22/07/2023
Huminto ka muna.
Huwag mong kalimutang magpasalamat sa Diyos kung anong meron ka ngayon.🙏
💗💗Sabi ng Diyos, “Ang mga butil, mga prutas at mga gulay, at ang lahat ng uri ng mga nuwes—lahat ng ito ay mga pagkaing walang karne. Nagtataglay ang mga ito ng sapat na mga sustansiya upang masapatan ang mga pangangailangan ng katawan ng tao, bagaman mga pagkaing walang karne ang mga ito. Gayunpaman, hindi sinabi ng Diyos na: ‘Ito lang ang mga pagkaing ibibigay Ko sa sangkatauhan. Hayaan silang kainin ang mga bagay na ito lamang!’ Hindi tumigil ang Diyos doon, bagkus ay nagpatuloy upang maghanda para sa sangkatauhan ng marami pang pagkain na lalo pang mas masasarap. Ano ang mga pagkaing ito? Ito ang iba’t ibang uri ng karne at isda na nakikita at nakakain ng karamihan sa inyo. Naghanda Siya para sa tao ng maraming-maraming uri ng karne at isda. Nabubuhay sa tubig ang mga isda, at ang karne ng isda ng tubig ay iba sa substansiya ng karne ng mga hayop na naninirahan sa lupa, at makapagbibigay ang mga ito ng iba’t ibang sustansiya sa tao. May mga katangian din ang isda na makapagsasaayos ng lamig at init sa katawan ng tao, na lubos na kapaki-pakinabang sa tao. Nguni’t hindi dapat kainin nang sobra-sobra ang masasarap na pagkain. Tulad ng nasabi Ko na, ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang tamang dami sa tamang oras, upang maayos na matamasa ng mga tao ang Kanyang pagkakaloob sa normal na paraan at alinsunod sa panahon at oras. Ngayon, anong uri ng mga pagkain ang kabilang sa kategorya ng manukan? Manok, pugo, kalapati, at marami pang iba. Maraming tao ang kumakain rin ng itik at gansa. Bagaman ibinigay na ng Diyos ang lahat ng uring ito ng karne, gumawa Siya ng ilang kahilingan sa Kanyang hinirang na mga tao at naglagay ng tiyak na mga limitasyon sa kanilang diyeta noong Kapanahunan ng Kautusan. Sa kasalukuyan, ayon sa indibiduwal na panlasa at personal na pagpapakahulugan ang mga limitasyong ito. Nagbibigay ang iba’t ibang karneng ito ng magkakaibang sustansiya sa katawan ng tao, pinapalitang muli ang protina at iron, pinagyayaman ang dugo, pinatitibay ang mga kalamnan at ang mga buto, at pinalalakas ang katawan. Paano man lutuin at kainin ng mga tao ang mga ito, makatutulong ang mga karneng ito na mapabuti ang lasa ng kanilang pagkain at mapalakas ang kanilang gana, habang pinasisiyahan din ang kanilang mga sikmura. Ang pinakamahalaga, kayang tustusan ng mga pagkaing ito ang pang-araw-araw na pangangailangan sa nutrisyon ng katawang ng tao. Ito ang pagsasaalang-alang ng Diyos nang inihanda Niya ang pagkain para sa sangkatauhan. May mga gulay, may karne—hindi ba ito kasaganaan? Subali’t dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang intensyon ng Diyos nang inihanda Niya ang lahat ng pagkain para sa sangkatauhan. Ito ba ay upang magpakalabis ang sangkatauhan sa mga pagkaing ito? Ano ang nangyayari kapag nasadlak ang tao sa pagtatangkang mapasiyahan ang materyal na mga pagnanasang ito? Hindi ba siya nagiging sobra sa kain? Hindi ba nagpapahirap sa katawan ng tao sa maraming paraan ang labis na pagkain? (Oo.) Iyon ang dahilan kung bakit binabaha-bahagi ng Diyos ang tamang dami sa tamang oras at pinatatamasa sa mga tao ang iba’t ibang pagkain alinsunod sa iba’t ibang takdang oras at panahon. Halimbawa, matapos ang napakainit na tag-init, naiipon ng mga tao ang sobrang init sa kanilang mga katawan, pati na rin ang patohenikong pagkatuyo at pamamasa. Kapag dumating ang taglagas, maraming uri ng prutas ang nahihinog, at kapag kumain ang mga tao ng mga prutas na ito, napaaalis ang pamamasa sa kanilang mga katawan. Sa panahong ito, lumaki na ring malalakas ang mga baka at tupa, kaya ito ay kung kailan dapat kumain ang mga tao ng mas maraming karne bilang pagkain. Sa pagkain ng iba’t ibang uri ng karne, nagkakamit ng enerhiya at init ang mga katawan ng mga tao upang tulungan silang makayanan ang lamig ng taglamig, at bilang resulta ay nakakayanan nilang malampasan ang taglamig nang ligtas at malusog. Nang may buong ingat at katiyakan, kinokontrol at isinasaayos ng Diyos kung ano ang ibibigay sa sangkatauhan, at kung kailan; at kung kailan Niya palalaguin, pabubungahin, at pahihinugin ang iba’t ibang bagay. Nauugnay ito sa ‘Paano inihahanda ng Diyos ang pagkaing kailangan ng tao sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.’