09/01/2025
"IGLESIA NI CRISTO: NATIONAL RALLY FOR PEACE, JANUARY 13, 2025"
Ang malawakang pagkilos ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa darating na Enero 13, 2025, na pinamagatang National Rally for Peace, ay naglalayong hikayatin ang mamamayang Pilipino, pati na ang mga namumuno, na magkaisa para sa kapayapaan.
Sa halip na mag-away-away at magka-watak-watak ang mga Pilipino, layunin ng Iglesia Ni Cristo na pagkaisahin ang lahat upang mabigyan ng atensiyon ng pamahalaan ang higit na mahalagang problema ng bansa kagaya ng taggutom, laganap na kahirapan, mataas na bilihin, kawalan ng matatag na hanapbuhay, mababang sahod, malawakang epekto ng mga kalamidad, hidwaan patungkol sa isyu ng agawan ng territoryo, mga karahasan, paglaganap ng ipinagbabawal na gamot o droga at marami pang krimen na nakakaapikto hindi lamang sa ordinaryong Pilipino kundi lalo na sa paglago ng bansa.
Ang hakbang na ito ng Iglesia Ni Cristo para sa akin ay hindi naglalayong pangunahan ang pamahalaan bagkus ay upang magising ang mga kinauukulan na atupagin kung paano masulosyunan ang nasabing mga problema kaysa nakatuon lamang ang kanilang atensiyon sa iisang tao o pamilya.
Maraming problema ang bansa na dapat paglaan ng pansin at panahon ng pamahalaan at bilang mamamayan at botante ay may karapatan ang INC na ipaabot ang kanilang mga hinaing at mga sentimento. Hindi po nakakatuwang tingnan ang kasalukuyang nangyayari sa ating Bansa. Marami po sa mga Pilipino ang galit at nagtatanong kung bakit ba ito nangyari sa Pilipinas. Sana maalala ng mga nanunungkulan na wala kayo sa inyong posisyon kung hindi dahil sa mga taong nagtiwala at naniniwala sa inyo.
Nasa matinding krisis ang bansa natin kaya ang solusyon ay hindi sa pamamagitan ng pagka kampi-kampi, watak-watak, walang katapusang awayan, alitan at hidwaan. Hindi ito epiktibong solusyon manapa ay mas lalo lang itong lalala at hahantong sa kaguluhan, awayan at hindi pagkakasundo.
Hindi kaila na sa buong mundo at sa lahat ng masasabi nating organisasyong nakatatag ay wala na sigurong makakatalo o mauungosan man lang ng bahagyang porsiyento ang Iglesia Ni Cristo kapag ang pinag-uusapan ay pagkakaisa. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit? Sapagkat, ay natutupad lamang ang pangako ng Diyos sa Kanyang bayan at ang pagsunod sa Kanyang kaloobang magkaisa na siya namang sinusunod ng mga Iglesia Ni Cristo.
Ang opinyon ng Pangulong Bongbong Marcos na huwag ipa-impeach ang Pangalawang Pangulo Inday Sarah Duterte sa halip ay unahin ang mas malalaki at pangunahing problema na kinakaharap ng bansa ay siya namang sinusupotahan ng INC sa malawakang pagkilos na ito. Kaya wala sana na sinumang nasa kapangyarihan at mga nasa alagad ng batas ang mangahas at gagamit ng dahas upang supilin ang ganitong mga pagkilos ay sapagkat para bagang lumalabas na ang inyong kinalaban ay ang inyong commander-in-chief o ang Presidente.
BAKIT ANG ISASAGAWANG RALLY NG IGLESIA NI CRISTO NGAYONG ENERO 13, 2025 AY BUKAS PARA SA LAHAT NG GUSTONG SUMAMA?
Ang pagkilos na ito sa darating na Enero 13 taong kasalukuyan ay open sa lahat mapa-INC man o hindi ay sapagkat ang pagkilos na ito ay para sa kapayapaan ng bansa at pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung ikaw bilang isang mamamayan na ang adhikain mo ay para sa kapayapaan ng bansa at pagkakaisa ng mga Pilipino ay kaisa ka sa aming pagkilos na ito. Subalit, kung ikaw bilang isang social media influencer ay ayaw mo ng kapayapaan manapa ay ikaw pa mismo ang nagpapakalat ng kasinungalingan at humihimok sa iba na magkawatak-watak at mag away-away ang mga Pilipino ay hindi ka imbitado sa ganitong mga pagkilos, manatili kayo sa bahay ninyo. Kaya sa mga taong ang layon ay manggulo sa kaisahang ito ng INC ay huwag na ninyong balakin ni subokan dahil mabibigo lang kayo in fact, ay ikakasama lamang ninyo.
BAKIT NAPAKATIBAY NG PANININDIGAN NG MGA IGLESIA NI CRISTO SA LAYUNING PAGKAKAISA AT KAPAYAPAAN, ITO BA'Y MAY MAGANDANG MAIDUDULOT SA BANSA?
Ang sagot ay Opo. Wala naman sigurong lider ng bansa o mga nangunguna na kaya sila nagtagumpay at nakamit ang kanilang minimithi ay sapagkat ang kaniyang mga nasasakupan ay magulo, kanya-kanya at nag aaway-away sa halip ang lahat ng ito ay nagsisimula sa pagkakaisa at mapayapang ugnayan.
Kaya kung bakit napakatibay ang paninindigan ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa layuning pagkakaisa at kapayapaan ay sapagkat nakaugat ito sa aming pananampalatayang nakabatay sa kung ano ang nakasulat sa Biblia. Ang pagkakaisa sa INC ay itinataguyod hindi lamang bilang prinsipyo ng mga kaanib, kundi sapagkat ito talaga ang utos at kalooban ng Diyos.
MGA TALATA NG BIBLIA NA NAGTUTURO AT NAGUUTOS TUNGKOL SA PAGKAKAISA AYON SA KALOOBAN NG DIYOS AT NI CRISTO.
➡️ Pagkakaisa sa layunin, pag-iisip at pananampalataya:
1 Corinto 1:10
"Mga kapatid, ipinapakiusap ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na magkaisa kayo sa inyong sinasabi, at huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa inyo; bagkus, kayo'y magkaisa sa iisang pag-iisip at layunin."
Efeso 4:3-6
"Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa ang katawan at iisa ang Espiritu, tulad ng pagkatawag sa inyo sa iisang pag-asa ng inyong pagkatawag; iisa ang Panginoon, iisa ang pananampalataya, iisa ang bautismo; iisa ang Diyos at Ama ng lahat, na siyang sumasaibabaw sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat."
➡️ Pagkakaisa ng mga alagad kahayagan na ang Diyos at si Cristo ay nagkakaisa:
Juan 17:20-23
"Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Ama, tulad ng ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, nawa'y sila'y sumaatin upang ang sanlibutan ay maniwalang ikaw ang nagsugo sa akin. Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, tulad ng tayo ay iisa."
Mga Gawa 4:32
"Ang lahat ng sumasampalataya ay nagkakaisa sa puso at isipan; hindi nila itinuring na sarili ang kanilang mga ari-arian, kundi para sa lahat ang kanilang tinatangkilik."
➡️ Ang Pagpapanatili ng Pagkakaisa ay Nagdudulot ng Kapayapaan:
Roma 12:16
"Mamuhay kayong may pagkakasundo. Huwag kayong magmataas kundi makisama kayo sa mababang uri ng tao. Huwag kayong maging marunong sa inyong sariling paningin."
Filipos 2:2-3
"Lubusin ninyo ang aking kagalakan sa pamamagitan ng pagiging magkakaisa sa pag-iisip, magkakaisa sa pag-ibig, nagkakaisa sa espiritu, at may iisang layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o kayabangan. Sa halip, magpakababa kayo at ituring ang iba na higit na mabuti kaysa sa inyong sarili."
➡️ Kung walang Pag-ibig ay walang Pagkakaisa:
Colosas 3:14
"At higit sa lahat ng mga bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, na siyang nagbubuklod sa lahat tungo sa ganap na pagkakaisa."
➡️ Magkaisa sa Pagbibigay Luwalhati sa Diyos:
Awit 133:1
"Napakabuti at napakasaya kapag ang magkakapatid ay nagkakaisa."
Roma 15:5-6
"Nawa'y pagkalooban kayo ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan upang kayo'y magkaisa sa pag-iisip ayon kay Cristo Jesus, upang sama-sama kayong magpuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo."
➡️ Hindi Magagawa ang Kalooban ng Diyos kung walang Pagkakaisa:
1 Corinto 12:12-13
"Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa ngunit maraming bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagamat marami, ay bumubuo ng isang katawan, gayundin naman si Cristo. Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat upang maging isang katawan."
Ang mga talatang ito ay malinaw na nagtuturo ng kahalagahan ng pagkakaisa sa pananampalataya, layunin, at pamumuhay bilang mga tagasunod ni Cristo at ng Diyos. Ang pagkakaisa ay kalooban ng Diyos kung kaya Siya ay nadudulotan ng kaluwalhatian kapag ito'y ating sinunod. Kapag walang pagkakaisa ay hindi malulugod ang Diyos.
DAHIL SA KAISAHAN NG IGLESIA NI CRISTO (INC), ANO NAMAN ANG MAGANDANG MAIDUDULOT NITO SA BANSA?
➡️ Pagpapalaganap ng Disiplina at Pagkakaisa:
Ang disiplina ng mga miyembro ng INC ay maaaring magsilbing halimbawa sa lahat na kung paanong pinapagtagumpay ang Iglesia Ni Cristo sa kabuohan ay hindi possibling mangyari kapag ang mamamayan ay nagkakaisa at tulong-tulong para makamtan ang tagumpay na minimithi.
➡️ Pagtulong sa Komunidad:
Dahil sa pagkakaisa ng INC ay aktibo itong nakikilahok kagaya ng mga programang pangkawanggawa "Ang Lingap sa Mamamayan." Ito ay naglalayong tumutulong sa mga nangangailangan, pagbibigay ng serbisyong medikal, at nagbabahagi ng pagkain. Ang ganitong inisyatibo ng Pamamahala ng INC ay direktang pinakikinabangan ng mga mahihirap na sektor ng ating lipunan at nakakatulong sa mga mamamayan upang ipaabot ang dagliang tulong at pangangailangan.
➡️ Law Abiding Citizen:
Dahil sa pagpapahalaga na mapanatili ang kapayapaan ang INC ay tinaguriang mga taong law abiding citizen. Sila ay mga taong hindi mahilig sa gulo manapa ay mas nakikilala sila sa gawang paglilingkod sa kanilang simbahan o sa madaling sabi sila ang mga taong palasamba. Mas naisin pa ng mga taong ito na mamalagi sa mga pagsamba kaysa makisali sa mga kaguluhan at bangayan. Kung kaya ang mga kaanib nito ay nakakatulong sa pagbabawas ng mga sigalot at krimen sa lipunan.
➡️ Pagtutulungan para sa Kaunlaran:
Ang ganitong kaisahan at mga pagkilos na isasagawa ng Iglesia Ni Cristo sa darating Enero 13 taong kasaluhuyan ay isang matibay na halimbawa upang ipahayag na ang INC ay kaisa sa layuning mapabuti ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaisa at mapayapang pamumuhay.
Sa kabuuan, ang prinsipyong ito ng pagkakaisa at kapayapaan ay magdudulot ng positibong epekto hindi lamang sa Iglesia Ni Cristo kundi lalo na sa ating Bansa. Dahil sa kapayapaan ay mas darami pa ang mga negosyanteng dayuhan na magkaka interes na mamumuhunan sa Pilipinas at dahil dito ay darami ang magkakaroon ng trabaho, mababawasan ang kahirapan at kung magkagayo'y lalago ang ekonomiya. Ngayon, kung kayo ang papipiliin saan ang gusto ninyo doon ba sa mapayapa at nagkakaisa o doon sa nag aaway-away at watak-watak na mamamayan?
Vincent Bernal