17/10/2023
"Kung hihiling akong muli"
Kung muli akong babalik sa pagkabata,
At muling tatanungin kung ano'ng gusto kong maging pagtanda,
Hindi ko na hihilingin pang maging marangya.
Pipiliin ko na lang na maging masaya at payapa.
Kung hihiling akong muli kay Bathala,
O sa buwan at mga tala,
Hihilingin kong ako ay ihanda—
sa malupit na mundo na hindi marunong maawa.
Kung sa langit ay muli akong titingala,
Hindi ko na bibigkasin pa ang mga sana.
Kung muli man akong mangangarap ay hindi na kasing taas ng mga ibong malaya.
Dahil alam kong hindi naman laging sasang-ayon sa'kin ang tadhana.
Kung bibigyan ako ng pagkakataong ibalik ang mga oras na nawala,
Hindi ko na muling mamadaliin ang aking pagtanda.
Lalasapin ko ang mga panahong ako'y malaya.
Ang malakas na halakhak ay hindi na muling ikakahiya.
Hindi na muling magrereklamo kung patulugin man ako sa hapon ni ina.
Dahil alam kong darating ang araw na gigisingin ako ng patong-patong na problema.
Magtatampisaw sa ulan ng walang sawa.
Dahil alam kong darating ang araw na maliligo na lang sa ulan upang maitago ang mga luha.
Kung alam ko lang na hindi ko maipapanalo ang mga bagay na itinaya,
Kung alam ko lang na ibabagsak lang din ako ng paulit-ulit sa lupa,
Kung ang bawat sakripisyo ko ay hindi rin naman pala magbubunga,
Ako'y bibitaw na lamang at hindi na muling susubok pa.