08/01/2025
Nagbigay na po tayo ng malinaw na direktiba at deadline sa PhilEco at MetroWaste: bago mag-Enero 10, kailangang tapusin na nila ang koleksyon ng lahat ng tambak na basura mula Pasko at Bagong Taon. Araw-araw po nating binabantayan ang kanilang operasyon para masigurong natutupad ito. Ang problemang ito ay hindi natin titigilan hanggang sa maibalik ang kaayusan sa Maynila.
Tungkol naman sa Leonel Waste Management Corporation, nais po naming linawin na ang kanilang pag-alis bilang contractor ng lungsod ay hindi dahil sa sinasabing utang. Totoo pong may natitira pang bayad para sa kanilang serbisyo noong 2024, ngunit ito ay ilang buwang serbisyo na lang at kasalukuyan ng pinoproseso. Ang sinasabi nilang halagang P561.4 milyon ay malayo sa realidad. Tapat at totoo po tayong tumutupad sa ating obligasyon, hindi tayo tumatakbo sa ating utang tulad ng iba.
Ang kanilang desisyon na hindi sumali sa public bidding para sa bagong kontrata sa lungsod ay personal na desisyon ng pamunuan ng Leonel. Malinaw sa huli kong panayam sa kanila, na hindi ito dahil sa ano mang pangkukulang na obligasyon na sinasabi nila na meron ang Maynila sa kanila. Ganun pa man, hindi natin pwede hayaan ma apektuhan ang operasyon ng lungsod dahil lang sa pagbabago ng isip ng isang indibidwal.
Basta sa amin, ang tanging mahalaga ay ang tapat, totoo, at mahusay na serbisyong makikinabang ang bawat Manileño—higit sa anumang personal na relasyon.
Ang ating layunin ay tapusin ang krisis sa basura at siguraduhing hindi na ito maulit. Hindi po tayo magpapadala sa maling impormasyon o pamomolitika.