ngayon ay kung paano tayo makakapunta sa isla gayong napakataas ng ating kinaroroonan.
Gary: Huwag kang mabahala Poldo, tatawagin ko ang ating kaibigan.
Ikinumpas ni Gary ng tatlong beses ang hawak na baston at nagsambit ng kakaibang salita kasabay nito upang makalikha ng malaking ibon. At bigla ngang lumitaw mula sa mga ulap ang isang malaki at makulay na ibon.
Poldo: paano mo nagawa iyan kaibigan? Gayong wala na satin ang bulaklak
Gary: may konting katas pa ng bulaklak sa aking baston at ito ang aking ginamit upang malikha siya. Tignan mo, hindi ba't napakaganda niya. Tara na at sumakay.
Kaibigang ibon, lumapit ka at kami'y pasakayin mo't ihatid sa islang iyon.
Agad namang lumapit ang ibon at dumapo sa kanilang tabi. Agad ding sumakay ang dalawa upang makarating sa isla. Nang sila'y papalapit na, napansin nilang maraming bantay sa daungan ng isla kung kaya't hindi muna sila lumapit ng husto. Inutusan ni Gary ang ibon na umikot-ikot muna sila mula sa malayo at magmasid-masid. Hanggang sa mapansin nila ang likod na bahagi ng isla na may malalaking bato. Napagpasyahan nila na doon na lang bumaba at doon nga lumapag ang ibong sinasakyan nila na agad din naglaho matapos nilang makababa. Dali-dali silang nagtago sa mga bato at tahimik na bumaybay patungo sa tribo. Mula sa isang bato na kanilang pinagtaguan ay napansin nilang abala ang ibang miyembro ng tribo sa paghahanda. "tila ba may gaganapin silang piging sa araw na ito" ani Gary. Madaming pagkain ang nakalatag sa lamesang gawa sa hinating katawan ng puno ng tribo. "tayo na at magpatuloy habang abala ang lahat" wika ni poldo sa kaibigan.
At dahan-dahan nga silang nagpatuloy upang mahanap ang bulaklak.
Ngunit hindi pa man sila nakakalapit, ay isang matulis na bagay ang dumampi sa kanilang likuran. Kasabay ang galit at sumisigaw na tanong, "sino kayo? At anong pakay niyo dito!?" sa pagharap nila ay dalawang miyembro ng tribong Acidni ang bumungad sa kanila habang nakatutok ang dalang sibat ng mga ito.
"Nandito kami para sa aming bulaklak na ninakaw niyo!" matikas na tugon ni Gary sa tiga tribo.
"Kung ganon mula kayo sa angkan ng Avitas. Hahahaha sige sumama kayo samin" wika ng tiga tribong animoy sabik na saktan ang dalawa.
Dinala sila Gary at Poldo sa pinuno ng tribong si Gonza.
"Pinunong Gonza, natagpuan namin ang dalawang ito na nagmamatyag mula sa mga batuhan. Mula sila sa angkan ng Avitas. Pakay daw nila ang kanilang bulaklak" sabi ng tiga tribong nakahuli sa magkaibigan.
"Malalakas ang loob niyo at nagawa ninyong pumarito na kayo lamang. Akala niyo ba'y magtatagumpay kayo? Hahaha sa amin na ang bulaklak!, maging ang mga buhay n'yo! Hahaha" p**a ni Gonza kina Gary. "Kahit anong mangyari, mababawi namin ang bulaklak 'pagkat yan ay para lang sa aming angkan! " galit na sagot ni Gary. "Nagbibiro ka ba binata? Bihag na namin kayo at kahit ngayon ay pwede kong tapusin ang mga buhay n'yo! Ngunit ayaw naming mabahiran ng dugo ang aming pagdiriwang kaya bukas sa pagsikat ng araw ay lulubog ito agad para sa inyong dalawa hahahaha! " matapang na banta ni Gonza sa binata.
"Sige, igapos sila at ikulong!" galit pang utos ni Gonza sa kanyang alagad.
At dinala nga sila Gary sa isang hawlang gawa sa kawayan na pinalilibutan ng nakalalasong mga tinik. Malakas silang itinulak papasok sa loob ng hawla dahilan kung bakit halos pagapang silang nakapasok dito. Pahirapan silang makaupo dahil sa ang mga kamay at paa nila'y nakagapos. Nang sila'y makaupo sa gitna ng hawla 'pagkat di sila maaaring sumandal sa gilid nito, inisip agad nila kung papaano sila makakalabas mula rito.
Poldo: Ano na'ng gagawin natin ngayon Gary? Mukang eto na ang ating katapusan.
Gary: Huwag kang mawalan ng pag-asa. Makakalabas din tayo dito. Sa ngayon ay magpahinga muna tayo upang magkaroon tayo ng lakas at makapag-isip ng maayos.
Poldo: Nagugutom ako, tawagin mo yung kasintahan mo at magpadala ka ulit ng inihaw na isda hehehehe.
Gary: Ah, aking giliw, maaari bang dalan mo kami ng makakain dito at ng maiinom..
(pabirong mahinang sigaw ni Gary na nakalingon kung saan)
Poldo: Hahaha umaasa ka talagang maangyayari yan? Sige sulitin mo na ang pangangarap hahaha at bukas ay magpapaalam ka na sa iyong irog hahaha
Gary: Tignan mo ikaw, hindi ba't ikaw ang siyang nag-utos sa akin? Tapos tatawanan mo lamang ako. Sana nga'y mangyari yon kahit man lang sa mga huling sandali ng buhay ko.
Sa gitna ng kanilang biruan ay di naiwasang malungkot ni Gary.,
Batid niyang umiibig siya sa binibini. At alam din niyang wala itong patutunguhan kung hindi sila makakatakas.
"Bakit ganon ang kapalaran? Ang panahon na aking naranasang umibig ay ang panahon din na mararanasan kong mabigo." nagdadalamhating tanong ni Gary sa sarili.
Habang nakatulala ang magkaibigan, isang tunog ang dumaan sa kanilang mga tenga. Tunog ng isang instrumentong gawa sa kawayan. Sinundan ito ng masiglang dagundong ng tambol. Hudyat na magsisimula na ang pagdiriwang ng tribo.
Sinimulan nila ito ng isang ritwal bilang pasasalamat sa pagkakakuha nila sa bulaklak. Matapos ito, inilapit ni Mordok ang isang ispesyal na sulo sa harap ni Gonza. Agad naman inilagay ni Gonza ang hinimay niyang mga talululot ng berdeng bulaklak. Kasunod nito ang paglabas ng berdeng usok mula sa bulaklak. Inikot ni Mordok ang sulo sa kanyang mga ka-tribo at sabay-sabay nilang inangkin ang hiwagang dala nito. Mababakas sa mukha ng bawat isa ang ligayang nadarama. Muling bumalik ang sigla ng kanilang tribo. Marahan naman nilang pinagsaluhan ang munting handa sa mesa at nagpahinga pagkatapos.
Ilang saglit pa'y muli na namang tumunog ang kanilang mga instrumento at nagsimula na silang magsayawan, kantahan, tawanan. Animoy nasa ulap ang lahat sa sobrang galak. Paulit-ulit ang lagay ni Gonza ng bulaklak sa sulo, kasunod ang pag-iikot ni Mordok dala ito. Inabot na sila ng dilim at unti-unti na silang nakadama ng sobrang antok.Dahan-dahan silang umupo sa sahig, sinundan ng paghiga at diretsong nakatulog ng mahimbing ang bawat isa. Tumahimik ang paligid na animoy walang tao sa lugar na iyon. Senyales ng isang pagkakataong makatakas…