31/01/2024
Akala ng iba kapag sinabing nagpapa-breastfeed ka, hayahay ang buhay. Ang akala nila porke breastfed ang baby, napakadali na ng lahat. Ang hindi nila alam may mga sakripisyo din na ginagawa ang mga inang nagpapasuso.
Una sa lahat, kapag nagpapa-breastfeed, limitado ang galaw ng mga mommies lalong lalo na kapag nasa growth spurt stage ang mga bata. Ano po ba ang growth spurt? Yun yung stage kung kailan ang baby ay laging umiiyak, laging dumedede, at laging nagpapakarga.
Ikalawa, kapag nagpapa-breastfeed ang isang ina, halos kasama ang bata sa lahat ng ginagawa nya. Habang kumakain, sumususo ang bata. Habang naliligo, yung ibang walang mapag-iwanan sa bata, sinusundan ng mga bata hanggang sa labas ng pinto ng banyo. Habang naglilinis, nagluluto, at naglalaba, bitbit pa rin ang bata.
Ikatlo, maraming pagkakataon na nagpipigil ang nanay sa pag-ihi at pagdumi. Kahit gustong gusto nang umihi at dumumi, di pa rin magawa dahil nakapasak ang bibig ni baby sa dede ni mommy kaya ang nangyayari, pigil to the max si mommy.
Ikaapat, kapag nagpapa-breastfeed si mommy, tinitiis nalang na makalat ang bahay dahil hindi maiwan si baby. Bukod dyan, pati labada ay hinahayaan nalang na matambak.
Ikalima, nakakakilos lang ang breastfeeding mommy kapag mahimbing na ang tulog ng baby. Wala pang kasiguraduhan yan. Kasi, sa oras na magising si baby, panigurado udlot na naman ang gawaing bahay.
Ikaanim, para sa isang working breastfeeding mommy, mahirap din ang magpump ng magpump kung saan saan. Swerte nalang kung mayroong makitang pumping station na matino.
Ikapito, kapag nagpapa-breastfeed, prone ang mga mommy sa mga mapanghusgang mata. Sasabihan ka na takpan mo ang dede mo, kukwestyunin ang pagpapadede mo sa anak mo, papansinin kapag hindi ganun kataba ang anak mo, sasabihan kang hindi masustansya ang gatas mo.
Ikawalo, kapag nagpapa-breastfeed, may mga oras na kinakagat ng baby ang ni**le ni mommy kaya nagsusugat sugat pero patuloy pa rin sa pagpapadede para sa bata. Pag hindi masyadong pinalad, may oras na maaaring magkaroon ng impeksyon ang mommy at mauwi sa mastitis.
Ikasiyam, bugbog-sarado ang dede ni mommy dahil madalas ay malikot ang mga bata. Samahan pa ng iba ibang posisyon para lang makadede.
Ikasampu, kailangang maging maingat ni mommy sa kanyang kinakain dahil baka magkaroon ng hindi magandang epekto sa bata. Ganun rin sa pag inom ng mga gamot. Kailangan pang isangguni sa doktor ang lahat ng gamot na iniinom.
Hindi po madaling magpasuso ng bata. Opo, tipid kung sa tipid dahil hindi na bumibili ng gatas pero may mga sakripisyo din pong ginagawa.
Ganunpaman, sulit naman ang mga sakripisyong yun kapag nakita mong lumalaking malusog ang iyong anak. Bukod doon, nagsisilbi ring bonding ang breastfeeding sa pagitan ni mommy at baby. Masarap sa pakiramdam kapag ngumiti sa'yo ang baby mo at kumalma habang dumedede. Walang katumbas na ligaya kapag sobrang close nya sa'yo at lagi nyang hinahanap ang dede mo.
Kaya sa mga breastfeeding mommies dyan na tulad ko, tuloy lang! Padede lang ng padede! Sulitin natin ang panahon habang ang mga anak natin ay dede lang natin ang nagsisilbing pampakalma. Hehe
CHEERS TO ALL BREASTFEEDING MOMS!