26/08/2025
[NAGKAKAISANG PAHAYAG LABAN SA CLIMATE CRISIS]
Nananawagan ang nagkakaisang sangkaestudyantehan ng Unibersidad ng Pilipinas Manila laban sa pamunuan ng Lungsod ng Maynila at sa rehimeng Marcos-Duterte na harapin ang tunay, sistematikong sanhi ng malawakan at paulit-ulit na pagbaha na sumisira sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
Nitong nakaraang ika-22 ng Agosto, sinalubong ang mga bagong Iskolar ng Bayan ng matinding pagbaha sa labas ng pamantasan, partikular sa Padre Faura, Pedro Gil, at Taft Avenue. Ang danas na ito, kung saan pinipilit ng mga estudyante, pasyente, at residente na lumusong sa maruming tubig-baha na umaabot hanggang baywang, ay hindi dapat gawing new normal at maging kasanayan sa pangaraw-araw na buhay. Ito ay malinaw na resulta ng kapabayaan ng mga nagdaang termino ng pamahalaan, at ng mga naghaharing uri, na kumukunsinte sa malalang korapsyon, at mga anti-poor at malakolonyal na polisya na nagpapahirap sa mamamayan.
Dito pa lamang, nakikita natin na ang danas nating mga Iskolar ng Bayan ay hindi nalalayo sa danas ng mga masang Pilipino, hindi lamang sa kamaynilaan kundi pati sa ibaโt ibang sulok ng bansa. Ang krisis sa pagbaha ay isang malinaw na manipestasyon ng krisis pangkalikasan at pangsistema.
Aming tinutulan ang mga gawa-gawang solusyon kagaya ng mga palpak na flood control projects, gaya na lamang ng kasalukuyang pinipilit na Waste-to-Energy (WtE) Facility sa Tondo na pinangungunahan ng Manila Integrated Environment Corp. at PhilEco. Sa kabila ng pagtutol ng mga environmentalists dahil sa lalong nakasasamang epekto nito sa kalikasan ay patuloy pa rin ang planong implementasyon dito. Ang pagpapatayo ng pasilidad na ito ay lalo lamang lalasunin ang kalidad ng ating kapaligiran at kalusugan ng ating mga residente nang dahil sa usok na magmumula dito.
Ang mga proyektong gaya nito ay malinaw na palatandaan na ang pansariling interes ng mga negosyante ang prayoridad nila, at hindi para sa ikauunlad ng bayan. Hindi lamang dahil sa matinding basura ang sanhi ng baha at paglakas ng mga bagyo, kundi dahil ito sa lumalalang krisis pang-kapaligiran na nagiging bunga ng mga mapanirang reclamation at mining projects, walang habas na pagkalbo ng kagubatan, at ang hindi makatarungan at maling pagpaplano sa paggamit ng lupa.
Higit sa lahat, malinaw na ang usapin ng pagbaha ay hindi lamang usaping pangkapaligiran; ito rin ay usapin sa kalusugan at kaligtasan. Habang patuloy na hindi natutugunan ang ugat ng problema, patuloy na nalalagay sa panganib ang mamamayan sa maruming tubig na nagdadala ng mga nakaka-alarmang sakit tulad ng leptospirosis, dengue, at iba pang mga sakit sa balat at baga. Dagdag dito, habang patuloy na bumabaha, nahihirapan din ang mga pasyente at healthcare workers ng PGH na maabot ang ospital. Ang mga emergency cases, pagdadala ng mga gamot, at pagbisita ng mga kapamilya ay lubhang naaantala, kung saan maaaring maapektuhan ang kanilang kalusugan.
Ang League of College Student Councils (LCSC) ay naninindigan para sa climate justice, at sa patuloy na pagsingil kay Rehimeng Marcos-Duterte sa kanilang kapabayaan at patuloy na pag-iwas sa hinaing ng masang Pilipino. Mariing kinokondena ng mga konseho ang patuloy na pagbibigay-pabor ng rehimen sa interes ng mga malaking burgesya komprador kaysa sa kapakanan ng mga mamamayan.
Hindi natural para sa isang bansa na magtiis sa napakaraming kalamidad na dulot ng klima bawat taon. Sa patuloy na pag-sira ng ating natural na mga hadlang tulad ng mga bakawan at bulubundukin, tayo ay naiiwan sa isang bansang walang proteksyon laban sa mga natural na sakuna dahil sa kasakiman ng mga malalaking korporasyon, katulad ng San Miguel Corporation at iba pa, at kapabayaan ng ating rehimen, mula sa mga proyekto na tuluyang yumuyurak sa ating kapaligiran hanggang sa korapsyong nagnanakaw mula sa ating mga mamamayan ng dapat ay napupunta sa proyektong pangklima.
Ang mga pagbaha at iba pang mga kalamidad ay lalong lumalala sa pagpapatuloy ng mga huwad na proyektong pangkalikasan. Ang krisis pang-kapaligiran at pagbaha ay hindi malulunasan ng mga proyektong pangkomersyo at pagpapatahimik sa mamamayan. Ang panawagan namin ay ang tunay, inklusibo, at makakalikasan na mga proyektong tumutugon sa totoong pangangailangan ng ating mamamayan at kapaligiran.
Kaya naman hamon sa bawat Iskolar ng Bayan na makiisa at manindigan kasama ang taumbayan. Dapat wakasan na ang pagpapasan sa mga pasista at malakolonyal na mga patakaran ng mga naghaharing-uri. Ang solusyon sa pagbaha at sa lahat ng krisis na dinaranas ng bayan ay nasa sama-samang pagkilos at pagpapanagot sa mga nagkasala.
Singilin ang Rehimeng Marcos-Duterte! Climate justice now!