16/04/2020
"Sumunod Ka"
Binibining Ayom
Huwag mo nang subukan pang magreklamo
Hindi ka ikinukulong na parang preso
O minamatyagan kahit wala namang kaso
Tinitiyak lamang nilang mabuti ang lagay mo.
Nasubukan mo na bang magtanong-tanong
O tila ba ang dila mo'y napapaurong
Bat hindi mo kaya piliting maisulong
Upang maihayag ang itinatago mong sumpong.
Ang masamang reklamo'y hindi na kailangan pa
Ngunit ang tanong ay tatanggapin ng kusa
Sila'y hindi na rin nga magkandaugaga
Kaligtasan nati'y sila itong nangangasiwa.
Hindi mo man lamang ba nakikita
Ang mundo'y nababalot ng pangamba
Ngunit ika'y patuloy lamang sa pagdada
Anong rason? Ang manira ng iyong kapwa?
Oo, tayong lahat ay may mga karapatan
Ngunit may limitasyon iyon kamahalan
Ang iyong mga mata'y tila makasalanan
Ang tanging natatanaw ay puro kasamaan.
Lahat tayo'y may kani-kaniyang kaharian
Ngunit ang iba'y sadyang napagkaitan
Umaasa lamang sa tulong ng mga banyaga
Naiisip mo man lang ba itong mga maralita?
Sinasabi ko sa'yo kaibigan, Sumunod Ka!
Pagrereklamo'y iwaglit sa iyong diwa
Isipin mo ang halaga ng kanilang serbisyo
Na di mo makikita kung mata mo'y nakasarado.