29/06/2020
Kwento ni Tata Kulas.
Ito pa ang kwento ko.
Kami po ay nakatakda na talagang umuwi noong buwan palang ng Abril. Dahil nga po sa epekto ng Covid ay naglockdown sa iba't ibang bansa. Kabilang na nga po dito ang bansang UAE na kinaroroonan po ng Dubai kung saan kami ay nagtatrabaho at naninirahan ng pansamantala. Dahilan nga po ng mga lockdown ay ang pagsasara ng ilang mga paliparan na nagdulot po ng pagkansela ng aming mga flight. Sinubukan po naming makipagugnayan sa embahada para sa nabalitaan naming repatriarion ngunit kami po ay sinagot lang nila na madami daw pong nauna samin, at maghintay po kami ng kanilang tawag. Taliwas po sa pinahayag nila na kaunti lang daw po ang nagpakita ng interes ng iannounce nila ang repatriation. ( Sa ngayon po ay may mga maganda naman pong balita, na may mga natulungan na sila na mapauwi.)
Kami po ay naghintay ng pagbukas ng mga airport at magbook ng ticket. Hanggang sa lumipas po ang Abril at Mayo, kasabay ng patuloy po na pagkansela ng mga flights, ay nagpatuloy din po ang aming gastusin. Sa renta ng bahay at sa pambili ng mga pagkain. May mga flights po na natutuloy ngunit iyon ay Emirates Airline lang po at ilang mga chartered flights ng PAL. Ang mga naturang flights po na iyan ay talaga namang may kamahalan ang presyo ng ticket.
Ako po ay gumawa ng isang open letter na pinost ko po sa isang group page at sa iba't ibang page ng mga kilalang tao, ng sangay ng gobyerno at kung saan saan pa. Hindi ko po alam kung mayroon pong nakapansin pero wala pong naging sagot o tugon ang embahada at konsulado.
Sapagkat nakapagpabook na po kami ng ticket sa Gulf Air, kami po ay naghintay, hanggang sa sunod sunod na naman pong nakansela ang aming flight. Base po sa email ng gulf air, Hulyo na po ang mga available na flight, kaya kami po ay nagdesisyon na magrefund ng aming ticket.
Dahil maari pong umabot ng 90 days ang pagrefund, wala po kaming salapi na maipangbubook sa Emirates Airlines. Kung kaya po kami ay nagtanong tanong at nanghiram sa aming mga kakilala. Kinailangan po namin ng nasa tig 70k pesos ang bawat isa samin. Madami pong tumulong samin at nagpahiram kung kaya kami po ay nakapagpabook at nakabili ng ticket. Bago po namin nabuo ang pambili namin ng ticket ay tinulungan din po kami ng agency ni Ate Maria. Nagtiwala po siya sa amin at ibinook po kami kahit na wala pa po yung pambayad para po masecure lang yung seats at para hindi na matapat sa pagtaas pa ulit ng presyo. (oras lang po kasi ang lilipas ay tataas na naman ang presyo ng ticket).Nagdesisyon po kami na mangutang dahil mas malaki pa po ang magiging gastos namin kung kami ay mananatili pa sa paghihintay na matuloy ang flight ng Gulf Air. Pinili po namin na manghiram ng salapi para makauwi, kesa humiram para maghintay. Mas makakasurvive po kami kung kami ay nasa sarili nating bayan. (Dito sa Pinas, kahit kamote lang magkakatalo na.)
Kaya po lubos ang aming pasasalamat sa lahat po ng nagpahiram at hindi po nagdalawang isip na kami ay tulungan sa oras ng aming pangangailangan. (Kahit po hindi pa namin sigurado kung kailan kami makakapagbalik ng kanilang mga pinahiram.) Iyon pong pera ay sigurado naman pong aming maibabalik (baka matagalan lang po🙏), pero yung kagandahan po ng kanilang loob ay kailanman hindi po namin mababayaran o masusuklian. Hindi ko na po kayo iisa isahin.
Dumating po ang araw ng aming flight at hanggang sa huli po ay nagkaproblema pa kami sa aming mga gamit, hindi po namin madadala lahat, muli po ay to the rescue syempre si idol Ojie. Iniwan po namin ang ibang gamit namin sa kaniya at siya na daw po ang magpapacargo.
Sa ngayon po ay nananatili kami dito sa hotel facility na provided ng OWWA sa Pampanga. Ito po ay real talk lang, hindi po kami nakakuha ng ayuda ng OWWA sa Dubai dahil sa mga requirements na medyo may kahirapan na makuha sa employer. Pero dito po sa Pinas, FULL SUPPORT po ang OWWA. Wala pong requirements. Basta sumunod ka lang sa mga guidelines. Maganda ang facility, maayos, meron pong mga kaunting issue pero agad pong sinusolusyunan ng hotel management at ng OWWA. Kung sa Manila po, nakalagay sa mga post ng mga ofw na sila ang magtitingin ng result nila at magpapaprint, dito po sa Pampanga, OWWA po at BOQ ang tututok hanggang sa kami daw po ay makauwi. Iaabot na lang samin yung certificate namin once na lumabas ang results.
Masyado na po mahaba ang kwento ko, kaya po ay tatapusin ko na dito. Muli po ay maraming salamat sa mga tumulong samin hanggang sa makauwi kami. Salamat din po sa mga nagtiyaga na magbasa.
Palike na din po ng page.
Salamat po ng marami!!!