16/10/2022
Isang Sulyap
sa Buhay at Pangarap
ni Atty. Polly Soguilon
Ipinanganak noong ika-9 ng Pebrero 1953 sa Socorro, Oriental Mindoro, sa mag-asawang Servillano Marteja Comia at Estelita Elliosida Almaria. Isang magsasaka ang kanyang ama na tubong Tiaong, probinsiya ng Quezon at isang manggagawa sa pabrika sa Tiaong, Quezon ang kanyang ina. Lumipat silang mag-asawa sa Oriental Mindoro upang makipagsapalaran para sa mas masaganang pamumuhay. Ipinagpatuloy ng kanyang ama ang pagsasaka. Tuwing Linggo naman, namamasada siya ng kalesa upang dalhin ang mga tao mula sa baryo patungo sa pamilihang bayan at pabalik.
Hindi na bago sa kanya ang kahirapan. Mulat siya sa mga sakripisyo ng kanyang ina mula pagbangon ng maaga upang kumuha ng mga isda sa karatig na bayan upang ilako sa kanilang lugar hanggang sa pag-aalaga ng kanilang tanimang gulay upang mayroong maibenta sa bangketa β para sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Sa kanyang ina rin napulot ang paniniwalang βKung ang tao ay walang pinag-aralan, siya ay may mata pero di siya nakakakita, siya ay may tenga pero di siya nakakarinig, at siya ay may bibig pero di siya nakakapagsalita.β
Noong siya ay lumisan patungong Maynila upang magpatuloy sa pag-aaral, dala-dala niya ang ginintuang payo ng kanyang ina, βmaging mapagpakumbaba, mabuti, matapat, matulungin, maging mapagbigay sa mga kapus-palad, manalig at manatiling may takot sa Diyosβ. Ganun din ang kanyang payo sa kanyang mga anak.
Nagtapos siya ng Bachelor of Arts major in Political Science with minor in International Relations, Diplomacy, and Correspondence sa Manuel Luis Quezon University (MLQU). Nagtapos din siya ng Abogasya sa naturang unibersidad.
Matapos niyang matagumpay na maipasa ang Bar Examinations, napasama siya sa ibaβt ibang law offices katulad ng Allarde Law Office, at Tumangan Loredo de Guzman and Ocampo Law Office. Noong 1979, nagsilbi siya sa gobyerno bilang Hearing Commissioner (na may ranggo na Deputy Clerk of Court) ng Juvenile and Domestic Relations Court (JDRC) sa lungsod ng Quezon na pinamumunuan noon ng dating Justice Leonor Inez Luciano. Noong 1981, siya ay nagsilbi sa Korte Suprema bilang staff ng dating Supreme Court Justice Vicente Ericta. Mula 1983 hanggang 1986, nagpatuloy siyang magsilbi sa Korte Suprema bilang Court Confidential Attorney ng dating Supreme Court Justice Lorenzo Relova. Mula 1986 hanggang 1989, siya ay naging aktibo bilang isang pribadong abogado, ngunit noong 1990 muli syang inimbitahan ng dating Supreme Court Justice Lorenzo Relova upang maging bahagi ng Judicial and Bar Council (JBC). Nagpatuloy syang magsilbi ng dalawang taon hanggang 1992 bago siya muling bumalik sa pagiging pribadong abogado.
Nang maisakatuparan niya ang pangarap ng kanyang ina, at makamit niya ang nais niya sa buhay, pansamantala siyang nagpahinga sa pag- aabogasya at nagsimulang makihalubilo sa mga ibaβt ibang tao. Siya ay nakarating sa Zamboanga at Sulu, at nagkaroon ng pagkakataong maranasan ang masalimoot na lagay ng isang pampublikong ospital na wala ni isang gamot para sa kirot. Naranasan din niya ang pamumuhay ng mga kapatid nating Muslim na pinagkakaitan ng mahimbing na tulog sa gabi, na laging handang lumikas, at laging takot na baka maipit sa giyera ng mga M**F o MNLF at ng militar, na itoβy maari namang matuldukan kung sana ay may malasakit sa kanila at pinagtutuunan sila ng pansin ng mga lider ng bansa.
Pangarap niya ang mas magandang buhay para sa bawat Pilipino. At sa tulong ng Diyos at ng mga mamamayan, siya ay lubos na naniniwala na ang mga suliranin ng bansa patungkol sa ekonomiya, lipunan, at pulitika ay maiaayos sa loob lamang ng dalawang taon, kung siya lamang ay mabibigyan ng pagkakataon na maipatupad ang mga panukala niyang solusyon na kanyang inilathala.
Ang kanyang talambuhay ang patunay sa pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa kapwa, at masigasig na pagkamit ng mga pangarap sa buhay.
At dahil dito, nananawagan siya sa sambayanang Pilipino na magkapit-bisig at magtulong-tulong upang isulong ang ating bansa tungo sa kaunlaran, hindi lamang sa dati nitong kinang kundi sa pagiging βpinaka-maunlad sa lahat ng bansa.β